"Oh, look what you've done
You've made a fool of everyone
Oh well, it seems likes such fun
Until you lose what you had won"
-Jet Look What You've Done
Dyahe mang sabihin, pero parang gusto ko na lang mamatay. Wala akong na-watcheran ngayong Eleksyon. Paano ba naman, yung sinusuportahan kong politiko, umayaw na sa pagtakbo. Yun pa naman yung inaasahan kong wawatcheran ko ngayon. Badtrip talaga dahil kinuwa pa naman akong coordinator nung isa kong kakilala. Si Ate Osang. At ang masakit pa nito, marami na 'kong nakuwang iba pang kakilala na gusto ring mag-watcher. Inaasahan din nila yung pagkuwa ko sa kanila. Nasira tuloy yung magandang imahe ko sa mga ilang taong naka-usap ko para mag-watcher. At ang isa pang masakit nito, hindi man lang ako inabisuhan ng kumuwa saken para maging coordinator na hindi na matutuloy yung pagtakbo ng sinusuportahan naming politiko. Naka-usap ko sya kagabi. Ang sabi, sigurado "daw", sigurado "daw" Hintayin ko na lang "daw" sya sa bahay nila at sya na "daw" ang magdadala ng mga gagamitin ng mga watcher pati na rin yung paaunang bayad.
E di hinintay ko sya.
Puti na ang uwak
Itim na ang tagak
Hindi pa rin sya dumarating. Namuti na yung mata ko sa kakahintay sa kanya, hindi pa rin dumarating. Hinintay ko talaga sya hanggang alas-dos ng madaling araw. Hindi dahil sa gustong-gusto kong mag-watcher at kumita ng konting pera, kundi hinintay ko sya dahil din sa ayokong mapahiya sa ilang mga taong nagtiwala saken sa pagkuwa ko sa kanila para maging watcher.
Asar ako sa mga taong walang pagpapahalaga sa damdamin ng iba. Yung tipo ng tao na hindi iniisip yung binitiwan nilang salita. Para kasi saken, kung hindi ka sigurado sa sasabihin mo, wag kang magbibitiw ng isang pangako. Kapareho lang yon ng kung wala kang sasabihing matino e mas makakabuting wag ka na lang magsalita. Dahil kahit anong itsura mo, at katayuan sa buhay, may mga taong andyan at handang magtiwala sayo. Simple lang naman diba? Ganon lang yon..
Sa pagkakataong ito, gusto kong humingi ng dispensa sa mga taong kinumpronta ko para maging watcher. Pacencia na kung naunsyame. Ang ilan sa inyo ay nakausap ko na. Maraming salamat at naintindihan nyo ko.
Para sa ibang kwento.
Nung isang araw naman, meron pang isang politiko na humingi ng tulong sa amin ng ilang kaibigan ko. Matagal na naming tinutulungan yung politiko na yon. Simple lang naman ang pinagawa nya sa amin. Paliparin ang Saranggola na nakasulat ang pagkalaki-laki nyang pangalan. Nung una, akala ko binibiro nya lang kami.
"Adik ata to eh!!" Sa isip-isip ko.
Pero nung ibilandra nya sa amin ang isang Saranggola na kasing laki ata ng Bus, e umabot ang ngiti ko hanggang sa tenga.
"Gusto ko to!!"
"Gusto ko to!!"
Ang usapan, May 14. Ala-siyete ng umaga e kailangang nasa ere na ang nasabing Saranggola para mapansin ng ilang botante. Ako na ang unang nagprinsenta sa ilang kaibigan ko na magpapalipad.
"Magaling ako dito" Sabi ko.
Kung alam lang nila, kahit nga boka-boka e pinapatus ko, Saranggola pa kaya! Masaya na rin maski papaano. Para akong kasali sa 'Bear Brand Kite Fest'. Kahit walang tulog sanhi ng kakahintay kay Ate Osang na nangako sakeng may mawa-watcheran "daw" kame na wala namang pinatunguhan. Doon ko na lang ibinuhos sa Saranggola ang lahat ng sama ng loob ko sa naunsyameng pagwa-watcher.
Ala-sais pa lang ng umaga, nagsisimula na kong magtangtang. Potah! Ang hirap paliparin. Ang laki kasi masyado. Tapos yung hangin pa e paiba-iba ng direksyon. Sabi ko nga sa isang kaibigan ko na katulong ko sa pagpapalipad,
"Tapos na botohan, hindi pa natin to napapalipad.."
Tinawanan lang ako ng mokong at biglang hirit,
"Bakit hindi na lang natin talian ng lobo?!"
Nice Idea!!
Buti na lang at bukas ang Paras Balloon sa mga oras na yon. Nakabili kami ng pitong lobo.
Kaya yon, Sa kauna-unahang pagkakataon sa history ng mga batikang Saranggolista, e namumukadkad sa ere ang kauna-unahang Saranggola Ni Pepe na may lobo sa Ulo.
Alas-onse na ng tanghali ng maka-boto ako. Dala ang magkahalong damdamin na poot at saya.
Poot- Dahil wala akong na-watcheran
Saya- Dahil ang sarap sa pakiramdam ng makapagpalipad ng Saranggola. Parang pangarap na nagtagumpay. Yun nga lang, sa tulong ng pitong lobo.
Sa pagpunta ko sa precinto kung saan ako nararapat bumoto, nakasalubong ko pa si Kuya Dikoy na nagturo sa akin kung nasaan daw ang aming precinto. Nung marating ko na ang itinuro sakeng precinto, nakasabay ko namang bumoto yung Tatay ng isang kaibigan ko, si Kuya Alex.
Hanggang dito na lang muna siguro ang blogs kong 'to.
Inaantok na ko..