Entries for July, 2006

July 5th, 2006

Tonsillitis

Tatlong araw na'kong hindi makalabas-labas ng bahay dahil sa sakit na trangkaso sanhi ng Tonsillitis. Hindi rin ako makapasok-pasok ng trabaho dahil wala sa tamang kundisyon ang katawan ko. Ang hirap talaga kapag may sakit ka. Bukod sa masakit sa ulo at bulsa, marami ka ring hindi magagawa dahil mauuwi ka lang sa puro pahinga. Tulog-gising-kain-inom gamot-nood TV. Tulog-gising-kain-inom gamot-nood TV. Tulo-gising-kain-inom gamot-nood TV. Paulit-ulit yan. Nauubos ang isang araw ko sa limang gawain na yan.






Madalas ako ngayong high sa antok dahil sa dami ng iniinom na gamot. Biogesic para sa trangkaso. Neozep para sa sipon na madalas mamintana sa butas ng ilong ko. Erythromycin para sa tonsillitis. Bukod doon, kailangan ko pang magpahid ng Vicks sa ilong at sentido para guminhawa ang pakiramdam ko at kailangan ko ring magtunaw ng Strepsils sa bibig kada anim na oras para sa nangangati kong lalamunan. (Pasakit talaga, sobra!) Pwede mo na nga akong bansagang "Taong MASA" taong MASAndal tulog.








First time ko sa sakit na Tonsillitis. Ang hirap dahil hindi ka makakanguya ng maayos pag kumakain. hindi ka rin makakalunok ng mabilisan. kailangan, marahan at dahan-dahan. tapos may sipon ka pa, kaya wala kang panlasa. ultimo pagkain katatamaran mo na talaga. pakiramdam mo, parang naiwan sa lalamunan mo yung bato na madalas lunukin ni Narda. Nung una kong bili sa gamot na Erythromycin, nabighani kagad ako sa kulay nya. PINK. ininom ko sya kahit na walang laman ang tiyan. sa kagustuhan kong gumaling kagad ang Tonsillitis ko nang sa ganon e makapasok na ko sa trabaho, ang nangyare, namilipit ako sa sakit na para bang inaapakan ako ng dalawampung elepante sa tiyan. sa sobrang sakit, pati diyos ng hapon natawag ko.





Ayon sa nabasa ko sa internet. Ang sakit daw na Tonsillitis ay nakukuha kapag nasobrahan ka sa malalamig na pagkain at inumin. maari ka rin daw magkaroon nito kapag mahilig ka sa matamis. Merong nakapagsabi sa'kin na nasa lahi lang raw ang sakit na 'to at hindi naman raw nakamamatay. (pero hindi ako naniniwala sa nagsabi sakin na yon.) Maari din daw 'tong ipatanggal kung gugustuhin mo nang sa ganun ay hindi na magpabalik-balik basta meron kang pera pampa-opera. Sa ngayon ay mag-aapat na araw na 'tong sakit ko. kahapon lang nagfile ng resignation letter yung isang sakit ko. si sipon. hindi yta nagustuhan ang pamamalakad ng namamahala sa ilong ko. maluwag na ngayon ang paghinga ko at nalalasahan ko na yung masasarap na pagkain gaya ng Tuyo, sardinas, bagoong at itlog na maalat. Si trangkaso naman, naging lagnat na lang kaya maski papaano may sigla na ang katawan kong lantang gulay dati maliban na nga lang kay Tonsillitis. Hindi parin sya magaling. Mukhang hindi sya kayang kunsintihin ni kaibigang Erythromycin. Sinubukan ko narin yung sinabi sa akin ng isa sa mga kapitbahay namin. yung asin na ibabad mo sa tubig. kahit na hindi maganda yung lasa nya, Ininom ko. kaso lang alaw's din bisa. Yung isa din na sinabi nila sinubukan ko. calamansi na pipigain mo at hahaluan ng maligamgam na tubig. gaya ng nauna, dehins din tumalab. nakakaasarrr!!! nagagalusan na ng husto yung pobreng bulsa ko sa kakabili ng kung ano-ano para lang gumaling 'tong Tonsillitis ko. Isa na lang ang hindi ko pa nasusubukan. Muriatic Acid. Bukas ko na 'sya ita-try. Sana epektib.

