June 12th, 2007
Super Lolo
Kadalasan, si Mang Oca na may-ari ng isang maliit na sari-sari store malapit sa aming bahay ang una kong nakakabatian. Ang simple kong pagtapik sa malaki niyang tiyan ay masaya ng pambati sa umaga.
Minsan naman, mag-asawang papalabas pa lang sa aming looban ang nakakasabay kong maglakad. Doon sila banda nakatira sa lugar ng mga Ilokano. Lagi ko silang napagmamasdan. Madalas, nakapulupot yung babae sa lalake. Minsan, naka-holding hands. Ang sweet nila sobra. Kulang na nga lang e langgamin silang dalawa. Pero sa tuwing nakikita ko sila, sa palagay ko, yung babae ang nagtratrabaho. Dahil sa kanilang dalawa ay yung babae lang ang laging nakabihis pang-opisina. Ang lalaki namay naka-shorts at sando lang. Malamang ihahatid lang sa sakayan ng jeep ang kanyang maputing misis. Hindi nga ako nagkamali, nakita ko yung babae na nag-goodbye kiss sa lalake bago sumakay ng jeep.
"Anak ng bisayang daga!" Inggit ako dun ah.
Pero teka! Parang may nakikita akong mali ah. Tutal nagpapaka-sweet na rin lang yung lalake, ano ba naman yung ihatid na n'ya hanggang sa opisina ang kanyang misis para 'todo' na sa ka-sweetan diba? May pa sweet-sweet pang nalalaman 'tong lalake na 'to, ihahatid lang pala hanggang sakayan ng jeep ang kanyang misis. Hahahaha...
(Ay teka! Baket nga ba 'ko nakikiealam...)
Hahahaha...
Kapag narating ko na ang kanto, si Ton2 na nagtitinda naman ng sariwang dyaryo sa umaga ang syang makikita ko. Sa bandang harap nya ay may isang malaking rebulto ng Mahal na Poong Nazareno. At sa bandang likod nya naman ay isang kapihan na pagmamay-ari ng isang Intsik. Hindi pa nakukuwang maghilamos ng haring araw e bukas na ang kapihang ito.
Kapag umaga, sangkatutak na matatandang lalake naman ang makikita mo dito. Kung hindi lumalagok ng kapeng barako at nagbabasa ng dyaryo, nagkwekwentuhan at nagpapalitan ng kuro-kuro tungkol sa ilang politiko. Minsan naman, nirerebisa nila ang mga dati ng laban ng ating 'pambansang kamao' para lang may ma-kwento.
Pero sa lahat ng nakakasabay kong maglakad tuwing umaga, ang pinaka-paborito ko ay si Super Lolo. (Hindi sya paputok ha..) Yun lang ang bansag ko sa kanya. Isa syang matandang lalake na hindi ko kakilala dahil hindi naman sya taga-sa'men. Pero mukha syang mabait. Para nga lang syang politikong nangangampanya. Lahat ng nakakasalubong nyang tao ay binabati. Pati ako. Kulang na nga lang ay pagkaway, pangangamay, at pagsasabi ng "pakisingit na lang po ako sa inyong balota.." politikong-politiko na talaga ang dating nya.
Hindi sya papunta sa opisina para magtrabaho o sa eskwelahan para ihatid ang kanyang apo, kundi sa bakery para ibili ng mainit na pandesal at one-fourth na mantikilya ang kanyang pamilya. Nakakatuwa pa nga sya kapag dumidiga sa mga tindera ng bakery.
"Isang kilo ngang pakong bakya."
Minsan naman, tipong magtatanong muna sya.
"Magkano 'tong pandelimon 'nyo?"
Sasagot yung tindera.
"dos-isa."
Biglang hihirit si Super Lolo
"Bigyan mo nga 'ko ng Amoxicillin 500mg.."
Mapapa-ngiti ang tindera, tatawa naman pati yung bumibiling iba.
Hindi ko sigurado kung umiinom si Super Lolo ng Lysol araw-araw o ano.
Pero kapag nakakasabay ko sya sa bakery tuwing umaga,
Ang araw ko ay nagsisimula sa pagiging masaya.
