Entries for October, 2006

October 1st, 2006

P50

Image Preview

 

Last Friday ngayon ng buwan ng Setyembre. At dahil sa panata ko na talaga ang magsimba sa Quiapo kapag ganitong araw, pagkatapos ng misa, may naisipan akong gawin na hindi ko pa nasusubukan sa buong buhay ko, "Magpahula." Wala naman sa puso ko ang pagpapahula. gusto ko lang masubukan, baka sakaling mabago ng manghuhula ang takbo ng buhay ko.




Maraming matandang babae ang nakaupo sa lilim ng mga payong ang naghihintay sa gilid ng Plaza Miranda na kung tawagin ay Manghuhula. Pagkalapit ko sa isang Lola, bumulaga na kaagad sa dalawa kong mata ang nakalatag na maliit na kahoy na lamesang kinumutan ng telang pula. Sa ibabaw ng lamesa ay may isang piraso ng illustration board na may naka-drawing na malaking palad. Nakasulat ang mga katagang: HOROSCOPE, PUNSOY, BAD SPIRIT, FAITH HEALING, GAYUMA, HIDDEN SECRET, AGIMAT, at iba pang serbisyong handog ng matandang manghuhula. Bukod doon, meron pang ibat-ibang klase ng baraha ang nakapatong sa ibabaw.


Manghuhula: "Totoy, papahula ka?"

Gusto ko sanang sabihin kay Lola na bente-dos anyos na'ko. hindi na ako karapat-dapat tawaging Totoy. Pero naalala kong kabastusan pala ang sumagot sa nakakatanda.


Ako: "Opo!"
Manghuhula: "Ano gusto mong ipahula?"
Ako: "Gusto ko po sanang ipahula kung anong
mangyayare sa buhay ko sa hinaharap."





Pero bago nya ako hulaan, ipinakita nya muna sa'ken ang tatlong klase ng baraha na ginagamit sa panghuhula. "Itong ordinaryong baraha [pinakita ang baraha] ay P50 pesos lang" "Ito namang tarot cards [pinakita ang tarot cards] ay P100 pesos " "At ito namang [pinakita ang pangatlong baraha na nakalimutan ko ang pangalan] P200 pesos naman" Walangya!! Doon pa lang sa mga klase ng baraha, mahahalata mo nang "chogan" ang gagawin nyang panghuhula sa'ken. Naisip ko tuloy, ibat-iba ba ang hulang lalabas kung ibat-ibang baraha ang gagamitin? Pero hindi ko na 'yon binigyang halaga. Ang gusto ko lang naman yung marinig ang mangyayare sa buhay ko sa hinaharap na lalabas sa hula nya kahit na alam kong nakikipaglokohan lang ako sa kanya. Pinili ko yung "ordinaryong" baraha.






Matapos nyang umastang bangkero katulad sa Casino at sa mga saklang napapanood ko, bigla nyang hinawakan ang dalawang palad ko at masaya akong tinitigan sa mga mata. Sa puntong 'yon, kinabahan ako. (Magpo-prupose na yata sa'kin 'tong matandang 'to.) Bukod sa mga ilan nyang payo sa'ken, sa totoo lang, wala namang kakaibang hula sa'kin ang matanda. Hindi pa nga nagkakatugma ang ilan niyang mga hula. Nabigla pa nga ako sa kanya ng sabihin nyang hindi raw kami magkakatuluyan ng kasalukuyan kong minamahal. Ang makakatuluyan ko daw,e yung babaeng matagal ko nang pinapangarap. (Ayon pa sa kanya) dahil sa bilugan ang aking mukha, na naikumpara nya sa barya, na ang ibig sabihin daw ay pera, aasenso "raw" ako sa buhay at dadami ang aking pera. Buti hindi nya ako sinabihan na mukhang pera.






Pero sa pagkakataong ito, gusto kong malaman nyo na sumamblay sya sa hula sa'kin. (Hindi ko na lang binanggit sa kanya) Dahil wala pa akong girlfriend sa ngayon. Tungkol naman sa "makakatuluyan" ko. Aba! Aba! Aba! Napaka-swerte ko naman talaga kung ganon!! Isipin mo ba naman, yung matagal ko nang pinapangarap na Hollywood Actress na si Kate Beckinsale MAKAKATULUYAN KO?!? Nyahahaha....


