Entries for May, 2006

May 1st, 2006

Czelh

Sa  nakalipas na walong buwan, nasanay na ako ng nakakausap at nakikita sya sa loob lang ng kumpyuteran tuwing linggo.  Nung huli kaming makapag-usap sa Yahoo Messenger, plinano naming dalawa na magkita para advance na icelibrate ang aking nalalapit na kaarawan.

April 23, 2006.  Linggo.  Yan ang napag-usapan naming araw ng aming pagkikita sa MRT Ortigas Station alas-siyete ng gabi.  Pero bago pa matuloy ang plano naming pagkikita, atras-abante na ang utak ko.  kinakabahan.  nalilito.  At mukhang kailangan ko pang uminom ng tabletas pampalakas ng loob para maghanda ng bago at matibay na kumpiyansa sa sarili... na hindi ko alam kung saang botika ko mabibili.

Hindi nagtagal nagkita na nga kami.  Maganda pala sya sa personal.. At ang bango nya nung mga oras na yun. amoy victoria secret, hindi katulad sa'ken na amoy Albatross..  mahaba din ang buhok nya, halatang hindi tinatantanan ng Palmolive Aroma Therapy.   Maricel Bagadiong.  Yan ang tunay nyang pangalan.  Skulmate ko sya dati sa EARIST, at nung nakaraang taon ko lang naging malapit na kaibigan sa tulong ng Friendster.  

Pagkakita nya sa'kin, binati nya kaagad ako ng "Hi!" at sinamahan nya pa ng pakaway-kaway.   Nung ako na, binati ko sya ng "Kamusta!" sabay halik sa pisngi nya at pagsasabi ng  "YAHOOOO!!"   (Pero pangarap ko lang yun.)

Pagkatapos nun dumiretso na kami sa isang Bar na medyo sosyal ang dating.  Maganda yung Bar na pinuntahan namin.  Panalo sa ambience.  At ang tumayong background song e yung busina ng mga nagdadaang sasakyan.   Sinabi nya sa'kin na madalas daw sila ng mga katrabaho nya sa Bar na yon.  Yun daw ang tambayan nila pag wala silang pasok sa trabaho.  Pagkaupo namin sa silya,  hinarang kagad kami ng isang waiter na nagngangalang "VIC"   Inabot ang menu, kasunod 'nun ang matagal naming brainstorming kung ano ang aming oorderin.  Hinayaan ko syang magpasya kung ano ang aming oorderin.  Matagal na nag-isip si Maricel.  mga 3 seconds.  sabay birit!!  

"Isa ngang Cali Shandy at San Mig Light"

"Penge na ding Lemon at saka isang order ng Sizzling Porkchop."

Yun na ang aming naging official order.  Sa kanya yung Cali Shandy, aking naman yung San Mig Light.  Tinanong nya ko kung naninigarilyo daw ako.  Sinabi ko na "hindi ako naninigarilyo, pero kung maninigarilyo ka maninigarilyo narin ako"  Natutuo akong manigarilyo sa mga kaklase ko nung kolehiyo. pero isang buwan lang ang tinagal nun. hininto ko na rin, dahil pinasakit nya lang ng magdamag ang ngipin ko.  Simula nun, wala na'kong kamuwang-muwang kung ano ang Reds, Lights, Menthol.   Nakakatawa!!  Hindi pla kami pareho naninigarilyo.  Nung mga oras na yun may baon syang isang kaha ng Marlboro Lights at lighter na itim.  Trip nya lang daw manigarilyo.  Trip ko din..   Hithit-buga..  yan ang aming naging drama.  Hithit namin ang mga bago naming nalalaman sa isat-isa habang binubuga naman namin ang mga gusto naming sabihin sa isat-isa.