Currently feeling: sick
Posted by YHOTSKI at 02:26 AM | Ang hindi mapakale

July 16th, 2006

Apat na anghel sa buhay ko

 

 

 

 

 

 

Linggo ng umaga ngayon. at gaya ng nakagawian, urong sulong ang katawan ko kung tatayo ba'ko o hindi ng higaan. Para sa'ken wala ng mas sasarap pa sa araw ng linggo na kung saan ako ang hari ng higaan at wala akong iintindihing trabahong papasukan. pilitin ko mang tumayo buong puwersa naman akong pipigilan ng aking hinihigaan. Pinagtutulungan akong daganan ng mga unan kasabay 'non ang pagpulupot ng kumot sa buo kong katawan.





Nasanay na akong nagigising sa umaga na kisame ang unang nakikita. pero ngayon pagmulat ng aking mata, suklay sa bibig ko ang una kong nakita. 'Langya!! Pinagtripan na naman ako ng mga pamangkin ko.



"Sasara ang bulaklak
Bubuka ang bulaklak
Dadaan ang reyna
Sasayaw ng cha-cha
Abum-tiyaya-bum-tiyaya
Bum yeah! yeah!"




Dianne, Charles, Bhea, Kurl. Yan ang kanilang mga pangalan. madalas silang maglaro sa itaas ng bahay kung saan ako natutulog. pagnagsama-sama na silang apat, tiyak na babalutin ang buong paligid ng mga boses na "Kalesa-kalesa sino ang sakay mo?!" May matatanggal na dalawa at yung matitirang dalawa magbabato-batopik na lang. "hahaha.... ikaw ang taya!" Kapag natapat kay Kurl ang pagiging taya, mauuwi na lang ang larong taguan sa habulan. Dalawang taon lang si Kurl. sya ang pinakabunso sa apat na pamangkin ko. medyo wala pa syang alam pagdating sa paglalaro. nang minsan ngang nakita ko syang naglalaro ng laruan, yung kotse-kotsehan pinalilipad nya at yung eroplano, may tali. hinihila at hindi pinalilipad gaya ng mga eroplano sa Philipine Airlines. Masasabi kong pagngiti, pag-iyak, at pag-ihi palang talaga sa saluwal ang kanyang nalalaman. Pilitin nya mang ibuka ang kanyang bibig, dalawang salita lang ang pinagpapalit-palitan nyang sabihin. "Mama" "Dede"




"Ayun si palaka
Walang ginagawa
Abukaka-abukaka
Isang palaka!"




Kanya-kanyang karipas ng takbo. wala silang pakielam kung maapakan man nila ang mukha ko. Sa ayaw ko man o sa gusto magpaistorbo ng tulog, meron talagang mga batang mahilig maglaro. yan ang mga pamangkin ko. Sa ayaw ko man o sa gusto, ala-una na ng hapon, wala pa'kong almusal at tanghalian. gutom na'ko. Sa ayaw ko man o sa gusto, hindi ko sila pwedeng patigilin sa paglalaro dahil sasabihan lang nila 'ko ng "Cge hindi ka na namin tatawaging Tito!" Sa ayaw ko man o sa gusto, may apat na pamangkin akong nuknukan ng kulet. "Taya! Taya!" sigaw ni Bhea na pinaka bibo. Biglang hihirit si Charles "Hindi ah!" "Ang daya-daya mo naman Bhea. hindi mo pa nga ako nahahawakan eh!" agad na sasagot si Bhea "Anong madaya? Sheda!" Ang taya-tayaan mauuwi sa asaran hanggang maging suntukan. dyan na papasok sa eksena si Dianne ang pinakamatanda sa apat na papapel bilang tagaawat sa nagsusuntukan "HOy tama na yan!" "Charles, isusumbong kita kay mama!" Magso-sorry si Charles kay Bhea. pagkatapos 'non laro na naman.




Alarm clock ko ang kanilang kaingayan. pagkatayo ko sa higaan, sasalubungin kagad ako ni Charles at Bhea "Tito yoyot patugtog ka sasayaw kame!" Dahil sa uto-uto ang kanilang tito at masyadong maaawain, magpapatugtog ngayon ang kanilang uto-utong tito. Likas sa mga bata ang pagiging bibo. makarinig lang ng kanta, sasayaw na. kahit ako nung nasa edad pa'ko na walang ibang laman ang utak kundi ang magsayaw, marinig ko lang ang kantang



"A la tuhuelpa legria macarena
Que tuhuelce paralla legria cosabuena
A la tuhuelpa legria macarena Eeeeh, macarena
A-hai! A-hai!"






