Entries for April, 2007

April 10th, 2007

Holy Week

"Sana wag mong sisihin
kung di ko kayang pigilin
sabi mo na mahal mo ko
ngunit di naman seryoso
sana magkasingkulay
ang drama at tunay na buhay ko
ang tanging pag-asa ko
ay nasa tambalang ito"

- Itchyworms Love team







Kung ako ang tatanungin tungkol sa holy week, ito ang araw na kung ituring ko ang aking sarili na walang kabuhay-buhay. Kahit utay-utay na kaligayahan hindi ko maambunan ang sarili ko. Boring sa madaling salita. Siguro Una, wala man lang Outing. Pangalawa, Wala ka man lang mapaglibangan. Kung ikaw nga yung tipo ng tao na hindi marunong maglibang ng sarili, malamang nga, namatay ka na sa boredom. Ano pa nga ba ang mga pwede kong gawin, maglaro ng basketball, makipagkulitan sa mga pamangkin, magpatugtog, (kaso sinigawan ako ng Nanay ko kanina dahil mahal na araw na mahal na araw daw, tunog pang adik ang pinatutugtog ko.) Sya nga pla, sa mga hindi pa nakaka-alam, ang tawag ng Nanay ko sa mga tunog ng maiingay. Yung musika na nililikha ng mga kinahihiligan kong banda e "tunog pang-adik" Ewan ko kung bakit ganon ang tawag nya. Samantalang hindi naman adik ang kanyang Gwapong anak na si Yhotski. Bukod doon, nanood na lang ako ng TV, at nagbasa ng kung ano-anong pwedeng basahin. Kanina nga, tatlong libro yung natapos kong basahin dahil batong bato ako at walang magawa. Mga natapos kong basahin na libro, Dekada 70 ni Lualhati Bautista na ilang buwan ko na yatang nabili sa National Bookstore pero ngayon ko lang natapos. Stainless Longganisa ni Bob Ong (matagal ko na rin yung nabili at natapos basahin, pero binasa ko uli dahil lang sa buryong na buryong ako.) Isang pocket book na dinekwat ko sa bahay ni Ate, pero nasa 'Kabanata 4' palang ako itinapon ko na sa isang tabi. Ang baduy kasi, puro pa-twitamss.. Tuesday With Morrie na nakalimutan ko kung sino ang author, kinuwa kagad saken ni Kuya dahil isosoli na daw nya. Buti na lang at natapos ko na. Ang ganda ng librong yon..





Kagabi, may pabasa dito sa amin. Hindi ako nakikibasa pero nakikinig lang ako habang kasamang katambay ang ilang barkada. Nung una naasar kami dahil yung mga nagbabasa e puro bata. andyan yung magtawanan at magharutan habang nagbabasa. Syempre! Sagrado ang pasyon at hindi yon dapat ginagawang katatawanan kaya diba nakaka-asar. Tapos mga ilang oras lang ang nakalipas, yung mga medyo may edad na yung umupo para magbasa. Natatawa ako doon sa isang matanda na nagbabasa, sobrang bagal. Tapos yung boses nya pa e katulad ng kay Kuya Ceasar. Yung mabagal magsalita? Pero mas natawa ako sa isang kapitbahay namin na si Nunoy nung sya na ang nagbabasa. Kasi ang tono nya ng pagbasa e yung tono ng "Maalaala Mo Kaya" (alam ko yung tono na yon dahil paborito yong palabas ng Tatay ko tuwing biyernes ng gabi..) Bukas, ilalabas na naman yung Mahal na Poong Nazareno dito sa lugar namin. Ang pagkaka-alam ko, pag "Mahal Na Araw" maaga yon inilalabas para iparada. Sana magising ako ng maaga para makita ko.





Ngayon ay maraming taong naglalakad lakad sa kalsada. Pangkaraniwan na 'to pag "bisita Iglesia". Isang beses ko pa lang sinubukan ang mag bisita iglesia. Sabi daw kasi nila, mababawasan "daw" ang kasalanan mo at pwede ka "raw" mag-wish at magkakatotoo "daw" pag nakakumpleto ka ng walong simbahan. tama ba ko sa 8 simbahang sinasabi ko? Kung mali, paki correct na lang ako, (napaghahalataan tuloy akong hindi pala simba..) Ewan ko kung totoo yon, at kung totoo man yon, may utang pa pala saken ang Diyos dahil nung nakaraang taon na nag-bisita Iglesia ako, nabuo ko naman e. Kaso yung wish ko hanggang ngayon e hindi pa nangyayare.

Posted by YHOTSKI at 02:04 AM | 4 Ang hindi mapakale

Nang Dahil Sa Isang Commercial

"You seem to find the dark when everything is bright.
You look for all that's wrong instead of all that's right.
Does it feel good to you to rain on my parade?
You never say a word unless it's to complain.
It's driving me insane..."

-Hoobastank If I Were You





Bakit ba ang mga Tatay ang kukulit?


Nanonood kaming magkakapatid ng 'Asian Treasure' kanina ng biglang dumating ang Tatay ko at walang kaabog-abog na nilipat ang channel ng TV sa channel 2.


"Tay, nanonood pa kame.."

"Wag kayong magulo, 'Maging Sino Ka Man' na"



Sa bahay namin, sya ang tumatayong kontrabida. Dahil lahat kami ay 'Kapuso' sya lang ang nag-iisang 'Kapamilya'. Hindi mo naman pwedeng kontrahin dahil Tatay mo yon. Hindi mo rin pwedeng sagutin dahil pagnagkataon, wala kang respetong anak. At hindi mo rin naman makuwang mainis o magalit sa kanya dahil wala kang kwentang anak kapag nagkaganon. Haaaaaaay.


'Intindihin mo na lang Yhotski, ganyan talaga ang mga Tatay'


Pasintabi sa mga kumakain. Ang susunod na kwento ay may mga salitang hindi kanais-nais.



Kanina, may bagong commercial sa TV ang nagpatawa sa'ken ng sobra. Commercial ng Bayantel. Ganito kasi ang eksena. May isang payat na lalake ang biglang sinumpong ang tiyan. "Tawag ng kalikasan" Kaya dali-dali syang pumunta sa public toilet kung saan naka-paskel ang

Ihi - P2.00

Tae - P5.00

Ang naka-paskel na 'yon ang entrance fee sa paggamit ng toilet. Tapos nun, may isang babaeng mukhang kayang lumunok ng isang lalake ang nakabantay sa may pintuan ng public toilet. Nasa harapan ng babaeng yon ang isang plastic container kung saan mo dapat ihulog ang iyong entrance fee. E di nagbayad na ngayon 'tong payat na lalake. 5 Pesos. Hindi pa bukal sa kanyang kalooban yung pagbabayad nya ng limang piso dahil mapapansin mo sa mukha nung lalake na parang nanghihinayang. Pagkatapos magbayad, kumaripas ngayong 'tong payat na lalake sa pagtakbo patungo sa toilet dahil tipong taeng-tae na talaga sya. Pag-upo ngayon nitong lalake sa toilet bowl ay halos malukot ang mukha nya sa pag-ire. Ang masama lang, walang lumabas na tae sa pwet nya. Hangin lang na mas kilala sa tawag na 'Utot'. Paglabas ngayon nitong lalake sa public toilet, gusto nyang bawiin ang ibinayad nyang limang piso. Tutal hindi naman sya umihi, hindi rin sya tumae. Lalapit sana yung lalake sa babae para bawiin yung limang pisong binayad nya, kaso lang masama ang tingin sa kanya ng babaeng nagbabantay.


Ang ending ng commercial ay tumakbo na lang yung lalake papalayo sa babaeng nagbabantay ng public toilet.


Ngayon, kung ano naman ang moral lesson ng commercial na yon na sa totoo lang ay hindi mo naman dapat pagtuunan ng pansin pero ewan ko ba kung bakit ko naisipang isulat, hindi ko na inintinde pa. Pero naisip ko, bakit kailangan pang bawiin ng lalake yung binayad nya. Ke-hindi nya umihi, ke-hindi sya tumae, basta pumasok sya sa public toilet na may entrance fee, understood na yon. Hindi na dapat binabawi ang bayad. At isa pa, tulong na lang nya yon sa mga tagabantay at tagalinis ng public toilet. Buti sana kung may naka-paskel na "UTOT LIBRE"











'Intindihin mo na lang Yhotski, commercial lang yan.'

Posted by YHOTSKI at 02:07 AM | Ang hindi mapakale

My Right Girl

Woman I can hardly express
My mixed emotions at my thoughtlessness
After all I'm forever in your debt
And woman I will try to express
My inner feelings and thankfulness
For showing me the meaning of success

-John Lennon Woman




Nung isang araw, hindi sinasadyang matuon ang pansin ko sa isang tambalan na artista na pinakita sa Chikka Minute habang nanonood ako ng 24Oras. Sa mahigit ilang minutong ka-sweetan nila sa picture tube ng telebisyon namin, doon ko naiisip-isip na gusto ko ng magkaroon ng girlfriend. Panahon na siguro para buksan ko ang aking puso para ipagkaloob sa masuwerteng babae ang nalalaman kong pagmamahal. Dahil tulad ng iba, hindi ako isinilang para maging mapag-isa. Panahon na siguro para naman ako ay maging masaya. Pero minsan, hindi patas ang buhay. Yung mga taong gusto mo, sya namang ayaw sayo. At yung mga taong halata mo namang kulang na lang e tumambling sa harap mo para magustuhan sya, hindi mo naman gusto.


Ano ba ang mahalaga?

Ang isang taong gusto ka pero hindi mo naman kursunada
O ang isang taong kursunada mo pero hindi ka naman gusto?


Minsan tuloy, kahit ayaw mong masaktan, kailangan. At kahit ayaw mong makasakit ng damdamin ng iba, kailangan.


Sa totoo lang!


Kung darating yung panahon na meron na nga akong girlfriend, gusto ko yung seryosohan. Gusto ko yung sa kanya na iikot ang mundo ko. At gusto ko rin yung under ako sa kanya.


Oo! Seryoso. Gusto kong ma-under sa babaing mamahalin ko at mamahalin ako. Yun kasi ang "Right Girl" kong maituturing. Hindi ko nga lang alam kung paano tumutuntong sa punto ang ganoong klaseng relasyon. Yung lalake under sa babae. Marami kasi akong nakikitang magkakarelasyon na babae ang under sa lalake. At isa pa, hindi pa rin ako nakakakita sa ngayon ng babaeng kayang barahin lahat ng katwiran ko sa buhay. Yung tipong kanya lamang desisyon ang dapat masunod. Yung tipong wala ng "pero-pero". Basta under ka sa kanya at lagi mo na lang iisipin na desisyon nya ang dapat. Hindi ang sayo. Hindi sa kadahilanang martir o masokista ang dating. Para kasing ang sarap sa pakiramdam yung under ka sa girlfriend mo.


Yung kaya ka nyang ipahiya sa harap ng mga kaibigan mo. Yung kaya ka nyang sigaw-sigawan at mura-murahin para lang ibili sya ng pasador sa tindahan. Yung "sansuwi" (sang sutsut uwi..) ka sa kanya. Sa madaling salita. Kaya nyang gibain yung ka-machohan mo.


Pero sa isang banda, hindi ko naman mapatakbo sa isip ko ang isang eksena na kung saan kapwa ko lalake, pinagbubuhatan ng kamay ng isang babae. Buti sana, kung ang girlfriend mo ay may katawan katulad ng kay Batista. 'Yun siguro, okey lang tingnan yung lalakeng pinagbubuhatan ng kamay ng isang babae.


Hindi ko naman hinahangad na magkaroon ng ubod at saksakan ng gandang babae para sa'ken. (Paminsan-minsan nangangarap ako ng ganon.) Simple lang ay okey na sa akin. Basta ba ang importante, masaya kami sa isat-isa at magkakasundo kami.


Kung sino man ang magiging girlfriend ko sa hinaharap, sana ma-under ako sa kanya.

