Magandang pamatay oras ang kwentuhan.  Habang iniinom nya ang Cali Shandy at ako naman ay San Mig Light,  gumulong ng kusa ang usapan tungkol sa kanya.   Marami na pla syang napasukang trabaho.  Una nyang inapplyan ay yung Ever Gotesco Mall na malapit sa'min.  hindi sya natanggap dahil 16 years old palang sya nun at masyado pang bata.  Sumunod nun, nag-apply sya sa Wendys.  Natanggap at naging pangkaraniwang empleyado.  Pero hindi sya tumagal sa Wendys.  nag-resign din sya.  kung nagsawa man sya o may foul play na naganap sya lang ang nakakaalam.  hindi na 'nya kinuwento sa'kin.   Pagkatapos nag-apply naman sya sa Greenwich.  Natanggap, pero na terminate dahil "Minura nya yung manager"minura nya yung manager"minura nya yung manager"  hindi nya daw nagustuhan yung pamamalakad.  "Magaling na babae"    Tapos nun nag-apply naman sya sa Penshoppe.  Natanggap at yung kinikita nya doon ang pinangtustos nya sa pag-aaral sa kolehiyo.  Naliitan sya sa sahod, kaya gaya ng dati.  Nag-resign uli sya.   At dahil sya yung tipo ng babae na hindi napipirme sa isang tabe.  Nag-apply uli sya ng trabaho sa ikalimang pagkakataon,  bagay na di ginagawa ng matitinong babae.   Pizza Hut naman ang pinunterya nya.  Natanggap.  tumagal sya, kaso lang nagkaroon ng conflict sa pag-aaral nya.  masakit man sa kanyang kalooban, gaya uli ng dati.  Nag-resign sya hanggang mapunta sa Matrix.  isang Bar sa loob ng Hotel sa Makati na kasalukuyang pinagtratrabahuan nya.   Naikwento nya din na sya pala ang bread winner ng kanilang pamilya. ang kuya nya ay nagtratrabaho sa isang bangko sa Ortigas, ang nakababatang nya namang kapatid ay namumroblema sa kukuning kurso sa kolehiyo, at nalaman ko din na umabot ng 1,900 ang bill ng kuryente nila.  Biglang nagping-pong ang usapan tungkol sa lovelife..  Sinabi nya na ang gusto nya daw sa isang lalake e ung may utak.  yung may talino.  na inaamin ko na yun ang wala ako..   

Pagkaorder namin ng panibagong inumin, dumating naman ang dalawa nyang katrabaho at nakisalo sa'min.  Si Jerry at si Irene.  Okey naman yung dalawang katrabaho nya.  mabait at mukhang bonding na nga silang tatlo sa isat-isa.  si kaibigang Jerry ang tumayong storyteller namin nung gabing 'yon.   Walastik!!  Parang robot na desusi si Jerry kung magkwento.  detalyadong-detalyado and with matching facial expression pa.  Isipin mo na lang na nakapanood ka ng sine na may kasamang commercial.  Ganun na ganun!!   nakakalibang syang pagmasdan pagnagkikwento.  Pati nga si Irene at si Maricel natatawa sa kanya.   Habang pinag-uusapan nilang tatlo ang mga hinaing nila sa kanilang trabaho,  doon ako nakakuwa ng pagkakataon na pagmasdan ng husto si Maricel. Maganda pala sya.  Ang katulad nya yung tipo ng babae na intelehente at magaling magdala sarili. bagamat sya ay palamura, sumasalamin naman sa totoong pagkatao nya.  at yung isa sa mga nagustuhan ko sa kanya e yung husay nya sa pagsasalita.  para kasi sakin, talento ang ganun..  

Pagkaalis ni Jerry at Irene,   nabaling naman ang atensyon nya sakin.  Tinanong nya ko ng dalawang beses.

"Ikaw, may plano ka pa bang mag-aral?"

"Ano bang gusto mo sa sarili mo?"

Ang tangi kong nasagot sa tanong nya.

"Gusto ko pang mag-aral pero hindi ko pa alam sa ngaun kung anong gusto kong kurso."

Bigla syang sumagot.

"Mahirap yan!!  Hindi mo alam kung anong gusto mo."

Sumagot ako.

"Marami kasi akong gusto, sa sobrang dami nga hindi ko na alam kung ano ang gusto ko."

Walangyang sagot ko!!  sagot ng hindi matitinong tao.  sana lang hindi sya naasar sakin 'nun.

Sya naman ang nagsalita at pinayuhan ako.

"Alam mo kasi, mahirap yung ganyan.  dapat alam mo yung gusto mo sa sarili mo.  ako nga dati !  hindi ko gusto yung kursong HRM.  pero sineryoso ko na lang at ibinase ko sa pinasupasukan kong trabaho.  Ang maipapayo ko lang sa'yo."