Siguradong makikita muna ako dating gumigiling sa tugtog na yan. dahil sa ako lang noon sa bahay ang mahusay magsayaw, ako ang madalas nilang gawing Easy Dancing, U Can Dance, at Shall We Dance sa bahay. kasabay natin sa pagtanda ang ibat-ibang klaseng musika. mga musikang magpapakanta at magpapagiling sa'tin talaga. Kung ako ay napapasayaw sa Macarena, ang apat na pamangkin ko naman ay hindi mo mapapasayaw hanggat hindi naririnig ang kantang



"Yay yay ya
Yay yay yay ya ya
Yay yay yay ya ya
Yay yay yay ya
Pag ang puso ko ay nagmahal
Garantisado na magtatagal
Pero kung ito'y masasakal
Hindi mo'to matitikman"





Masarap talaga ang may bata sa inyong bahay. nakakalibang. Pagnarinig na nila ang kanta na 'yan, para silang apat sinasapian ng masamang ispirito. kembot dito, giling doon, creepwalk dyan. sari-saring galaw. habang ako naman ay naaliw lang at napapaisip. Napakabuti ko palang Tito.

Posted by YHOTSKI at 05:54 AM | Ang hindi mapakale

July 27th, 2006

Naikumpara "AKO" kay Bob Ong

"Ikaw, anong ginagawa mo sa ibabaw ng bato sa ilalim ng nagliliyab na araw?"

"Wala." sagot ni Ulang.

"Wala ka bang ibang pinagkakaabalahan?"

"Meron"

"Ano?"

"Ito ang pinagkakaabalahan ko. Gumagawa ako ng wala."

"Wala kang ginagawa?"

"Hindi. Iba ang walang gingawa sa gumagawa ng wala."

Lalong napakunot ng noo si Tong.

"Anong pinagkaiba noon?"

Itinuro ni Ulang ang malawak na kapaligiran.

"Yan ang wala. 'Yan ang ginagawa ko. Gumagawa ako ng wala."

"Paano 'yun?"  tanong ng nalalabuang talangka.

"Paano mo malalaman kung tapos mo nang gawin ang wala?"

"Kapag gumawa na 'ko ng meron."

"Pero hindi mo naman nakikita ang ginagawa mo, di ba?"

Patuloy pa rin sa paghahanap ng masisilungan si Tong.

"Dahil nga ang ginagawa ko sa ngayon ay wala. Sa katunayan, lahat 'yang pinagmamasdan mo ngayon ay pinagpaguran ko."

Tinignan ni Tong ang kawalan.

"Andami mo na palang nagawa!"

"Hindi ka ba napapagod gumawa ng wala?" tanong ni Tong

"Napapagod." sagot ni Ulang.  "Wala na nga akong pahinga eh!"

