November 6th, 2006
Yer So Special
Sa Tristancafe ko sya unang nakilala. Di nagtagal, naging palagay na ang loob namin sa isat-isa. Tinatawag nya na akong "Pare" ganoon din naman ako sa kanya. Nagku-kwento na rin sya ng ilang pangyayare at problema sa buhay niya. Habang tumatagal, nakukuwa ko ng magtiwala sa kanya. Biruin mo, sa sobrang antok ko kanina, napanaginipan ko pa sya? Paano, sa personal e gusto ko na 'syang makita.
Haaaaaaaaaaaaaaay.
Para akong si Peter Pan. Lumilipad sa kalangitan kasabay ng ulap at mga ibong nagkakantahan. Ganito pala ang pakiramdam ng may hinahangaan.
"I wanna make you smile whenever you're sad
Carry you around when your arthritis is bad
All I wanna do is grow old with you"
Potek. Hindi nga pala kagandahan ang boses ko para kumanta. Pero handa akong magpaka Adam Sandler para sa kanya.
Ano kaya ang ginagawa nya ngayon. Natutulog. Kumakain. Nasa Eskwelahan. Nakikipag bonding sa mga friends. Nanonood ng TV. O lumalantak na naman ng Pringles. Sana nasa mabuti syang kalagayan. At alam nyo? Wala na sigurong gaganda pa sa salitang madalas nyang sabihin sa'ken sa tuwing tatapusin na namin ang aming pag-uusap. "You take care, Okey?!" Haaaaaaay. Feeling ko, kahit magpasagasa ako sa rumaragasang sasakyan okey lang basta taglay ko ang salitang "You take care, Okey?!"
Kung alam lang niya, sinipag akong maglinis ng bahay kanina dahil naalala ko sya. Kung alam lang niya, araw-araw 'kong pinapanalangin na makasalubong sya. Kung alam lang niya, sa tuwing mag-oonline ako sa Yahoo Messenger inaabangan ko sya ("Sana mag-online sya, sana mag-online sya, sana mag-online sya, sana mag-online sya..") Kung alam lang niya, sa tuwing makaka-chat ko sya ay gusto kong huminto ang oras para sa aming dalawa. Kung alam lang niya, halos hindi na kumurap ang aking mata kapag nakikita ko sa webcam ang kagandahan niya.
Tuwing matatapos ang aming pag-uusap. Tuwing magpapa-alam sya sa'ken dahil manonood sila ng sine ng kuya 'nya. Tuwing sasabihin nyang hindi nya muna ako makakausap dahil nagrireview sya sa paparating na exam nila. Tuwing sumasagi sa isip ko na suntok sa buwan na magustuhan nya ang tulad ko. Tuwing lumilipas ang isang linggo na hindi ko sya nakakausap.
Aaaaaaaargh!! Parang ayaw kong dumating sa'ken ang mga "Tuwing" na yan.
Sawa na ako sa kakatingin ng picture nya at magmuni-muni. Sawa na ako sa gasgas na linya kong "Hellow pare" "Kamusta ka na!" sa tuwing makakausap ko sya.
Gusto ko siyang makitang magalit at magmura. Gusto ko siyang makasabay kumain ng paborito 'nyang Toknene at Pizza. Gusto kong malaman kung anong kape ang tinitimpla niya sa tuwing magpupuyat siya. Gusto kong maging kaibigan ang mga kaibigan 'nya. Gusto kong makasundo ang tatlong kuya 'nya. Gusto kong ibigay lahat sa kanya ang bulaklak sa Dangwa. Buntong-hininga. Gusto ko siya.