Maligayang Buwan Ng Kababaihan
Posted by YHOTSKI at 02:08 AM | Ang hindi mapakale

Happy Birthday Kuya

"You may say I'm a dreamer
But I'm not the only one
I hope someday you'll join us
And the world will be as one"

-John Lenon, Imagine





Birthday ni Kuya kahapon. (Belated Happy Birthday Kuya! Sana nagustuhan mo yung niregalo 'kong Videokarera..) Hehehe! Ang bilis talaga ng panahon. parang kaylan lang, pinag-aawayan pa naming dalawa ang black & white na TV namin dati na ang tatak ay Panasonic. Madalas kasi akong mangulit noon sa kanya kapag nanonood sya. pinapalipat ko parati sa palabas na Peter Pan. Ang bilis ng panahon. parang kaylan lang yon. biruin mo, 27 years old na pala ngayon 'sya? At hindi na rin ako nangungulit sa kanya kapag nanonood 'sya. Wala na rin kasing palabas na Peter Pan sa televison sa ngayon. Nyahaha..



Si Don2, Kuya Alex, Troy, Onin, Nikki, Nicoles, Da'boy, Ronnie boy, Jusel, To2, Imbet, ang may birthday na si Kuya at "AKO", sa isang inumang di ko na maalala. Ang natatandaan ko lang, nalasing ako nung gabi 'yon, nasarapan ako sa pulutang V-Cut(Green) at namaos ako sa kaka-kanta habang si Kuya ay naggi-gitara.



Oo! Namaos ako talaga dahil ako yung madalas na kumakanta nung gabing 'yon. Marami-rami rin akong nakanta. Hanggang Kailan by Orange & Lemons ("Umuwi ka na baby!- Umuwi ka na baby!") Just Like a Splendid Love Song by Orange & Lemons (" Well it really doesn't matter-As long as we're together") My Butterfly by Orange & Lemons ("Fly High.. Fly High...") Abot Kamay ("Abot kamay ang langit-haplos na dala ng tinig- abot kamay ang langit..") Yer So Special by Orange & Lemons (" Oh ill never be lonely again- Just as long as you stand by me now- And everyday- I'll spend my time- Finding out why Yer So Special") Caught In A Line by Orange & Lemons ("Oh when im near you- it makes me bite my fingers through- and i breathe in too deep- so hear i go..") At ang iba pang kanta ng Orange & Lemons gaya ng Pinoy Ako, Kailangan Kita, Lihim, Pabango Ng 'Yong Mata, Huwag Kang Matakot (Orihinal ng Eraserheads) Yakap Sa Dilim (Orihinal ng Apo Hiking Society) Let Me (Theme song sa isang commercial ng shampoong Sunsilk) Hey Please, Cycle Of Love, The Nerve, A Beginning of Something Wonderful, Armmagedon Is Coming To Town, Heaven Knows (this angel has flown) at Blue Moon. (halatang bang avid fan kami ng bandang Orange & Lemons)?

May mangilan-nginlan din akong kinanta ng Eraserheads,APO Hiking Society, VST, Asin, Hotdogs, Mantika, Sibuyas, Don McClean, Goo Goo Dolls, Oasis, The Beatles, mga kanta ni Paul McCartney and The Wings, Band on the run, Silly Love Song, mga kanta ni John Lenon, Woman, yung pinaka paborito kong kanta 'nya, "Imagine". At ang most requested song 'nung gabing 'yon. Muli by Ramon Jacinto (" Kung ako ang s'yang masusunod-Hihingin ko ang pangako mo-Na hindi ka iibig muli..")




Gusto kong ipaalam sa inyo na hindi maganda ang boses ko kaya marami akong kinanta. Boses pusa nga ako e "Meoww" At hindi ko rin alam kung paano nila napag-tyagaan yung boses ko nung gabing 'yon. Kung maganda nga lang sana ang boses ko, isa na 'ko sa madalas mong nakikitang sumasali sa palabas sa TV na Search For A Star, sa channel 7, Star In a Million sa channel 2 at suma-sideline sa kung saan-saang may singing contest.

Ewan ko ba kung bakit ganito ang boses ko. Malamang nga 'nung panahon na nagshower ang Diyos ng magagandang boses sa mga nilikha nya, kasalukuyang tulog ako. kaya siguro ganito



Pero sa bawat pagkanta ko kagabi, inuuna ko pa rin naman ang kapakanan ng mga taong walang baong payong, mga papauwi na galing sa trabaho, at yung mga natutulog. baka kasi biglang umulan o ako ay makabulahaw.




Mag-aalas-kwatro na din ng umaga kami natapos. Sayang nag-uwian na ang iba. Kakantahin ko pa naman sana yung "My Way" ni Frank Sinatra. Sayang!




Nalasing ako. Hindi ko nga lang alam kung sa pag-inom ng alak o sa pagkanta.






Happy Birthday Kuya!

Posted by YHOTSKI at 02:10 AM | Ang hindi mapakale

Wowoweeeee

"Boom tarat tarat, boom tarat tarat
Tararat tararat, boom boom boom"

-Willie Revillame, Boom Tarat Tarat







Hindi naman sinasadya, nailipat ko kanina sa Channel 2 ang TV namin. Solid kasi kami “Kapuso” Walang lipatan. Minsan lang mangyari ang ganitong pagkakataon. Wala naman doon ang ilang kapatid ko. Dahil pagnagkataon, gegerahin nila ako at sasabihin ni Ate ng

“Ilipat mo nga sa Seven yan!”

Nanonood ako kanina ng Wowowee ng sumakit ang panga ko kakatawa sa tatlong contestant Ito kasi ang tanong ni Willie

“Kung ang english ng Ilog ay River, ano naman ang tagalog ng River side?”

Contestant no.1
Sagot: Ilog!

Contestant no.2
Sagot: Tabing dagat?

Contestant no.3
Sagot: Nag-isip ng konti, sabay sigaw. “Karagatan!”



Hahahaha… Ang kulit. Hindi ko alam kung sinasadya nila yung mga sinasagot nila at pinapatawa lang ako habang kumakain ng pananghalian o hindi lang tlga nila alam yung tamang sagot. Tingin ko hindi nga nila alam yung sagot, kasi seryoso ang mga mukha nila e. Row4 na kong tao, pero hindi ko lubos maisip na may mas Row 4 pa pala saken. at ang masaklap pa nun, nakikita sila sa buong mundo dahil sa TFC (The Filipino Channel)

:

:

:

Hindi ko lubos maisip na may mga tao palang handang mag-aksaya ng oras nila para lang magsayaw ng Boom Tarat Tarat at makita sa TV.   Nakaka-aliw dahil ang karamihan sa mga taong ito ay sa kung saan-saan pang bansa nanggagaling.  May mga taga Japan, New Zealand, Hongkong, California, Dubai, Italy at kung saang  parte ng mundo.  Kahit anong move ang igalaw mo, carry lang basta may tugtog ng Boom Tarat Tarat.  Meron nga akong isang napanood,  matanda na. hindi ko alam kung taga saan sya, pero nakakatawa sya magsayaw ng Boom Tarat Tarat.  Parang may sakit na ADHD.  Nakakatakot.  Tipong kulang na lang e mangagat.  =)

:

:

:














Willie Revillame:  "YHOTSKI, Ikaw ang bigatin!!!"

Posted by YHOTSKI at 02:12 AM | Ang hindi mapakale

Hu-Wow Artista

"Ang sarap sanang maging bida
Sa sariling kong pelikula
Ninja, kumakain ng bala
Magaling sumayaw parang John Travolta
Ka-love team ko ang lahat
Nang magaganda at seksing artista
Kissing scene kay aubrey miles o
Angel locsin"

-Kamikazee, Ambisyoso




Ilang araw na 'kong hindi lumalabas ng bahay. Ang lamig kasi ng panahon lalo na tuwing ala-sais ng gabi hanggang madaling araw. Pakiramdam ko nga, ilang tulog na lang uli, Pasko na. Kaya naman asahan munang ala-siyete pa lang ng gabi ay nagkukulong na'ko sa aming bahay. Inaaliw ang sarili sa kung ano-ano.


Pero nung isang araw, alas-diyes na ako ng gabi umuwi. Meron kasing shooting na ilang hakbang lang mula dito sa amin. (Napasilip ako.) Ito daw yung bagong papalabas na pelikula na pinagbibidahan ni Sam Milby, Toni Gonzaga at Zanjoe Marudo.

Sa totoo lang, believe ako sa mga kapwa ko Pinoy kung paano humanga at mahumaling sa isang artista. Ititigil ang pagsasaing, ititigil ang paglalaba, pagluluto at kung anong ginagawa makakita lang ng artista.

Nung biglang lumabas galing sa isang sasakyan malapit sa harap ko sina Toni, Zanjoe at Sam. 'Inaykupu!! Halos mabasag ang eardrum ko sa mga nagtitiliang babae at bakla. Kanya-kanyang hiyaw at sigaw ng "Toni, ang ganda-ganda mo!!" "Zanjoe, Ayyy Labbbb Yuuuuu!!!" "Sam, pwedeng-pwede mo'kong pagsamantalahan kahit na anong oras!!" (Bakla yung sumigaw nung huli..) Showbiz!!



Syempre hindi nakalusot sa mga mata ko ang mga nabanggit na artista. Uunahin ko ng ilarawan sa inyo si Zanjoe Marudo dahil sya yung unang lumabas sa sasakyan. Moreno pala 'sya sa personal. matangkad na lalake at malakas ang dating. Tapos 'nun, hindi ko pa namukhaan kaagad si Sam Milby nung sunod na lumabas sa sasakyan dahil naka-uniforme ng pang-Pulis. (Pulis siguro ang papel nya.) Tisoy si Sam Milby. matangkad rin na lalake na medyo gwapo lang ng konti sa'ken. At si Toni Gonzaga naman na huling lumabas ng sasakyan. Iba pala ang itsura nya sa telebisyon kumpara sa personal. Hindi gaanong katangkaran, pero wag ka?! Ang gandang babae.



Mga ilang oras din ang lumipas bago nakapasok sa loob ng isang bahay na pagshu-shootingan yung tatlong sikat na artista. Kinuyog pa kasi sila ng mga tao para magpa-picture at magpapirma.



Hindi pa nagsisimula yung shooting 'nung umuwi ako. Medyo maaga kasi ako inantok. At saka, baka madiskubre pa'ko.


Mahirap na!!







Gwapo lang ako, pero hindi ako marunong umarte =p

Posted by YHOTSKI at 02:13 AM | Ang hindi mapakale

Cornedbeef Guisado

"Tell me you love me, come back and haunt me
Oh and I rush to the start
Running in circles, chasing our tails
Coming back as we are"

-Coldplay, The Scientist








Nagising ako sa kagat ng lamok kaninang umaga. Pagka-baba sa hagdan, naabutan ko sa baba ng bahay si Ate na naghahanda ng lulutuing ulam. Cornedbeef Guisado ang ulam namin ngayong tanghali. Napansin ko kasi sa basurahan na malapit sa lababo kung saan ako naghilamos kanina ang lata ng Argentina. Maliban kay Ate, naabutan ko rin sa baba ng bahay ang tatlo kong pamangkin na sina Charles, Bea, Kurl at nakababatang kapatid na babae. Nanonood sila ng TV gamit ang DVD.


"Tito, apir!"

Sabi ng isang pamangkin kong si Charles. Ganon talaga 'sya kapag nakikita akong bagong gising sa umaga. nakikipag-apir.

"Apir lang pala e, bakit ko pa ipagdadamot"

Bulong ko sa aking sarili. Kaya kahit na mugto pa ang aking mata sa sobrang tulog at wala pa 'ko sa tamang ulirat ay nakipag-apir ako sa kanya.


At dahil sa wala naman akong gagawin ngayong umaga, nag-prinsenta ako kay Ate na tumulong sa pagluluto.


Special task ko ngayon sa pagluluto ay hiwain ang mga sibuyas na ihahalo sa Cornedbeef Guisado. kaasar nga lang dahil hindi ko maiwasan ang mapaluha habang naghihiwa. Pinagtatawanan pa ako ng nakababata kong kapatid dahil isang comedy film na ang title ay "Agent X44" ang pinapanood nya sa DVD samantalang ako, nasa harap ng lamesa at lumuluha.