Pamilyar ba?  Sa mga masusugid  na tagahanga ni BOb Ong, sigurado akong alam nila kung saang libro makikita ang ilang linya na nabasa mo sa itaas.  Pero kung hindi mo pa kilala ng husto ang taong tinutukoy ko, sasabihin ko na sayo na sa Alamat ng Gubat mo mababasa ang ilang linya na nasa itaas.  Simula ng maisipan kong ibahagi ang ilang sinusulat ko dito sa Internet lagi akong naikukumpara sa taong sumulat ng mga librong ABNKKBSNPLAKo?!, Bakit Baliktad Magbasa Ng Libro Ang Mga Pilipino?, Ang Paboritong Libro Ni Hudas, Alamat Ng Gubat, at Stainless Longganisa.  Lagi akong nakakarinig ng mga salita sa ilan kong commentarista ng "Ang galing mo, para kang si Bob Ong."  Nagkainteres tuloy akong kilalanin kong anong style ang meron sya pagdating sa nakakabangag na gawain gaya ng pagsusulat.  Sa malapit kong kaibigan nabasa ang tatlong magkakasunod nyang libro.  Ang Green Book, Yellow Book, at Black Book. hiniram ko.   Naaliw ako sa tatlong libro nya kya naisipan kong basahin yung pang-apat.  Lalo pa'kong napasaya ng author na si Bob ONg ng bilhin ko ang pinakamura nyang libro.  Alamat Ng Gubat.  Madaling araw ko binasa ang libro na'yon. At halos sumakit ang tiyan ko sa kakatawa na syang naging dahilan sa paggising ng biglaan ng ilang kapatid ko.  Napaghinalaan pa yata akong siraulo. Ikaw ba naman kasi ang humalakhak ng dis-oras ng gabi.  Kung ako ang tatanungin at papipiliin sa limang libro nya, masasabi kong ang Orange Book na'yon ang pinakamaganda. Doon mo kasi makikita ang totoong manunulat.  sa paggamit ng character at kung paano mo pagugulungin ng maayos ang storya.  Hindi dahil sa 'yon palang ang librong nakapagpatawa saken ng husto, kundi dahil sa doon ko nakita ang pagiging mahusay nyang manunulat. Mga salitang totoong nangyayare sa ating bansa na itinatago sa pagpapatawa.  bagama't halatang fiction ang nasabing libro, kapansin-pansin naman ang malubhang sakit ng ating lipunan.  At sana, sana, sana sa katauhan ni TOng, Haring Leon, Buwaya, Matsing, at kaibigang Ulang ay matigil na ang corruption sa ating gobyerno.  Ang hindi matapos-tapos na giyera sa Mindanao, at Mawala na sna din ang mga ilang TraPong official.  sa kabilang banda, nakakahiyang mang ikwento na ang ikalima nyang libro ay tinapos ko sa isang bookstore ng lagpas isang oras na nakatayo lang at walang hingahan.  At sa pagbabasa ko ng lahat ng libro nya, napansin kong may pagkakatulad pala kami ng istilo sa pagsusulat.  Pareho pala kaming gumagamit ng mga nakakatawang salita.  Ang pagkakaiba namin, sya may sariling boses, ako wala.  Nagsusulat lang ako para makapagpasaya. samantalang sya ay nagsusulat ng merong gustong iparating sa lahat ng mambabasa.  Importante sa isang manunulat ang magkaroon ng sariling style at boses sa mga sinusulat nya.  Dahil kung wala ang isang manunulat nito, kahit pa sabihin mong SAYO nga nanggaling ang isang magandang artikulo kung magkapareho naman kayo ng isinisigaw ng isang magaling at sikat na author, mawawalan din ng saysay ang pinaglalaban mong "SAYO."  Lalabas din na isa kang "Plagarist."    Kaya nga hangga't maari iniiwasan kong sumulat ng katulad ng kay Bob Ong.  Ayaw ko kasing dumating sa puntong masabihan nya kong  "Ur nathing bat a sekond greyt traying hard koffemate!"  Masasabi kong mahusay tlga sya pagdating sa pagsusulat.  Saludo ako sa kanya.

Highschool palang ako ganito na ang tema ng pagsusulat ko.  "Nakakatawa"   kahit  na ang totoo ay hindi pa ko nakakatikim ng panalo sa ilang essay contest na nasalihan ko nung highschool pa'ko.  Para kasi saken, mas okey ang magsulat  ng nakakatawa kaysa sa masyadong seryoso. buti sana kung magsusulat ako ng seryoso at maipapalabas sa MMK.  Siguro 'yon papatol ako sa pagsusulat ng seryoso.  At isa pa sa mga dahilan ko. Kapag  seryoso kasi masyado ang sinusulat mo, diretso lang sila sa utak ng tao at mapapaisip lang ang nagbabasa.  Hindi tulad kapag nakakatawa ang sinulat mo, diretso sa utak, puso, at kaluluwa ng bumabasa.     Hindi madali ang buhay ng isang manunulat.  Lalo na kung katulad mo akong naglalamyerda muna sa kung saan-saan ang utak bago makapagsulat.  Naghahanap ng gala.  Nagpupunta muna ako sa kahit saan.  Naghahanap ng makakausap.  Madalas sa Yahoo Messenger.  Basta interesante at may sense kausap pinapatulan ko.  Ang akala nga ng iba nagchachat ako para lang maka-hook ng magandang babae. pero ang totoo, nagchachat  ako para may mapulot na salita sa nakakausap ko.  At para na rin magkaroon ng bagong kaibigan kung kaibigan man nila akong maituturing.  Naglilibang.  Naglalaro muna akong ng Zuma, Textwist, at nagbabasa din ako ng libro.  Para saken, hindi matatalo ng magic ni David Blayne at Eric Mana ang magic na naidudulot  ng pagbabasa ng libro.  Kapag inspired na inspired na 'ko at pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo ko sa dami ng laman na ideya, dyan muna 'ko makikita sa isang sulok na may hawak na ballpen at papel.

                            "Mangahas kang maging siraulo."

Yan ang mantra ko sa pagsusulat.  Dahil habang nagsusulat ka, para ka na ding siraulo.  Isip ng isip kahit na ang totoo ay hindi mo naman kailangang isipin.  "Wag ka nga lang magsasalita mag-isa ha?"  Ibang usapan na 'yan!

Ang maikumpara sa mahusay na manunulat na si Bob Ong ay isa ng malaking karangalan para sa baguhang tulad ko.

Posted by YHOTSKI at 07:40 AM | Ang hindi mapakale