Nakakatawa talaga pakinggan ang hula sa'ken. Mukhang maski isa, walang tatama. Kung sa bagay, kaya nga tinawag na "HULA" eh. At gaya nga ng sinabi ko kanina, wala sa puso ko ang pagpapahula. Ni hindi nga ako ako naniniwala sa mga ganyan kahit pa samahan nila ng "special effects." Nagpahula lang ako para makahanap ng kausap na magpapalakas ng aking loob sa kinakaharap kong pagsubok.









"Lola. bayad po!"







P50

Posted by YHOTSKI at 09:05 AM | Ang hindi mapakale

October 3rd, 2006

TRISTANCAFE

    

Ang tambayan ng mga walang magawa sa buhay.


Disgrasya ang aking storya bago ako makilala sa Tristancafe at makapagsulat ng iilang mga artikulo.


Isang kaibigan ang nagbigay sa'kin ng site na 'to.
www.tristancafe.com. Kasalukuyang buryong na buryong kasi ako nung mga oras na 'yon at hinalugad ko na ang lahat ng website sa internet para maghanap ng mga OPM ng sa ganun e mapakinggan ko ang paborito kong kanta na "Hanggang Kailan" by Orange & Lemons.


Matagumpay ko namang napasok ang site na 'to. (Walang hesitation, ika nga.) Subalit laking gulat ko ng i-click ko yung kantang Hanggang Kailan ay hindi tumunog. sa halip ay naglabasan ang sangkatutak na ibat-ibang klaseng cursor na libre mo raw magagamit 'wag mo lang uuwi. GET FUN, NEW CURSORS! Hindi ko ikinatuwa ang biglaang pagsulpot ng makukulay na cursor na 'yon, at ang pinsan nya ytang si "JOKE OF THE DAY." Kung kaya't nakatikim sila sa'kin pareho ng mabilis na "Alt+F4"





Naisipan kong mag Sign-up. Baka sakaling ang pagsign-up na 'yon ang maging daan para mapakinggan ko na ang 'Hanggang Kailan.' Pero lalo lang akong nadismaya dahil ang napasukan ko ay isang tambayan na wala namang kumakanta. Ang Tambayan Ng Mga Walang Magawa Sa Buhay. May mga option kapang makikita gaya ng Love & Intimacy, Arts & Entertaiment, Lifestyle & Culture, Politics & Issues, Random Thoughts, Forwarded Thingies, Frends Corner/Shoutouts, Games & Funs Questions, Careers & WorkStuff, School Matters, Technology & Internet, Classifieds & Advertisements, Barangay Tristan, at Site Announcements. (San ka pa!!) Napagtripan ko pa ngang basahin ang isang artikulo na may pinamagatang "Minsan may isang palabiro." Okey naman yung artik. namangha pa'ko dahil nakita ko sa bandang ibaba ang maraming 'comments' ng kung sino-sinong tao kahit na ang artikulo lang naman na 'yon ay umiikot sa salitang "Minsan at Palabiro"







Sinubukan kong biruin ang palabirong site na 'to. (Subok lang.) Sumulat ako ng isang artik. ang pamagat "Sirang Kompyuter" (Patay sila dyan!) pamagat palang, siguradong masisiraan na sila ng ulo at kompyuter habang binabsa ang sinulat ko. Natapos ko naman ang kauna-unahang artikulo ko dito. Naisulat ko lang naman 'yon dahil sa pagka badtrip ko sa ginawang kompyuter. Dalawang araw ang lumipas. Binalikan ko ang isang artikulo na disgrasya ko lang namang naisulat. At laking gulat ko ng makita kong lagpas sa dalawang tao ang nag-aksaya ng oras sa artik ko at nagbigay ng comments. Pinaulanan nila ako ng salitang





"Idol Kita Yhotskiiiiii....."
"Ang galing galing mo talaga!!! IdoL. Mwaaahhhhh : k i s s : "
"Asteeeeggggggg ka yhotski!!! Galing mo. : l u v :  "
"Sira Kompyuter ko ngayon yhotski, pwedeng pakigwa? : n a u g h t y : "




Simula 'nun, binalik balikan ko na ang site na 'to at minahal ko. Patuloy akong sumulat ng ibat-ibang storya at artikulo para ibahagi ang aking talento sa pagsusulat sa ibang tao dito na mahilig ding magsulat at katulad kong wala ring magawa sa buhay.