"Look at you, picachu. kuya comedy ang pinapanood ko!" sabi nya at hinaluan pa ng tawa.


Sinabihan na lang ako ni Ate na para daw hindi ako maluha sa paghihiwa, maglagay raw ako ng asin sa tabi. Sa isip-isip ko "Ano naman ang kinalaman ng asin sa pagluha ng tao" Nung subukan ko at pinagpatuloy ang paghihiwa ng sibuyas, namataan ko na lang ang aking sarili na hindi na nga lumuluha. Ang galeng!! Effective yung asin. Hindi na nga ako naluluha. Ngayon ko lang nalaman 'yon ha! Maipagkalat nga.



Ooops! Teka lang! Time-out. Tigil muna ang kwento. Nandito na naman kasi sa computer shop na nirerentahan ko yung babaeng taga-FEU na madalas kong makatabi kapag nag-iinternet ako. Nawi-wirdohan na talaga ako, hindi ko alam kung baket. Pero parang lagi kaming pinagtatagpo. Kung hindi nga ako nagkakamali, dalawang beses ko na 'syang nakakatabi dito sa computer shop. (Ano ba 'to-its, destiny?) Nakanampotah! Wag naman sana. May mahal na 'ko e! At isa pa, napaka-ganda ng babaeng ito at mukhang mabait. Sa tingin ko, hindi ako ang karapat-dapat na lalake para sa kanya. Dapat ang mga tipo ng lalake na makatuluyan ng babaeng ito e artistahin ang dating. Hindi ang katulad ko na mukhang "extra" lang sa mga pelikula.

Sa maniwala kayo't sa hindi, katabi ko na naman 'sya ngayon. Nasa computer #8 'sya, ako nasa #9. Ang weird na talaga nito. "Ano kaya kung mag-out na 'ko?" Langya! Wala pa 'kong trenta minuto e.

"Sana ako na lang yung keyboard na pinipindot nya"

Pero minsan pumapasok sa isip ko na tanungin ang pangalan nya. Hindi dahil sa type ko sya o kung ano pa. Yun kasi ang gusto ko. ang malaman ang pangalan ng mga taong nakaka-salamuha ko. Kinakabahan lang ako mapahiya.

"Ano kaya kung sadyain 'kong sipain yung power botton ng CPU #8 para mag-restart yung computer na gamit nya ng sa ganon e mapansin nya 'ko?"

Dyahe naman yung ganoong paraan. Baka napaka-importante ng tina-type nya at sa sobrang asar e masuntok pa 'ko sa mukha. Wag na nga lang! Bahala na ang tadhanang gumawa ng paraan para sa aming mga pangalan


Namimiss ko tuloy si Jasfer Lyn Valiao.



Balik tayo sa paghihiwa ng sibuyas. Tapos ko nang hiwain yung dalawang sibuyas. wala na 'kong bilang sa pagluluto kaya kailangan ko na sigurong maligo. (amoy sibuyas na 'ko..) Hindi naman natuloy ang aking pagligo dahil may tao pa sa loob ng banyo. Naliligo pa si Nelson. Isa sa mga housemate ko. asawa sya ni Ate.


Habang pinagmamasdan ko ang ilang tsinelas na nakahambalang sa harap ng aming pintuan, naisipan kong lumabas muna at bumili ng tinapay. Nung ihahakbang ko na ang kanang paa para isuot ang kanang bahagi ng tsinelas, nasinghot ko na kagad ang Cornedbeef Guisado na niluluto ni Ate.


Ang sarap ng amoy! Bigla tuloy kumalam ang sikmura ko.

Mamaya na lang ako bibili ng tinapay.

Mahirap ang maubusan ng ulam.









(Sya nga pala)



Sa mga taong bumati sa'ken nung nakaraang Valentine's Day. Sa mga ilang Tristanian na nag-email pa para lang bumati ng Happy Valentine's Day at sa ilang ka-Friendster na nag-message at nagbigay ng very creative na testimonial na nagsasabi rin ng Happy Valentine's Day



Maraming,



Maraming,


Maraming Salamat Po!!



Kahit na walang ka-date si Yhotski 'nung 214 at dinaan 'nya na lang sa paglalaro ng basketball at panonood ng TV ang araw ng mga PUSO,

masayang-masaya na 'sya sa mga taong nakaalala sa kanya.



Dahil kay Yhotski, ang Araw ng mga Puso ay parang Pasko.







Dumadaan lang at Lumilipas.





Naiisip tuloy nya ngayon, Sayang lang pala ang kanyang mura at batang katawan. Wala man lang babaeng nakikinabang. =p

Posted by YHOTSKI at 02:15 AM | Ang hindi mapakale

Mabilis Na Post Lang Habang Naghihintay Ng Alas-Tres

"When I was a kid I thought
I wanted all the things that I haven't got
Oh, but I learned the hardest way
Then I realized what it took
To tell the difference between thieves and crooks
A lesson learned to me and you"

-Greenday, Macy's Day Parade

Oo! Mabilis lang 'to na post dahil hinihintay ko yung kinuwa kong Birth Certificate sa Manila City Hall. Nandito ako ngayon sa isang computer shop sa loob ng SM Manila.

Nagising ako ng maaga kanina.  Sinadya ko talaga yon dahil lalakarin ko yung Birth Certificate ko.  Pagkatapos maligo-mag-almusal-magbihis, lakad na kaagad papuntang sakayan.   "Manila City Hall-SM Manila" ang sinakyan kong Jeep.  Mga pito lang 'ata kaming sakay ng jeep kasama na ang driver at isang taga-abot ng mga bayad.

"Manong bayad po!"

Sabi ko sa mamang driver.  Kaso lang bingi yung driver at hindi rin ako napansin nung taga-abot nya ng bayad.  Yung mga katabi ko naman sa upuan, deadma lang.  'Potah!  Ngawit na'ko.   Mamawis-mawis na yung siyete pesos sa palad ko pero wala pa ring nag-aabot. Gustuhin ko namang lumapit ng malapit sa driver para maabot ko yung bayad hindi ko magawa, dahil nasa maganda na kong pwesto, yung sa dulo malapit sa mga inaakyatan ng mga pasahero pagsasakay. 'Yon ang paborito kong pwesto sa jeep e. Ayaw kong maagaw saken yon ng kung sino-sino lang na pasaherong tulad ko.

Mga ilang minuto muna ang pinaglapas ko at biglang sigaw ng

"MAMA BAYAD POOOO!!!!!"

'Ayun, nag-unahan bigla yung mga nakasakay kong ibang pasahero para maabot yung bayad ko.  Hehehe..   Dapat pala sisigaw ka e..

Dito naman sa nirerentahan kong computer shop, sobrang higpit ng nagbabantay. Mantakin mo ba namang sabihan nya ko kanina bago gumamit ng computer nila ng  "Sir, wag po kayong masyadong malikot, kasi baka bigla nyong masipa yung CPU, at masira"    Gusto ko nga sanang sabihin sa kanya, "Ano ba yang computer nyo ginto? Kung ipukpok ko kaya yang CPU sa ulo mo, sa maniwala ka't sa hindi maayos ko pa 'yan"   Pero hindi ako nagkalakas ng loob na sabihin yon sa kanya.  Medyo mabait naman ako e.. at isa pa, hindi naman ako ganon kabastos na tao.  Alam ko namang ginagawa nya lang yung trabaho nya. Pero kung iisipin, hindi tama yung sinabi nya sa'ken.  Hindi naman ako malikot na tao e.  At diba? "Costumer is always right?" Nung nagamit ko na yung computer nila, natawa ako dahil ang bagal naman.  "Masyado pang iniingatan ng mokong na 'to",  Mabagal naman yung computer nila. hehehe..

Pentium III ang processor, 128 ang memory, at kung tatamaan ka ba naman ng kamalasan talaga oh!  WIndows 98 pa ang OS. (diba phaseout na 'yon?)  Isipin mo ba naman kung anong ligaya sa pagko-computer mo ang maibibigay ng ganong kabagal na computer.  Kung makikita 'yon ng dati kong mga katrabaho sa Paramount, baka tawanan lang sila.

Alas-dos pa lang ng hapon,  meron pa akong isang oras na aaksayahin.  Alas-tres ko kasi makukuwa yung Birth Certificate ko e.  Pero yung isang oras kong nalalabi, hindi na dito sa computer shop na 'to ko sasayangin.  Maglilibot-libot na lang muna ako dito sa SM Manila.

Pagsinipag ako, makikipag-habulan pa 'ko sa mga gwardya.

Posted by YHOTSKI at 02:18 AM | Ang hindi mapakale

Avidfan Ni Peter Pan

"Sino ba ang hinahanap mo
Nandito lang naman ako
Mahal Kita
Ikaw lang at wala ng iba haa.. aw!"

-The Bloomfield's Wala Ng Iba







Kanina, habang nanonood ang Tatay ko ng "Pinoy Big Brother" sa TV, biglang nag-commercial ng isang cartoons na palabas. Naruto yata ang title 'nun. Habang nakatutok yung dalawang mata ko sa commercial na 'yon, bigla na lang akong naawa sa sarili ko. Alam nyo kung bakit? Ang alam ko kasi, sikat ngayon 'yung cartoons na 'yon. Yung Naruto? Kahit kapag nag-Iinternet ako, madalas kong nababasa sa ilang forum at blogs ng mga kaibigan ko ang Naruto. Pero ang masaklap nito at kung bakit ako naawa sa sarili ko, ako walang kaalam-alam sa palabas na 'yon. kahit nga si Naruto hindi ko masyadong kilala at hindi ko alam ang mga "special powers" nya. Pakiramdam ko tuloy ngayon, hindi na 'ko "IN" sa mga kilalang palabas sa TV. Simula kasi 'nung tumuntong ako dati sa kolehiyo, nahinto na 'ko sa pagsubaybay sa mga cartoons na palabas. Nahilig na ako 'nun sa mga pelikula at pakikipag-barkada. Buti nga maski papaano, may impluwensya pa'ko sa Ghost Fighter, Flame Of Recca, Lupin III, Slamdunk, at One Piece.



Noong bata ako, lahat ng cartoons at pambatang palabas sa TV nasusubaybayan ko. Batibot, Teenage Mutant Ninja Turle, Ghostbuster, Smurf, Mobydick, Care Bears, Sky Commander, Savior Book, Shaider, Voltron, Daimos, Mazinger Z, Bioman, Masked Rider Black, Machine Man, Five Man, Ultraman, X-men, Magic Takure (lilipad, lilipad, takureeeee!) Batman, Superman, Spiderman, Sineskwela, (Awit, Titik, Bilang at iba Pa..) ATBP, Bananas & Pajamas na pinagbibidahan ni B1 at ni B2.

"Naiisip mo ba ang naiisip ko B1?"

"Palagay ko nga B2!"

"Operation tulonggg!!"



Isama mo pa ang tatlong Oso pati na rin ang laging may maitim na balak na si Doding Daga. (hindi pa kilala noon ang Teletubies..) Ang sarap uli balikan sa alaala yung mga panahon na aliw na aliw ka pa sa palabas na The Dog Of Landers, Trap Family Singer, Si Mary At Ang Lihim Na Hardin, Sarah Ang Munting Prinsesa, Cedy Ang Munting Prinsepe. Yung mga panahon na kasama ka pa sa pakikipagsalaparan ni Tom Sawyer tuwing umaga sa palabas na The Adventures Of Tom Sawyer. Kung paano nya ligawan si Becky Thatcher. Kung paano sila naging matalik na magkaibigan ni Huck Finn, at kung paano sila pareho matakot kay Indian Joe sa tuwing makakasalubong nila.

Humayu ka kaibigang Tom Sawyer, maglakbay kung saan mu man naisin..