"Kung gusto mong mag-aral,  mag-aral ka!"

Kung gusto mong maging computer technician, maging mahusay kang computer technician!"

"Kung gusto mong magtrabaho,  mag focus ka sa trabaho!"

"Kung gusto mong magkaroon ng magandang trabaho, paghusayan mo!"

"Kung gusto mong maging tindero ng balut, wag kang dadaan sa harap ng bahay namin para mambulahaw sa gabi kung ayaw mong masaktan!!"

Ang tanging naisagot ko na lang sa mga sinabi nya.

"Hayaan mo, tatandaan ko yang sinabi mo."

Hindi ko na sinabi sa kanya yung dalawang pangarap ko lang sa buhay.  Mahirap na!!  baka pagtawanan nya pa'ko pagnalaman nya.

Hindi ko alam kung bakit natatame ako nung gabing yun na kaharap ko sya.  kahit nga pigain at kulangutin ko ang utak ko para lang kwentuhan sya at mapatawa hindi ko nagawa.  Mas mainam nga sana kung kumain na lang ako ng sipit ng damit o di kaya e balde-baldeng lupa.  baka sa ganung paraan napahanga ko pa sya.  Yun kasi yung paborito kong ginagawa  pag-kausap ko sya..  Mas masaya ako pag napapasaya ko sya.  Pero nung gabing 'yon, mas pinili ko yung tunay na ako.  yung yhotski na simple lang at tahimik, pero ang totoo, loko-loko..  At isa pa, nandun pa yung "ilang" ko dahil first time ko palang syang nakausap in person.   (Palusot!)

Medyo malungkot nga lang yung dumating ang oras na kailangan ko na syang ihatid sa sakayan pauwi sa kanilang tahanan.   Nung gabi ko lang sya 'nun nakausap ng personal, ganon din sya sa akin.  Pero parang antagal na naming magkakilala sa dami ng naikwento nya.   Hanggang sa dumating sa puntong unti-unti ko nang nabibitawan ang kanyang kamay, at kaming dalawa'y nagkahiwalay.

Maraming Salamat Czelh dahil nagkaroon ako ng kaibigang katulad mo!

Maraming Salamat dahil pinahalagahan mo ang kaarawan ko!

Maraming Salamat dahil bumayahe ka pa talaga simula sa inyo hanggang sa MRT Ortigas Station para lang makipag-kita sa'kin.  Ang sarap isipin na pinapahalagahan mo ako.  'Ewan ko ba kung anong meron sa'kin at ginawa mo 'yon.   Ang akala ko nga, hindi mo na ako sisiputin at hanggang sa panaginip na lang kita maisasayaw.  (ngek!  Ano 'to "El bimbo"??)

Maraming Salamat dahil dumating yung dalawang katrabaho mong si Jerry at Irene na nakisalo sa'tin.  nagkaroon tuloy ako ng pagkakataong pagmasdan ka.  Malas ko nga lang dahil napaso yung daliri ko habang minamasdan kita, di ko alam na baga na pala ng sigarilyo yung iniipit ng dalawang daliri ko!

Maraming Salamat dahil hindi ka pumayag na mayakap kita nung humirit ako sa'yo bago ka umuwi.  'Ewan ko ba kung bakit nasabi ko 'yon. dala nalang cguro ng kalasingan.  Naasar mo pa ko tuloy ng

"Ano 'yon pampaswerte!!"

Maraming Salamat Czelh dahil pinaunlakan mo akong makilala ka at maisulat ka!

Maraming Salamat!!!

Sobrang saya ng pakiramdam ko nung gabing yun.  hindi nya nga lang nahalata sa'kin dahil sinadya kong maging tahimik habang pinagmamasdan at pinakikiramdaman ang tunay na "sya"  Ngayong nagkita na kami kahit na hindi pa gaanong gamay ang isat-isa, sana 'di masayang ang aming simula.  ayokong lahat ay mauwi sa wala... At sana hindi yun ang huli naming pagkikita.

Currently listening to: Silly Love Songs by Paul Mccartney & Wings
Posted by YHOTSKI at 11:49 AM | 2 Ang hindi mapakale