Nagustuhan ko ang site na 'to dahil bukod sa mapakikinggan mo na ang mga paborito mong tagalog na kanta, may makakausap ka ding tao sa kung saan-saang parte ng mundo kahit na ang ipost mo lang dito sa forum ay ang iyong walang kwentang buhay. naghahanap ka ng trabaho. nanghihingi ka ng advice kung anong gupit ang babagay sayo. umulan ng hailstone sa lugar nyo pero hindi mo nakita dahil kasalukuyang naghihilik ka 'non at masarap ang tulog. kung paano mo madidiskartihan ang crush mo na may tatay na araw-araw naglilinis ng shotgun. (Nyayy,, nakakatakot!!) At ipaalam sa mundo na may sirang oatmeal na nakain ang dalawang kaibigan mo. Tiyak, may magbibigay at magbibigay parin ng comments sayo. Hindi ka babaliwalain.





Isa din sa naging dahilan kung bakit nagsusulat ako dito ay dahil sa ipinagmamalaki ng TRISTANCAFE EXPRESS na "May libreng kape at pandesal pa" na hanggang ngayon ay hindi ko parin natitikman. (paborito ko pa naman 'yon.)





Interesante din dito sa Tristancafe ay ang ibat-ibang salita na mapupulot mo. yan din ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang bumibisita sa site na ito. Mga salitang barubal. salitang julantod, at salitang kalye na talaga namang mapapakinabangan mo at magagamit sa pangaraw-araw na takbo ng iyong buhay. Gaya na lang ng isang salita na nabasa ko dito kamakailan lang na tanging mga tristanian lang 'ata ang nakakaalam. "NAG-IINASO" Ano ba ang ibig sabihin ng salitang 'to? Magiging kahawig mo ba ang Pittbull at K9 pagtaglay mo ang salita na 'to? Tutulo ba ang laway mo na para bang gusto mong mangagat pag NAG-IINASO ka?? Kailangan mo pa bang sumangguni sa malapit na Health Center sa inyong lugar para magpabakuna ng anti-rabis sakaling makagat ka ng taong NAG-IINASO na meronng rabis? Sino ang kauna-unahang tristanian na NAG-INASO? Nahuli ba sya ng Citypound??



Dito sa site na 'to nakilala ko sila rhed, imago_ms88, india, alex_23, blah_gurl, sybil_dibs, luthien, myan, Lyrem, seksgrades888, dimsum_54, ja, tr00pa26, pame, ApRiLLe, smilet_heart, ketobi, _ycoy_, hunnie_bhie, fairy_kate95, neo21, Deee, koyanisquatsi, mandog2005, sponge_micx, missyjoyee, shadow_blue, phinai07, freezing_rose, princess_flutterby, mouvonne, stoic, kaboombooombambam, ladydhan_03, verycrazymaizy, Juicyfruit, admin, tristan, pricessa_papaya, soniannabel. torogi, dyunyor, tank20, SwxuallyStunning, rinoa_lar, JonSnow, deadlysweet, pauleen, Lanzelot, Shalompas, issa Silang lahat ang masusugid kong commentarista. Sa pagsasabi nyo lagi sa'kin ng



"Ang galing-galing mo talaga yhotski!!!"
"Asteeeggg ka yhotski... IdoL na kita!!!"






Pakumbaba kong sinasabi sa inyong lahat MARAMING SALAMAT!!  Para sa'kin wala ng mas Gagaling at Aasteeg pa sa inyong lahat. At hanggang nananatiling wala akong magawa sa buhay ko, tatambay at tatambay ako dito. Ipagpatawad nyo kung paminsan-minsan ay hindi ako nakakareply sa mga comments nyo. at kung hindi rin ako nakakapagbigay ng comments sa mga sinusulat nyo. At sana, sana, sana, sana, sana, lang talaga, wag nyong itutuloy ang minsan nyo ng binalak na magtayo ng 'fansclub' para saken. Ayaw kong sumikat. Iba na kasi ang pakiramdam pag lagi ng naka harap ang mikropono sayo at nasisilaw ka na sa ilaw ng camerang nakatutok sayo. Pero kung hindi ko kayo mapipigilan, "Sige na ngaaaa!!!"









Ang dami-dami pang naglalaro sa utak ko na gusto kong isulat. At andami-dami pang damdamin sa puso ko na balang araw, gusto kong ibahagi sa iba sa pamamagitan ng pagsusulat. Sa nangyayare sa buhay ko araw-araw na naiingkwentro ko, dyan lahat nanggagaling ang mga kwento ko.