Dragon Ball Z. Sino ba ang hindi nakakaalam sa palabas na 'to. Kung meron man isang tao ngayon na hindi alam ang palabas na Dragon Ball Z at hindi kilala sina Son Gokou, Gohan, Trunks, Vegeta at Picolo, sa tingin ko, sya na yata ang pinaka-baduy na tao sa buong mundo. At hindi nya na-enjoy ang kanyang pagkabata. Naaalala ko noon, sa Channel 9 pa madalas 'tong ipalabas tuwing hapon bago nalipat sa Channel 7. At kung hindi ako nagkakamali, pinapalabas pa ito hanggang ngayon sa Channel 7. Sabi nga ng kaibigan kong si Jazteen Mae Borromeo (o ayan pare, special mention ka na dito ha! =p) Wala raw katapusan yung Dragon Ball Z sa TV. Nahalata ko tuloy na isa din sya sa sumusubaybay 'nun. hehehe.


Eh Voltes V? Sino ba ang makakalimot sa ultramagnetic top, voltes bazooka, boazanian na may mahahabang sungay at nakakadalang Voltes V theme song? Wala siguro. Dahil alam ko, bago pa makilala sa Pilipinas ang Dragon Ball Z, marami ng taga-hanga si Voltes V (isa na 'ko doon..) Hinding-hindi ko makakalimutan yung isang beses na muntik kaming mag-away ni Kuya dahil lang kay Steve Armstrong na 'syang pinaka-leader sa kanila. Pinagtatalunan kasi namin dati ni Kuya kung sino sa aming dalawa ang bagay maging Steve Armstrong. Sabi ko, "AKO!" Pero pinagpipilitan nya na "Sya" At dahil mas matanda sya, ako na napalakaliit lang noon ang naging si Big Bert. (pero diba, ako naman dapat?) Ang hindi ko lang maalala noon, kung paano ko nagparaya kay Kuya. Malamang, nasuhulan nya lang ako 'nun kaya ganon. At hindi ko rin makakalimutan noon na nag-iiba ang kulay ng langit kapag ginagamit na ni Voltes V ang kanyang laser sword.


Naaalala ko pa nga noon na pinagdarasal ko pa palagi na sana maglaban yung cast ng Batibot at Sesame Street dahil lang sa hindi ko gusto yung mga hilacha ng pagmumukha nila Big Bird, Elmo, Bert, Ernie at Cookie Monster. Mas malakas kasi ang dating sa'ken noon nila Pong Pagong, Kiko Matsing, Irma Daldal, Manang Bola, Ate Shenna at Kuya Boggie. At isa pa, pinapanalangin ko rin noon na sana, kahit sa isang episode lang ng Batibot, makita ko namang galit na galit si Kuya Boggie. Para kasing sobrang bait at hindi marunong magalit si Kuya Boggie eh no?



Pero sa lahat-lahat ng cartoons at pambatang palabas noon sa TV, kay Peter Pan lang talaga ako humanga ng todo. Bale, 1995 nung una kong masilayan sa televisyon ang aking hinahangaan na si Peter Pan. Tagalized pa nga eh! At boses ni Earl Ignacio ang ginamit. Unang kita ko pa lang sa kanya, Sabi ko. "Damn! Ang galing galing galing galing galing galing nito ha!" Nakakalipad at hindi tumatanda. (galing!) Ang galing pa ng costume. Kulay green. Parang diwendeng malnourished. Tapos, meron pang panaksak na pagkaliit-liit. Hindi ko nga lang sigurado kung panaksak nga ba 'yon o nail cutter. Pero kahit ano pa 'yon! Idol ko pa rin sya. Ang galing ng bahay nya sa puno. (hi-tech nga eh!) Pagpasok mo pa lang sa pinto, gulpisarado ka na. Cool pa yung tatlo nyang kaibigan. Yung tatlong bugoy? Tapos habulin pa sya ng magandang diwata. Si Tinkerbell? At hindi lang 'yon! Ang galing galing galing galing galing super galing nya pang makipag laban. Actually, pulbos nga lagi sa kanya 'yung mga pirata eh! Pati si Capt. Hook na lagi nyang hinuhulog sa barko na madalas namang habulin at lapa-lapain ng buwayang nakalunok ng relo. Kaya sa lahat ng napanood ko, si Peter Pan lang ang iniidolo ko "woo-hooo!" (Idollll!)

Ilang beses na ba akong nangarap na hindi rin tumanda tulad ni Peter Pan. Ilang beses na ba akong kamuntik-muntikan ng mabalian ng buto kakatalon sa hagdan namin dati para lang makalipad. Isang beses nga, iginapos pa ako ng Tatay ko para lang hindi ako makalapit sa hagdan namin eh. Kaya minsan, ang tingin ko kay Tatay ay prang si Capt. Hook. =)

Pero ang pagkakaiba lang namin ni Peter Pan, hindi ko type si Wendy. Mas type ko si Tiger Lily.


"IsmeeeEEEE!!"

"Anu pu yon Kapitannnn.."




Ganyan ako ka "IN" dati sa mga sikat na cartoons at pambatang palabas. Ako kasi 'yung tipo ng bata dati na hindi muna lalabas ng bahay para lang makipaglaro ng Five10, Tumbang Preso, Luksong Tinik, Taguan, Patintero at Basketball sa mga kalaro ko hangga't hindi ko pa natatapos panoorin sa telebisyon ang mga paborito kong palabas. Pero kung inaakala nyong puro cartoons at pambatang palabas lang noon ang pinapanood ko, nagkakamali kayo.


Dahil nanonood rin ako noon ng Monggolian Barbecue ni Mr.Shuli, Tawag ng Tanghalan ni Bert "tawa" Marcelo at Pelita Corales. Parang "Pinoy Pop Superstar" yon ngayon. Pinalitan pa nga dati ang title 'nun e. ginawang "Tawag ng Kampyon" Bukod doon, nanonood rin ako dati ng Lovingly Yours Helen, Cony Reyes On Camera, Kwarta O Kahon. Sa ABS-CBN ko na 'nun naabutan ang "Eat Bulaga" bago napunta sa GMA7. Hindi ko inabot yung nasa RPN9 pa sila. Hindi ako noon nanonood ng That's Entertainment dahil wala akong kahilig-hilig sa mga Artista. Pero si Ate, madalas manood 'nun. Inaabangan nya palage ang tambalang Janno Gibs at Manilyn Reynes. At ang natatandaan ko pa dati sa palabas na 'yun, si Kuya Germs hindi pa marami magsuot ng singsing kumpara mo ngayon sa tuwing makikita mo 'sya sa Master Showman. (walang tulugan!!) Wala pa akong pakielam noon sa World Wrestling Federation (WWF) dahil alam ko namang scripted. (hanggang ngayon!) Pinapanood ko rin noon ang Palibhasa Lalake, Body & Soul, Manok Ni San Pedro, Over Da Bakod, Tropang Trumpo, OKidok Ki DOk, GOBINGO,Home Along Da Riles na naging Home Along Da Airport na parang John & Shirley ngayon.

At bago pa maging host si Joey De Leon at Ryan Yllana ng Takeshi's Castle ngayon tuwing linggo ng umaga sa GMA7, nasusubaybayan ko na dati ang Takeshi's Castle na ang host pa ay si Smokey Manaloto at Anjo Yllana.


At natatandaan ko rin noon na ang hilig-hilig ko sa palabas na "Okey Ka Fairy Ko" Hindi dahil sa gusto kong magaya ang pagsasayaw ni Prinsipe K. Hindi dahil sa cute ang dating sa'ken noon ni Aiza Seguerra. Hindi dahil sa gusto kong makita si Pipoy kalbo. Kundi dahil sa, pinapanalangin ko rin noon na sana, sana talaga, ako na lang si Vic Sotto.


Dahil sa totoo lang, kung hindi mo pa alam.











Firs Crush ko si Tweety De Leon

Posted by YHOTSKI at 02:21 AM | 2 Ang hindi mapakale

Bobo'to Na Ko

"Laging naniniwala hindi nagsasawa
Nahilo sa gayuma kaya nagwawala
Laging umaasa ano bang meron sya?
Paulit ulit lang naman pinapaikot ka"

-Sandwich, Walang Kadala-dala











Ilang buwan na lang Eleksyon na naman. At gaya ng dati, pakalat-kalat sa kung saan-saan ang ilang politiko para manuyo ng tao at sila'y iboto. Merong artista, merong bagong sabak sa politika, merong mga nagbabalik, at meron ding mga dati na.

Syempre kanya-kanya pakulo ang mga loko. Animo'y Santa Claus na pumapasyal sa lugar mo para mamigay ng konting tulong at regalo. May namimigay ng damit. Kilo-kilong bigas. Mga delata, minsan nga, may kasama pang naka-sobreng pera para hikayatin ka na iboto sya.

Araw-araw kapag lumalabas ako ng bahay, kaliwa't kanan kong nakikita ang mga posters nilang makukulay. Pero sa totoo lang, hindi ko naman maintidihan ang tunay na layunin nila.

Ilang buwan pa ang lilipas bago mag-Eleksyon, pero laganap na ang kidnapan, patayan at agawan ng kapangyarihan. Hangga't kayang daanin sa dahas makuwa lang ang kapangyarihan kahit na maubos ang kayamanan, gagawin manalo lang sa halalan. Sabi nga sa isang kanta ni Blakdyak "Di bale na maubos ang kayamanan, basta't manalo lang sa halalan" Goodboy tlga!! Ganito kadumi ang Eleksyon sa ating bansa.



Naitanong ko sa sarili ko bigla, ano kaya ang pakiramdam ng isang politiko?

Parang awa 'nyo na...

Vote!

YHOTSKI for TongGresman

"Madali syang lapitan mahirap lang hanapin."

Mga Plataforma ni YHOTSKI

1. Sasahuran nya ng "minumum wage" ang lahat ng tambay

2. Ipapa-Air-con nya ang buong Pilipinas.

3. Ipapakulong nya lahat ng Drug Pusher, Kriminal at maging ang mga panget sa Pilipinas

4. Ipagbabawal nya ang sasakyan sa kalsada para maiwasan ang traffic.

Kumpirmado. Walang boboto sa'ken ano?


Kanina, merong isang nakakatawang politiko ang sumugod sa barangay namin. Hindi ako sigurado kung kabilang sya sa tinatawag na "Nuisance Candidate" o ano. Pero natuwa talaga ako sa kanya. Kakaiba kasi ang pakulo nya. Sya pa nga lang yata ang politikong gumawa nito. Kapag lumapit 'sya sayo at kinamayan ka, bigla ka nyang aabutan ng kalendaryo at isang sachet ng Nivea lotion. Astig diba? Hindi mo tuloy alam kung matutuwa ka o maiinsulto. Naisip siguro ng politikong 'yon na kutis gagamba na lahat ng tao sa Maynila kaya ganun.

Meron naman akong nabalitaan. Pero bago ang lahat, gusto ko munang magpasalamat sa programang "24 Oras" Dito ko kasi 'to nabalitaan. Isang sikat na tao ang planong sumabak sa politika. Nanghihinayang ako sa kanya dahil alam kong mabuti syang tao at mukhang ginagamit lang sya ng ilang nasa pwesto ng politiko. Kahit na halata ng nakararami na ang pagsabak nya sa politika ay parang napipilitan lang. Mabuti na nga ang imahe nya sa sambayanang Pilipino, pasasamain nya pa. Sabi nya pa minsan sa isang interview sa kanya "Gusto kong mapagka-isa ang mga Pilipino kaya ako tatakbo" Ang hindi nya alam, napagkaka-isa na nya ang sambayanang Pilipino sa bawat laban nya. Sayang talaga dahil iniidolo ko sya sa pagiging pambansang kamao nya.

Bukod sa iba pang kandidato na ang pinamimigay lang ay 2007 Calendar, sabay kamay sayo at konting pambobola. meron din namang nangangampanya na may "ginintuang puso" Sya yung kung tawagin ay "Hulog ng Langit" Namimigay ng manok mula sa Kenny Rogers na may kasamang rosaryo at holy water. Sa tingin ko nga, okey syang iboto. Sa tingin ko kasi, hindi na nya maiisipang mangupit sa kaban ng ating bayan dahil mayaman na syang tao. Kung taga-Maynila kang katulad ko, kilala mo sya.

Sabi ng ilang tao na mas maraming nalalaman sa takbo ng politika sa ating bansa. Sa isang-daan raw na taong tatanungin mo, sampu lang ang may pakielam sa takbo ng politika sa ating bansa. Yung iba, ang isasagot lang sayo

"Kahit sino naman ang iluklok mo, wala namang pagbabago"

Sa malapitang tingin, totoo ang sinasabi ng nakararami. Wala naman talagang pagbabago kahit na sino ang iluklok mo. Marami pa ring Trapo at Kurakot na politiko. Ang VAT na binabawas sa mga binibili mo, nadadaanan lang ng pag-aari mong sasakyan ang lubak-lubak, binabaha, madidilim na walang ilaw na kalsada. Meron pa rin tayong mga kababaihan na madalas pagsamantalahan ng mga walanghiyang Kano na yan. Ang hindi maubos-ubos na Abu Sayyaf na ilang taon ng nakikipag-barilan sa mga sundalo natin pero hanggang ngayon hindin pa rin sila nauubusan ng bala. Marami ka pa ring makikitang pulubi at mga batang pakalat-kalat sa lansangan. kung hindi nagbubungkal ng basura para maghanap ng kakainin nila, kung hindi naglilimos, kung hindi umaakyat sa mg pampasaherong sasakyan para punasan ang iyong paa kapalit ng konting halaga, kung hindi nagpapasuso ng sampung anak nila habang sakay ng de-karitong bahay nila, makikita mong sumisingot na lang ng solven para malagpasan ang araw-araw na hamon ng gutom at kahirapan. Kung saan para malagpasan ang hamon ng gutom at kahirapan, kailangan pang mang-isnatch ng Cellphone at mang-holdap sa mga Jeep, FX at Bus. Meron pa ring mga doktor na pinipili na lang bumaba sa pagka-nurse para makipag-sapalaran sa ibang bansa dahil mas malaki ang sahod kumpara dito sa atin. Nagbabayad pa rin tayo ng pamasahe na taon-taon nagtataas.

Bakit ka pa boboto?


Merong iba dyan na gustong makiealam sa kalagayan ng ating bansa pero wala namang nalalaman. Yung may nalalaman naman, walang habag sa kanyang bansa at sa karamihan. Puro pansariling kapakanan lang ang pinagtutuunan.

Kaya ang ilang tangang Pilipino, doon sa kalye ang punta pag may hinaing sa politika. Kinakasangkapan ang kalyeng Mendiola/EDSA at hinihikayat ang bulag na masa


Paulit-ulit lang naman. Pinapaikot ka.









Wala talaga tayong kadala-dala.

Posted by YHOTSKI at 02:23 AM | Ang hindi mapakale

April 12th, 2007

Tutube Tutube Mag-ingat Ka Sa Lalakeng Salbahe

"At may'ron lang naisip
Nang may'rong mailagay
Para lamang may laman
Para lang may'rong kulay"

-Pupil, Dulo ng dila



Pwede bang magsampa ng kaso laban sa isang tao na nang-iistorbo ?

Kung magdemanda kaya ako sa isang taong nanggising sa'kin sa kasarapan ng tulog ko? hehehe..



Tulog pa ang buong Pilipinas ng magising ako kanina. ni hindi ko pa sigurado kung nakatulog nga ko. namalayan ko na lang na nag-iinat na pala ako at nag-kukusot ng mata na wala namang muta. Pinaglamayan ko kasi kagabi sa DVD ang palabas na "Casino Royale" at "Jackass 2"

Itong si kaibigan, niyayaya akong mag-jogging sa Luneta.

Ala-singko ng umaga kanina ng lumabas ako ng bahay. suot ang anik-anik na rubber shoes, basketball short at sandong pula na may nakasulat sa harap na "Petmalu" Gaya ng dati kong ginagwa kapag gising pa ako ng ganitong oras, lumanghap ng hanging hamog, pagmasdan ang ulap habang nakikipag-agawan ang dilim sa liwanag. Tulog pa yata pati mga ibon. Ang dami pa sigurong naghihilik at nananaginip. Sobrang tahimik. Nakakabingi.


Quirino Grand Stand ang aming rota. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lugar na 'to. Dito kasi ako madalas dati nung naghihinete pa'ko. Nagja-jogging tuwing umaga para magbawas ng timbang. Nakakasampung ikot ako dati dito sa Quirino, pero ngayon, dalawa lang e halos maapakan ko na ang dila ko.(Ouch!) Pagkatapos naming magtatakbo, nagpahinga muna kami sa Roxas Boulevard. Nakita ko pa tatay ko na nagbibisekleta. sandali ko lang sya nakausap. tinanong nya lang ako kung naisara ko ng maayos yung pinto namin at kung ano raw ang sumayad na pagkain sa bituka ko at naisipan kong mag-jogging. Ngiti lang ang naisagot ko sa tatay ko na may halong panghihingi ng pang-almusal. Palabiro nya pa kong tinanong kung saan ko gustong fastfood mag-almusal, nung sinabi kong sa Jollibag, dumukot sya kagad ng bente pesos at sabay sabing "Bumili ka na lang ng pandesal, pwede ka ring magkape sa bahay" Sabay tawa at iniwan kaming dalawa ng kaibigan ko kasama ang mga dabarkad's nyang Siklista. Ngayon alam nyo na kung kanino ako nagmana?

Masarap kasama 'tong kaibigan ko. Marami laging baong kwento. kahit na pinagtitripan nya yung mga nagliliparang Tutube. Kahit na nakaka-aning syang kakwentuhan. Kahit na madalas syang magsabi ng "Putang-ina" at "BWAKANANGINA" sa mga kinukwento nya. Okey lang. Enjoy akong kasama sya.



Mag-aalas nueve na kami nakauwi ng bahay. Nagkayayaan pa kaming maglaro ng basketball. One on one. Lugaw kina Aling Mely ang pustahan.









Wag nyo ng itanong kung sino ang nanalo sa'ming dalawa.

Posted by YHOTSKI at 04:22 AM | Ang hindi mapakale

Malamig Ang Pasko

"I don't know?
Lightning could strike"

Brad Pitt - Meet Joe Black






Inutusan ako kanina ng erpat ko sa may raon. may pinapahanap sa'king isang bagay na tanging doon lang daw mabibili. At dahil sa mahirap hanapin ang bagay na pinabibili nya, sumuko na din ako at naisipang maglakad-lakad sa kahabaan ng Recto. Pagkatapos magpalamig sa loob ng Isetann, tumingin ng sapatos sa Cartemar, at magbasa-basa ng libro sa National Bookstore, umabot ang mga paa 'ko sa kanto ng Lepanto na kung saan nakita ko ang dilaw at makintab na higanteng letter M na tila ba inaakit ang aking gutom na sikmura.


Maliban sa barya, may limang daan ako sa'king bulsa. Limang tagbe-bente pesos at apat na tag-iisang daan. three hundred doon ay kay erpat, 'yung dalawang daan sa'ken. (Ahem! Ahem!) Siguro naman sa halagang two hundred pesos may karapatan akong pumasok at kumain sa McDonald's? At kung tutuusin, pwede pa kitang ilibre.

Matapos kong pumila, maka-order ng coke at french fries, sinabi ng babaeng kahera na hintayin ko na lang raw muna ang Cheezeburger na kasama sa inorder ko. "Sir, mga 10 minutes lang po!"

Ganoon na nga ang ginawa ko. Sinipat ng aking mga mata kung saan merong bakanteng upuan para makapaghintay. Nang makakita, naglakad na ako dala ang pulang tray na may nakalagay sa ibabaw na coke, french fries, tissue, dalawang pakete ng ketchup. resibo, at table number bilang patunay na meron nga akong Cheezeburger na hinihintay. Panandaliang pang sumagi sa isip ko na pagtripan ang service crew na magdedeliver ("Ano kaya kung itago ko yung table number?") Pero hindi ko na rin tinuloy ang maitim na balak. Wala ng oras makipaglaro. Tom Jones na'ko.


"Hawak Kamay" ni Yeng Constantino ang background song ngayon dito sa loob ng McDo, pero "Paano Sasabihin" ng Join the Club ang LSS ko.


Sa bandang likod ko nakaupo ay apat na magbabarkada. Sa bandang kanan ay mga magkakaklaseng nag-aaral sa UE na hitik na hitik sa pagkwekwentuhan tungkol sa kakatapos na exam nila. At sa tapat ng aking inuupuan ay dalawang magkasintahan na isang libong beses na yatang nagsusubuan ng french fries. Hindi ko tuloy maiwasang mapatingin sa kanilang dalawa. Para kasing napaka perpekto ng mundo sa kanilang dalawa. Parang wala silang pinuproblema.


Kung napanood muna yung commercial dati ni Piolo Pascual at Isabel Oli sa Max Fried Chicken, ganoon na ganoon ka sweeeet yung magkasintahan na kaharap ko. Ang pinagkaiba lang, hindi wishbone ang hawak nila, french fries.

Gustuhin ko mang lumipat para hindi na sila makita e hindi ko magawa. walang bakanteng upuan.


Naalala ko tuloy yung isang artikulo na nabasa ko sa dyaryo kahapon. Sinasabi kasi sa arikulong 'yon na lahat daw ng nilalang sa mundo ay may nakalaang kapareha. Sabagay, kaya siguro si Malakas ay kapareha ni Maganda. si Romeo ay kapareha ni Juliet. At si Brad ay may Anjellina. Pero teka, paano yung mga tumanda na hindi nakapag-asawa?


Ah ewan, eto na naman ako. nagsesenti. dapat masaya ako ngayon e, dahil nalaman ko na People of the year pala ngayong 2006 ang mga mahilig mag blogs at mag-Internet ayon sa TIME Magazine. (Yahhhuuu!!) Kabilang ako. At isa pa, malapit na ang Pasko. Ilang tulog na lang ba? Gutom lang siguro 'to


"Sir! Eto na po yung Cheezeburger nyo."

"Salamat!" Sabay abot ng table number sa kanya.

"Sir meron pa po bang kulang?"

Patlang.

"Oo, may kulang pa. Hindi nga lang pagkain."





Kung bakit kasi nag McDO pa 'ko e.

Posted by YHOTSKI at 04:26 AM | Ang hindi mapakale

Sino Si Santa Claus Ang Tanong Sa Akin

"People making lists,
Buying special gifts,
Taking time to be kind to one and all."

Give Love On Christmas Day - Jackson 5


Ito ang panibago kong blog entry ngayong Disyembre. inaareglo ko sya ngayon dito sa isang Computer Shop malapit sa Morayta. Ayos naman ang pwesto ko, sa tabi ng salaming dingding kaya kita ko lahat ng taong dumadaan sa labas. Kung hindi istudyante sa FEU, taga UE. At kitang-kita din nila ang isang bente-dos anyos na lalake na "walang magawa" sa buhay kaya busy sa pagta-type sa harap ng computer. Hindi nga lang nila alam na blog entry 'tong ginagawa ko. Nyahahaha....

Sa tuwing magpo-post ako ng bago 'kong artikle, madalas ay nandito lang ako sa singit-singit na Computer Shop sa Recto. Medyo may konting hassle dahil may bayad. P10 per hour. hindi katulad dati sa bahay ng isang kaibigan na kwento lang per hour. Pero hindi ko naman inaabuso ang kabaitan ng kaibigan kung 'yon. Ang pinakamatagal ko na yatang gamit dati sa tuwing magpo-post ako sa blogs e, 1 hour. May katagalan na rin akong hindi nakaka-akyat sa bahay 'nya. Nahihiya na rin kasi ako. Kaya laylo-laylo muna ako ngayon.

Marami ngayong tao dito sa Computer Shop na nirerentahan ko. Ang ingay. Para akong nasa palengke. Karamihan ay aliw na aliw sa kakalaro ng Dota at Ragna. Pero meron din namang iilan na nakatambay sa paboritong site ng mga estudyante, MSWord.

Buti na lang, maski papaano ay nangingibabaw ang magandang tunog na pinatutugtog ng may-ari kaya nakakatagal ako. Pareho pa kami ng trip na kanta

Cancer - My Chemical Romance
In The Morning - Razorlight
Starlight - Muse
Consolation Prizes - Phoenix
Goodnight, Goodnight - Hot Hot Heat
When You Were Young - The Killers
Crystal Ball - Keane

Habang binabasa mo yung mga kantang nasa itaas kanina, kakatapos lang ng "Crystal Ball". Tunog na ngayon ay "Chasing Cars" ng Snow Patrol.