Posted by YHOTSKI at 09:03 AM | Ang hindi mapakale

October 16th, 2006

Balik Sa Dating Bisyo

Maraming beses ko nang nahinto ang bisyo na 'to. Sa maraming paraan at sa dami ng dahilan. Pero nitong mga nagdaang buwan, tila bumabalik na naman sa aking katauhan. Hindi ko mapigilan. Masarap 'syang gawin kapag nakapatay ang mga ilaw. Kapag bagot na bagot. At lalo na, kapag meron kang katabing isang pakete ng Nova at isang bote ng Coca-Cola. Ang tinutukoy ko ay ang pagka-adik ko sa TV.






Simula 'nung magresign ako sa dati kong pinapasukang trabaho, TV na uli ang madalas kong kaulayaw sa umaga, sa tanghali, sa gabi. Sa umaga kasabay ko sa almusal ang Unang Hirit. Sa tanghali naman ay ginagawa kong panghimagas ang GAME K N B at EAT BULAGA. Pagkatapos 'nun, pansamantala ko munang ipapaubaya sa ilang housemate ko ang TV. Kung hindi kay Ate, sa makukulit kong pamangkin. Si Tatay at si Nanay naman ay nagbabatuhan ng opinyon kapag alas-siyete na nang gabi. TV PATROL WORLD na kasi kapag ganoong oras. Pero pag mga bandang alas-nueve, ako na uli ang bida sa harap ng TV.



Maaga akong nagising kanina. At dahil sa hindi ko naman nakasanayan ang maghilamos kagad pagkagising, pagkababa ay inabutan kong nanonood ng HOMEBOY si Ate. Napatunganga ako ng ilang minuto dahil sa magandang babaeng iniinterview. Naisip kong bigla, kung hindi siguro naimbento ang telebisyon, malamang hindi makikilala si Boy Abunda.





Para sa akin, malaking tulong ang TV. Dito ko paminsan-minsan kumukuwa ng ilang ideya. Dito ko unang nasilayan ang paborito kong artista. Dito ko rin disgrasyang nakilala ang hinahangaan kong "artist" na gumagawa ng mga painting sa pamamagitan ng mga nalalagas na dahon. Si Mr. Kauzo Akasaki (Art From Falling Leaves) Ang masaklap nga lang, "ako" hindi nya kilala. Marami ka ring pwedeng matutunan kapag nakaharap ka sa telebisyon. Lalo na kung masosobrahan ka sa panonood ng Knowledge Channel, National Geographic, Animal Planet, at Discovery Channel.




Ang hindi ko nga lang nakasanayang panoorin ay ang Teleserye, Koreanovela, South Koreanovela, North Koreanovela, Chinovela, Thailanovela, Afghasitanovela o kahit anong klaseng Telenovela na galing sa ibat-ibang bansa. Nakakauyam at nakakalabnaw kasi ng utak ang ganoong palabas. Ang mga madalas ko lang panoorin Dokyu, HBO, Net25 Feed your Mind, Shorts, 100% Pinoy, The Beatles Anthology sa RjTV, NBA Games, VH1, TotooTV, PipoL, I-Witness, 5th Wheel, ROck Myx, Living Asia, MTV Classics, at mga piniratang pelikula (may DVD kami sa bahay.)




Kapag malungkot naman ako at may problema, inaaliw 'ko ang sarili ko sa mga palabas na MR.BEAN, Wildboyz, BFV, Wow Mali, Just For Laughs at mag-isang tumatawa.








Bata pa lang ako, adik na 'ko sa TV. Sabi nga ng mga nakatatanda 'kong kapatid, sa BATIBOT raw ako natuto magbilang. kaya laking pasasalamat ko sa pambatang palabas na 'yon. At hinding-hindi ko makakalimutan ang utang na loob kina Ate Shena, Pong Pagong, at Kuya Bogie. Ang hindi ko lang pinapanood noon ay SESAME STREET. Bukod kasi sa wala akong maintindihan sa palabas na 'yon dahil English ang lenggwahe, hindi ko pa kilala ang mga puppet na kasale.





At sa harap ng TV ay maski papaano nakakatakas ako sa isang mundong hindi ko gusto. Nakikita ko na marami pang ibang mga characters sa screen na mas malala ang problema kaysa sa mga nanonood sa kanila. Maski papaano, natututo tayong magmalasakit. Natututo tayong tumawa, umiyak, at matakot.














































KARAPATAN MONG MALAMAN 'TO

Naging maganda ang gising ni YHOTSKI kanina dahil nasilayan nya ang magandang artista sa TV na ang pangalan pala ay Maja

Posted by YHOTSKI at 09:16 AM | Ang hindi mapakale