Kaninang umaga pumunta ako sa Divisoria. Meron kasing sinabi sa'ken yung isang kaibigan na bilihan daw ng damit doon na mura at magaganda. Pagkababa ko sa Tutuban, napahinto muna 'ko sa isang manong na nagtitinda ng fishball. Beynte pesos din ang nawala sa bulsa ko kakatusok ng Kwek-Kwek at limang piso para sa buko juice. Tinanong ko yung manong na nagtitinda ng buko juice kung saan dito sa Divisoria matatagpuan yung 168. Pero nagbingi-bingihan lang siya. Malamang hindi 'nya din alam. Badtrip kasi 'tong kaibigan ko e. paano mo ba naman malalaman ang isang lugar na ituturo sayo kung ang sasabihin lang ay "Basta malapit lang sa Tutuban, ikot-ikutin mo lang 'yon!" Hindi ko naman mayaya para samahan ako dahil busy.

Nakuwa kong magtanong sa isang bata na kapwa ko bumibili rin ng buko juice.

"Boy, saan ba dito matatagpuan yung 168?"
"168? Sunod ka sa'ken ituturo ko sayo."
"Alam mo ba yon?"
"Oo naman! Doon madalas mamili ang kuya ko e.."

Mga nasa edad sampu pataas ang batang napagtanungan ko. Bilugan ang mata at may kapayatan. Naisip ko nga, kung maglalaro siguro kami nang batang 'to ng "taguan" at ako ang taya, kahit magtago lang 'sya sa poste ng Meralco hindi ko na makikita.

Patuloy lang ako sa pagsunod sa batang napagtanungan. Pero maraming beses parin na sumasagi sa isip ko kung bakit nagtiwala kagad ako sa kanya. hindi naman kami magkakilala. Pinilit ko na lang na tandaan ang mga dinadaanan namin at tumingin sa paligid na kung saan ang tanging makikita mo lang naman ay mga nagtitinda.

Buko sa malamig na simoy ng hangin tuwing gabi. mga kumukuti-kutitap na dekorasyon sa bahay. tugtuging pamasko at mangilan-ngilan na batang nangangaroling, dito sa Divisoria ay mararamdaman muna talaga ang papalapit na kapaskohan. Kahit saan ka lumingon, patok sa paningin mo ang kulay berde, puti at pula. Karamihan ay nasa katauhan ni Santa Claus. Santa Claus na maskara, Santa Claus na laruan, damit na may naka-drawing na mukha ni Santa Claus, malaking rebulto ni Santa Claus na nakasenyas na "Be Quiet" sa pintuan ng isang sikat na fastfood, parol na yari sa Santa Claus, costume ni Santa Claus, at MMDA sa gitna ng kalsada na nakasumbrelo katulad ng kay Santa Claus.

HOHOHOHOHOOO...

Hanggang ngayon, hindi ko alam kung anong istorya ni Santa Claus at kung bakit malaki ang kaugnayan nya sa Pasko. At sa mga taong paniwalang-paniwala na meron ngang totoong Santa Claus, ako na ang nagsasabi sa inyo, hindi totoo si Santa Claus. (Una) Bakit tuwing pasko lang siya lumilitaw? (pangalawa) Sobrang tanda na ni Santa Claus pero mapapansin mo hindi nakakaramdam ng pagod kahit na buhat-buhat ang gasakong laruan. (pangatlo) Bakit puro bata lang ang binibigyan nya ng regalo? (pang-apat) Hindi ba marunong gumamit ng pang-ahit si Santa Claus? (pang-lima) Bakit hindi naisipan ni Santa Claus na papuntahin na lang sa bahay nya yung mga taong nangangailangan ng regalo kaysa sya pa ang nagdadala nito tuwing madaling araw? Kaya kung ako ang tatanungin, wala naman talagang Santa Claus. Pero kung maireregalo nya sa'ken si Jasfer Lyn Valiao nitong darating na Pasko, baka maniwala na'ko.

"Kung saan-saan ka nakatingin, nandito na tayo!"

Nagulat na lang ako bigla sa sinabi ng bata. Nasa harap na pala kami ng 168 hindi ko pa alam. Matapos magpasalamat sa kanya, pumasok na'ko.

Pagkapasok ko sa loob, napansin kong sumusunod pa rin sa akin yung bata. Parang may gustong sabihin sa'kin na hindi ko matukoy. Umakma akong dudukot sa bulsa. nang makita kong nakangisi ang bata, nakuwa ko na kung anong ibig sabihin ng pagsunod-sunod 'nya. Ayon nga sa kanta na narinig ko lang kanina sa jeep

It's all about the money
It's all about the dum dum
Du du dum dum.

May kapalit pala ang pagtulong nya. Ang akala ko kusang loob lang. Dumukot ako ng sampung piso sa bulsa.

"Ito boy, ibibili mo ng pagkain yan ha? (ngiti)
"Opo kuya. Salamat!" Sabay takbo.


Bago umalis, kumalansing pa sa palad nya ang dalawang lima.

Sa pagmamadali, nalaglag pa yung isa.

Doon ko naisip. sa ganoong paraan, meron na 'kong napaligaya.






Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat

Posted by YHOTSKI at 04:28 AM | Ang hindi mapakale

O Pare Ko..

"What a feeling in my soul
Love burns brighter than sunshine
Brighter than sunshine
Let the rain fall, i don't care
I'm yours and suddenly you're mine
Suddenly you're mine
And it's brighter than sunshine"

-Aqualung Brighter Than Sunshine







Mag-aalas-diyes na ng umaga ng magisig ako kanina. Tanghali na ang ganitong oras ng pag-gising para sa isang matinong tao lalo na kung ikaw yung tipo ng tao na gumigising ng maaga para magtrabaho. Maaga naman talaga ako nagigising, napuyat lang talaga ako dahil naglaba ako hanggang madaling araw ng ilang damit na marurumi. Madami-dami na rin kasi yung labahan ko kakapalit pagtapos maglaro ng basketball.


Tapos na akong maligo kanina ng mapansin naman ng Nanay ko ang suot kong t-shirt. Hindi naman nya nakaugalian ang pansinin ang sinusuot ko pero hindi ko maintindihan ngayong umaga na'to kung bakit napuna nya ang suot ko. Baket raw nagtyatyaga ako magsuot ng masisikip na t-shirt samantalang marami naman daw akong maluluwag na damit. Hindi ko masabi sa kanya na hindi na ko sanay magsuot ng maluluwag na damit. Ayaw ko ng magsuot ng T-shirt, Polo, at Polo shirt na lumalagpas sa siko. Maging sa pantalon, ayaw ko ng maluluwag. yung parang pajjama pagsuot mo na kulang na lang e walisin lahat ng kalat sa kalsada kapag sumasayad yung laylayan. Sabi ko na lang sa kanya

"Ayaw ko ng maluluwag na damit, nagmumukha akong sampayan.."



Nga pala, kagabi, sa hindi sinasadyang pagkakataon habang nagpapalipas lang ako ng oras sa isang computer shop e natyempuhan kong maka-usap sa Yahoo Messenger ang pinakamamahal kong 'Pare' na si Jasfer Lyn Valiao. May katagalan na rin kasi kaming hindi nakakapag-usap kaya namiss namin ang isat-isa. Mahigit isang oras din na masayang kulitan na usapan. Pakiramdam ko nga, konting halo na lang ng 'pagmumura' sa aming usapan e mas lalong sasaya pa. Ang pinaka-gusto kong parte ng gabing yon habang kausap sya e yung marinig ko ang mala-anghel nyang tinig sa headset. Oo! For the first time in history, narinig ko rin sa wakas yung boses nya. Langya! Champion ang boses. Babaeng-babae ang dating. Pakiwari ko nga, walang sinabi yung boses ni Vicky Morales sa palabas nyang "Wish Ko Lang" sa ganda ng boses ng aking pare na si Jasfer Lyn. Tapos nun, kinantahan nya pa 'ko, hindi nga lang pamilyar sa'ken yung lyrics ng kinanta nya. Simula kasi 'intro' ng kanta hanggang sa 'chours' e ang narinig ko lang ay

"Kain.. Kain.. Kain.. Kain.."

Malamang composition nya yung kantang 'yon =p



Pero walang halong biro, masayang-masaya ako nung gabing yon na kausap sya. Palagay talaga ang loob ko sa babaing yon. Sya yung tipo ng babae na hindi ko siguro kayang 'tiisin' at 'hindi-an'. Kung pwede ko nga lang pahintuin ang oras nung mga sandaling yon na kausap sya, ginawa ko na. Kahit na maingay sa paligid ko nung gabing yon dahil sa mga batang naglalaro ng 'Conter-Strike na maya't-maya sumisigaw ng "Fire in the holee!", "Bulag! Bulag na, lusubin na natin.." e enjoy naman akong kausap sya. At sana nag-enjoy din syang kausap ako kahit na parang puro kalokohan lang naman ang naibahagi ko sa kanyang kwento sa taglay kong boses ipis na parang naipit na daga. =)


Habang sinusulat ko ito kanina sa scratch na papel para mapaganda e hindi ko maiwasang tingnan ang bentilador na nagbubuga ng malakas na hangin sa'ken. Kasama sa pagtingin sa bentilador na yon ang pagmumuni ko at paghiling na sana, may patunguhan ang lahat ng nangyayareng ito sa aming dalawa ni Jasfer Lyn.



Boses pa lang nya nagkakaganito na ko.


Paano na lang,


Kung ang boses na yon ay tunay ng nagsasalita sa harap ko?
















Haaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaay
Posted by YHOTSKI at 11:22 PM | 2 Ang hindi mapakale

April 14th, 2007

FX

SAKAY


Sa araw-araw na ginawa ko habang buhay para lang pumunta sa isang destinasyon kung saan palagi ko namang ginagawa at ng ibang normal na tao para kumita ng pera, isang tao ang sumira sa magandang umaga ko.


UPO


Wala pa'kong isang taon sa pinapasukan kong trabaho eksperto na'ko sa pagkilatis ng FX na mahina ang air-con. sa pakikipagbalyahan, pakikipagsiksikan, at pakikipag-unahan makaupo lang sa pampasaherong sasakyan. Hindi narin iba sa'kin ang makatulog o lumampas sa dapat kong babaan.

"OH MY GOLAYYY!!! Manong saan na po ito?!"
"KALAW na boy. Saan ka ba?"
"Diyan na lang po sa tabi, lumagpas ako."



BAYAD


Pumara ako ng FX na ang biyahe ay "SM FAIRVIEW" Panalo ang nasakyan ko. may malakas na air-con at nakabibinging istasyon ng Radyo na naka-set sa 90.7 Love Radio. Dahil 'yon yata ang paboritong FM station ng lahat ng FX driver, nasanay na ang tenga ko tuwing umaga sa boses ni "Miss Sexytary" at "Monzur Betero"


"Kailangan pa bang i-memorize yan?"
"Bisyo na 'toooo!!!"



SUKLI

Sa bandang harap ako nakapwesto. tabi ng matandang driver. "Ayowwss!" Parang ako narin ang nagmamaneho. 'Yon ang paborito kong puwesto kapag nakasakay sa FX. sa unahan. Ayaw ko sa bandang gitna dahil kapag apat kayong nakaupo, kulang na lang e patigilin mo ang sirkulasyon ng dugo mo. Siksikan. Bukod doon, magiging taga-abot ka pa ng bayad sa mga ibang pasahero ring nakasakay sa bandang likod nyo. Ayaw ko din sa likod dahil hindi ako makaupo ng maayos. nauuntog ako sa kisame ng FX kapag dumadaan sa hump ng kalsada.




TRAFFIC


8:30 na nang umaga pero nasa loob parin ako ng FX. dapat ganong oras nasa opisina na'ko. Badtripp!! Mabagal magpatakbo si Manong. at bukod sa mabagal syang magpatakbo, lahat pa ng makita nyang tao sa kalsada hinihintuan. Nicanor Reyes, Padre Noval, Lacson, Dela Fuente, Vicente Cruz, Maceda, Blumentritt. Yan ang pitong kalye na humahati sa kahabaan ng Espana bago makarating sa Welcome Rotonda. Kabisado ko ang pitong kalye na yan dahil 'yan ang paboritong laruan ng mata ko kapag nakasakay sa pampublikong sasakyan patungo sa trabahong papasukan. 8:50 na nasa Dela Fuente palang ang FX kong sinasakyan. (Late na 'ko.) Ewan ko ba kung bakit ganon kabagal magpatakbo si Manong. hindi naman sya mukhang nag-aabang ng tatawid na pusa sa kalsada at biglang sasagasaan. o siguro sinasadya nya lang bagalan dahil alam nyang late na'ko sa trabaho. Pero malabo mangyare ang "o siguro" kong 'yon dahil hindi naman kame magkakilala at perstaym kong makasakay sa FX nya. Ganon pa man, hindi ko maalis-alis ang tingin kay Manong. Matanda na talaga sya. Ang edad nya siguro kung hindi ako nagkakamali at hindi ako tumatama mga nasa 60 plus. Naisip ko nga. Sa pagmamaneho nya sigurong 'yon kinukuwa ang ALTANGHAP ng kanyang pamilya. Believe talaga ako sa mga tulad nya. Para sa'kin, sya ang Hari ng Kalsada.



MABUHAY LUNGSOD QUEZON



PARA


"Diyan na lang po sa tabi."

Posted by YHOTSKI at 11:12 AM | Ang hindi mapakale

Mabuhay Ka Manny Pacquiao!!

Kanina ang isa sa mga "minsan" na inabuso ko ang aking mata para manood ng boxing.  Hindi talaga kasi ako mahilig manood ng boxing.  Kung hindi nga ako nagkakamali,  ang huling nood ko pa ng boxing e yung kinagat ni Mike Tyson yung tenga ni hollyfield.

                           Linggo ngaun, January 22, 2006.    Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga taong nakakakilala sa'kin na tuwing linggo ang araw ng pahinga ko.  pahinga sa anim na araw na trabaho.    Alas dose na ng tanghali pero nasakasarapan parin ako ng tulog.  nasira lang ito ng makarinig ako ng malakas na sigaw  "Tira Pacquiao!!  Tira!!  Pabagsakin muna yan!!"   Boses pala ni tatay.  Libang na libang sa panonood ng rematch na laban ni Manny Pacquiao at Eric Morales.  kasama nya sa panonood ang ilang kaibigan at madalas kasama sa pagbibisekleta sa Roxas Boulevard habang tumutungga ng nakakalasing na inumin.  At bukod doon, nanonood din ang nanay ko,  ang kapatid ng nanay ko,  ilan sa mga kapatid ko, at pati na rin ang pamangkin kong kalbo katulad ko.   Gusto ko pa nga sanang ipagpatuloy ang masarap na tulog ko,  ang kaso nga lang hindi masikmura ng dalawang tenga ko ang malakas na hiyaw ng tatay ko. (No Choice!)  kaya  bumangon na lang ako sa higaan.  naglinis ng katawan, at kumain ng pananghalian habang sinusuportahan ang aking kababayan na si "Packman" na tinitilian-hinahangaan-pinagpupustahan ng buong sambayanan.

Round 2 ng simulang kumana ang hind matatawarang bilis ng kamao ng ating pangbato.  Pinaulanan nya ng suntok ang mapangang mukha ng kalabang Mexicano.   Pagdating naman ng Round 6 mas lalong uminit ang laban sa pagitan ni El Terrible at Packman.  Kanya kanyang palitan ng malalakas na suntok.   Sobra talaga akong nag-enjoy sa panoood ng boxing.  Hindi ko lubos maisip na ganun pala kasarap manood nun.  Sa sobrang enjoy ko nga sa panood e parang gusto ko nang suntukin sa pagmumukha ang lasing na kainuman ng tatay ko na sobrang ingay.  (pero joke ko lang yun)   Hindi ko maiwasang mabelieve sa pinamalas na bilis sa pagsuntok ni Manny Pacquiao.  asteeg..  para bang hindi napapagod.   kahit nga tinatamaan na sya ng suntok ni Eric Morales e parang balewala lang.   Round 10 ng mas lalong naging mainit ang pangyayari sa loob ng boxing ring.  Natikman ni Eric Morales ang isang daang pursyentong kaliwang suntok ni Manny Pacquiao na syang nagpatumba sa nasabing kalaban.  Naisipan pang tumayo ni Morales, pero kasunod nun ang walang puknat na suntok uli ni Manny Pacquiao na syang naging dahilan mara muling matumba si Morales at maging kampyon ang ating kababayan.   

Paminsan-minsan pala masarap ding manood ng boxing.  paglabas ko nga ng bahay lahat ng tao sa'min ang pinagkukwentuhan tungkol sa kakatapos lang na laban ni Manny Pacquiao at Eric Morales.  may ibang nagbabayaran ng pustahan, at meron ding nagbibigay ng mga sarili nilang kumento.  Masasabi ko siguro ang laban na yun e uukit na sa isipan ng lahat ng Pilipino.

Congrat's   Manny Pacquiao

Posted by YHOTSKI at 11:17 AM | Ang hindi mapakale

Ang Magiting Kong Discman

Ang Saya!!!  Dalawang araw kaming walang pasok sa opisina.   Bitin kasi sa 'kin ang linggong pahinga.   halos hindi ko na-ienjoy dahil nauuwi na lang ang buong isang araw ka pag linggo sa paglalaba.   Pero ngaun LUNES wala rin pasok.   Saya.  may pagkakataon akong mag-relaks, mag-basketball, mag-shopping sa thrift store, at matulog na akala mo'y wala ng bukas.

:

Subalit hindi ko makuwang makapag relaks lalo na't pag sumasagi sa isipan ko kung kaylan kaya darating ang March 21.   Yun na kasi ang araw ng paghuhusga kung mari-Regular ako o Special sa trabaho.   Eksayted na kong tumaas ang sahod ko.  Yung tipong hindi ko na iniisip araw-araw kung papaano ko ba-budgetin ang pera ko sa bulsa,  yung makakapamili ako ng damit at masasarap na pagkain ano mang oras ko gustohin, at makakapag-ipon na rin ako ng pera para mabili ang pinapangarap kong Olympus Camera.   'Bwahahahahaha....   ako kasi ang taong gustong gustong gustong gustong gustong gustong 2,000x magka Olympus Camera.  Marahil ay napakababaw ng aking hinahangad na bagay para sa taong ginagawang tissue paper ang pera, pero para sa'kin dugo't pawis ang kaylangan kong ipuhunan pra makabili ng ginintuang Olympus Camera na 'yan [insert Kulog with matching Kidlat]  Matagal ko na kasing gustong pasukin ang mundo ng Photography. hindi ko pa man sa ngaun makita ang pintuan, kumpyansa ako na makakapasok din ako dyan..    At dahil nga sa nangungulila na naman ako sa hinahangad kong materyal na bagay na kung tawagin ay Olympus Camera,  nilibang ko na lang ang aking sarili sa pakikinig ng kanta sa magiting kong Discman.   Tatlong taon na sa 'kin ang Discman ko.  Sulit na ang perang pinambili ko sa kanya dahil samu't sari na ring musika ang binulong nya sa aking tenga.

:

Pero ng minsan, habang gamit-gamit ko sya ay nakatulog ako at nadaganan ko sya.  Luhod tuhod naman akong nag sorry at humingi ng despensa, pero anong ginawa nya??!   gumanti ang gago.   kasi kinabukasan ay isasama ako ng Boss ko sa Libis, sa loob ng EEI Corporation para mag deliver ng inorder na Computer.  e di nag charge ako ng battery kinagabihan para kinabukasan "ready to use" na sya.   "Anak ng sukang may asin!!"   pagdating sa biyahe namin, pindot ako ng pindot sa PLAY>  pero ayaw tumugtog.     Di na 'ko natuwa sa inasal nya,   nakakainit na sya ng ulo,  pahirap na sya sa aking kalooban,  at bukod doon, pinahiya nya ako sa aking bagong linis na tenga.  (Walangya kako 'tong Discman na to haa...)   Gumaganti na.   Nagalit ako sa kaniya.  Sabi ko, dahil sa ginawa mo hindi muna kita sasalangan ng magagandang Cd. hindi muna kita gagamitin ng dalawang linggo, hindi ka muna makakapag Friendster at Yahoo Messenger ng limang araw.

Kalaunan, nag sorry naman 'sya.

Di na daw nya uulitin =p

Posted by YHOTSKI at 11:20 AM | Ang hindi mapakale

April 15th, 2007

Blaze Of Glory

"That may be all I need
In darkness she is all I see
Come and rest your bones with me
Driving slow on Sunday morning
And I never want to leave.."

-Maroon 5 Sunday Morning






Ginising ako kanina ng Tatay ko para yayaing manood ng laban ni 'Manny Pacquiao' at 'Jorge Solis' sa Rasak Coverd Court sa may Alvarez. May ticket daw sya na 'live telecast' ng laban ng dalawang nabanggit na boxingero. Hindi naman talaga ako mahilig manood ng boxing. Kung hindi nga ako nagkakamali, ang huling nood ko pa ng boxing e yung kinagat ni Mike Tyson yung tenga ni Hollyfield.


8:30 ng umaga ng makarating kami sa Rasak coverd court. Sa gate pa lang ng court hinarang na kagad kami ng mga babaing namumudmod ng libreng almusal. Gusto ko sanang tumanggi dahil nag-almusal na naman ako bago umalis ng bahay, kaso lang, bigla na namang rumehistro sa utak ko yung madalas sabihin saken ng isang kaibigan ko "Objection of an offer is an insult". Kaya tinanggap ko na rin kahit na parang napipilitan lang ako. Isa pa, sabi nila, nabubulag daw ang tumatanggi sa grasya.




Binigyan kami ni Tatay ng tag-isang hamburger na mula pa sa Jollibee, tag-dalawang ketchup na nasa pakete, at tag-isang straw kung saan nakadikit ang Zesto Orange Juice na hindi mo rin naman makukuwang inomin dahil maligamgam.



Bago ang laban ni Manny Pacquiao at Jorge Solis, naabutan ko na ang mga naunang laban. Laban ni 'Bernabe Concepcion' at 'Benjamin Flores'. Laban ni 'Edgar Sosa' at 'Brian Veloria'. Laban ni 'Julio Cesar Chavez Jr.' at 'Anthony Shuler'. At pati na rin ang magandang laban ng dalawang mexicano na sina 'Jorge Arce' at 'Christian Mijares'. Ang ganda rin ng laban ng dalawang mexicano na 'yon. Umabot hanggang 12 Rounds. Nung matapos, gulpi sarado si Jorge Arce, tingin ko nga, manghihiram ng mukha sa aso yon e =)



Michael Buffer: "Lets Get Ready To Rumbleeeeeeee!!!!!"





Round 6 ng simulang kumana ang hindi matatawarang bilis ng kamao ng ating 'pambasang kamao'. Pinaulanan nya ng magkakapatid na suntok ang mapangang mukha ng kalabang mexicano. Pagdating naman ng Round 7 mas lalong uminit ang laban sa pagitan ni Pacquiao at Solis. Kanya-kanyang palitan ng malalakas ng suntok. Nag-enjoy talaga ako sa panonood. Bawat dapo ng kamao ni Pacquiao sa mukha ni Solis e binubugaw ng malalakas na sigaw ko pati na rin ang sandamakmak na taong nanonood rin sa likod ko. Hindi ko lubos maisip na ganon pala kasarap manood ng boxing. Sa sobrang enjoy ko nga, parang gusto ko ng suntukin yung nasa likod kong mama na madalas mag-ex-cartion ang laway sa tuwing sumisigaw ng


"Tira Pacquiao!! Tira!!"


Hindi ko maiwasang ma-believe sa pinamalas na mabibilis na suntok ni Manny Pacquiao. Parang hindi napapagod. Kahit nga tinatamaan na sya ng suntok ni Jorge Solis e parang balewala lang.. (hindi nya nga iniinda e!) Sa isip-isip ko nga, kung ako siguro yung makakalaban ni Manny Pacquiao, mamatay ako sa suntok non. At kung mabuhay man ako, malamang 'de-susi' na.


Round 8 na nung makatikim ng magkakamag-anak at walang puknat na suntok si Solis galing kay Pacquiao. Nakatikim sya ng isang daang pursyentong suntok kay Pacquiao na syang naging dahilan ng dalawang pagbagsak ni Solis at nagdala kay Pacquiao sa pagkapanalo.



Paminsan-minsan pala masarap ding manood ng boxing. Parang may kung anong kurot sa puso pagnakikita mong nananalo yung kababayan mo. At ang isang magandang bagay na nakita ko sa panonood ng boxing na yon e sa tuwing lumalaban si Manny Pacquiao, napag-kakaisa nya ang lahat ng Pilipino. Mayaman man o mahirap. At para saken, yung ang tinatawag na pagkakaisa.














Mabuhay ka Manny Pacquiao!!










Posted by YHOTSKI at 03:15 AM | 2 Ang hindi mapakale

April 19th, 2007

Dicephalus Twins

"Touch me and i will follow
In your after glow
Heal me from all this sorrow
As i let you go
I will find my way
When i see your eyes
Now i'm living
In your after glow.."

-INXS After Glow





Kanina pa tawa ng tawa yung apat na pamangkin ko sa'ken. Ginagaya ko kasi yung boses ni Mike Enriquez at pinaparinig ko sa kanila. Sa maniwala kayo't sa hindi, kayang-kaya kong gayahin yung boses ni Mike Enriquez. Madalas ko kasi syang napapanood sa 24 Oras at Imbestigador Mukha lang nya ang hindi ko kayang gayahin. Ngayon kung tatanungin nyo ko kung baket ko naman napagtripang gayahin e hindi ko alam. Inaaliw ko lang yung mga pamangkin ko dahil mainit ngayon sa bahay namin.


Sobra talaga ang init ng panahon ngayon. Ultimo pinaka-tatago mong singit e magpuputik sa sobrang init. Ayon sa balita, nung isang araw daw ang pinaka-mainit na panahon ngayong taon. Umabot kasi ng 38.8C ang init. Kaya pangkaraniwan na lang sa akin ngayon ang maligo ng lagpas sa dalawang ulit, pangkaraniwan na lang sa akin ang magising sa umaga ng nagpapawis. At pangkaraniwan na lang din saken ang makita ngayon sa mall dahin doon ako nagbababad kaysa sa bahay. Nung isang araw nga, natulog lang akong mag-isa sa loob ng sinehan mula ala-una ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi. (praning ba?) Ginawa ko lang naman yon dahil nabagot ako sa bahay namin. Sobra kasing init at walang magawa. Kaya nanood ako ng sine pero hindi ko rin naman gaanong naintindihan yung pinanood ko dahil nakatulog lang ako.



Kagabi naman, habang nanonood ako ng 'Bandila' e napanood ko yung isang balita tungkol doon sa sanggol na 'Dicephalus Twins' na dinala sa Philipine General Hospital mula pa sa Leyte para pag-aralan ng mga doctor. Natuwa ako dahil first time kong makakita sa TV ng Dicephalus Twins. (Para sa mga hindi pa alam ang Dicephalus Twins..)Ito yung tao na dalawa ang ulo pero isa lang ang katawan.. Parang Conjoined Twins din, ang pagkakaiba lang talaga, iisa lang ang katawan nila.



Ayon sa mga doctor ng PGH na sumusuri, malaki daw ang posibilidad na mabuhay ang sanggol na 'Dicephalus Twins' kahit na isa lang ang Puso, Bato, Baga, at katawan nila. Habang pinapanood ko yung balitang yon, hindi ko maiwasang mapaisip na ang hirap siguro ng ganoong sitwasyon. Yung sa isang katawan mo e may nakikihati pang isang ulo. At saka, ang hirap non dahil sa pagsusuot lang ng damit. Nga pala, paano yon?? e iisa lang ang butas ng damit para sa ulo? E di magpapasadya pa sila ng damit na dalawa ang butas para sa ulo nila. Kaya maski papaano, nagpapasalamat ako sa diyos at hindi ako humantong sa ganong sitwasyon.


Pero alam nyo, meron pa akong isang naiisip na mahirap na kalagayan ng mga 'Dicephalus Twins' Alam nyo kung ano yon??




Paano na lang kung yung isa sa mga 'Dicephalus Twins' e bading. Tapos iisa lang ang pototoy nila? : l o l : 
Posted by YHOTSKI at 01:26 AM | Ang hindi mapakale

April 24th, 2007

Tamang Senti

"So little time
Try to understand that I'm
Trying to make a move just to stay in the game
Try to stay awake and remember my name
But everybody's changing and I don't feel the same"

-Keane Everybody's Changing








April 24, 2007


Sa mga ganitong araw ay ugali ko ng mag-review ng naging buhay ko sa loob ng isang taong nagdaan. Naging mabuting tao ba ko. Naging mabuting anak ba ko sa mga magulang ko. Naging mabuting kapatid ba ko sa mga kapatid ko. Naging mabuting kaibigan ba ko. Naging maligaya ba ako sa nakalipas na isang taon. May nagbago ba sa'ken.


Maraming nagsasabi at nakakapansin na malaki na raw ang aking pinagbago. Hindi na raw ako ung Yhotski na may pagka-maloko. Hindi na raw ako yung Yhotski na palabiro. Parang hindi na raw ako yung Yhotski na dati nilang kakilala. Pero sa tingin ko naman hindi. Ako pa rin ito. Ako pa rin yung Yhotski na may pagka-maloko. Yung palabiro. Yung simple lang na dati na nilang kakilala. At kung sa tingin nila ay malaki nga ang aking pinagbago, di ba dapat maging masaya sila para sa'ken?. Dahil nagma-matured ako. Nag-i-improved ako. Lahat naman ng tao ay pwedeng magbago. May karapatang magbago. Depende na lang sayo kung paano mo dadalhin yung pagbabago na 'yon.

Minsan, hanggang sa sandaling ito, iniisip ko na kung ano kaya't sakyan ko yung sinasabi nilang 'nagbago' na ko. Ano kaya kung sa kabila ng pagiging mabait ko sa kanila e maging bayolente naman ako at tarantado. Ano kaya kung sa pagiging simple ko ay maging mayabang na lalake naman ako. Kaya ko kayang gawin yon. Kaya ko kayang pangatawanan yon. Hindi siguro. Hindi ko kayang dayain yung sarili ko. Ako pa naman yung tipo ng tao na ipagawa mo na sa'ken ang lahat, wag lang ang manloko ng ibang tao at lokohin ang sarili ko. Kahit ano yata ang gawin ko, lalabas pa rin yung 'tunay' na ako.


Sa nakalipas na isang taon sa buhay ko, masasabi ko naman siguro na naging mabuting tao ako. Masasabi ko naman siguro na naging mabuting anak ako sa mga magulang ko. Masasabi ko naman siguro na naging mabuting kapatid ako. Kahit na kinakapos ako paminsan-minsan sa pakikisama sa ilang kaibigan, masasabi ko naman siguro na naging mabuti akong kaibigan sa kanila. Sa nakalipas na isang taon, masasabi ko naman siguro na naging masaya ako. Sa nakalipas na isang taon, masasabi ko na naman siguro na may nagbago saken.


Lumilipas ang mga panahon na hindi ko namamalayan. Basta ang alam ko lang, patuloy lang ako sa paglalakbay sa biyahe ng buhay.


Kung saan man ako agusin ng biyaheng ito balang araw,


Sana masabi nyo man lang na




"Naging kaibigan ko yang tao na yan!"










































#################################################


Kayo na sana ang bahalang umintindi sa mga kaDRAMAhan ni Yhotski. Ganyan lang talaga sya kapag malapit na ang Birthday.
Posted by YHOTSKI at 05:27 AM | Ang hindi mapakale

April 29th, 2007

The Bloomfields

"Ale, nasa langit na ba ako
Mama, kayo po ba si San Pedro
Ok lang sa akin kung ako’y dedo na
Basta’t ikaw ang lagi kong kasama
Kaya ale, nasa langit na ba ako"

-The Bloomfields Ale







Kahapon ay nilibot ko ang kahabaan ng Azcaragga. Recto para sa mas pamilyar na tawag. Wala lang kasi akong magawa sa bahay namin kaya tamang hunting ako ng mga pirated na Cd. Sa mga hindi pa nakakaalam, mahilig akong mag-collect ng mga CD. Specially, yung mga kanta. Marami-rami na rin akong nako-collect. Halos wala na ngang mapaglagyan ng iba. Sa pagha-hunting ko ng pirated na CD, may nakita akong isang magandang Cd kahapon sa Recto. Natuwa ako dahil hindi pala masasayang ang pagha-hunting kong ito.


Matagal na akong pabalik-balik sa 'Odyssey' ng Isetann para lang tingnan ang album ng bandang 'The Bloomfields'. Inaabangan kong bumaba ang presyo dahil mahal ang P300 pesos nilang CD para sa katulad kong 'small time' lang na kolektor. Isa kasi ako sa masusugid nilang tagahanga. Una kong nakilala ang Bandang The Bloomfields sa istasyon ng RJ Tv. Doon kasi sila dati madalas tumugtog. 'The Riverbs' pa lang ang pangalan ng banda nila e hinahangaan ko na ang mga tugtugin nilang binansagang "Happy Song" ng ilang kilalang mang-aawit. Hindi naman jologs sa pandinig ko ang mga tugtugin nila dahil bago ko pa marinig ang ilang kanta nila e may impluwensya na ko ng The Beatles, The Apple Band. Mga ilang Classic na kanta, at masugid din akong tagahanga ng bandang Orange & Lemons na kilalang-kilala na ngayon.


Nabili ko ang CD ng bandang The Bloomfields dito sa Recto ng halagang P25 pesos. Pirated lang kasi kaya mura. At baket naman ako bibili ng mamahalin? Ano sila bale?!


Ok naman ang mga laman. Labing pitong kanta.


Bloomfields album track listing:
1. At The Top (3:17)
2. Girl From Ipanema (2:38)
3. Alam Mo Na Yun (2:29)
4. If I Fell (2:15)
5. Ale (3:50)
6. Never Let Her Slip Away (3:11)
7. You're Gonna Lose That Girl (2:16)
8. Wala Nang Iba (2:39)
9. Wouldn't It Be Nice (2:21)
10. The Way I Care (2:49)
11. Surfer Girl (2:23)
12. Iskul Bukol (2:21)
13. Say You Do (2:04)
14. King Creole (2:17)
15. Little Honda (2:22)
16. Walk On By (2:20)
17. Please Don't Go (2:43




Karamihan sa kanta nila ay cover lang ng mga sikat dating banda at mang-aawit. Gaya na lang ng kantang If I Fell at You're Gonna Lose That Girl na alam naman nating pinasikat ito ng bandang The Beatles. Kahit na itinuturing ko silang mahusay na banda, para sa'ken e hindi pa rin naman nila napantayang awitin ang ganda ng kantang Wouldn't It Be Nice, Surfer Girl at Little Honda na pinasikat naman ng bandang The Beachboys 'nung Dekada '60. Ang Iskul Bukol naman na isa sa mga kantang nasa album nila ay kilalang sinulat at kinanta ni Joey De Leon. (sinulat nya ang kantang 'to para sa dating palabas na Iskul Bukol..) Marami pang kabilang sa album nila ang masasabi kong cover lang. Ang ilan dito ay ang kantang Ale, Never Let Her Slip Away, at ang ilan pa sa kanta nila na hindi ko alam kung sino ang mga tunay na umawit. Pero sa lahat-lahat ng kanta nila sa album, ang pinaka-paborito ko ay ang kantang 'Wala Ng Iba'. Ayos sa pandinig ko ang dating ng kantang 'to. Parang The Beatles na pinaghalong Orange & Lemons ang dating.






Wala ng Iba:
http://www.youtube.com/watch?v=YsVA-Can84k

Posted by YHOTSKI at 01:45 AM | Ang hindi mapakale