Entries for July, 2007

July 6th, 2007

Dating Kaklase

"Don't it always seem to go
That you don't know what you got 'til it's gone
They paved paradise, and put up a parking lot"

-Counting Crows(feat)Vanessa Carlton, Big Yellow Taxi









Haaaaayyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyy...




Salamat, nakapag-blogs din.. Tagal na rin akong walang post. Masyado kasi akong naging busy sa buhay ko sa labas ng Internet kaya mahabang "Haaaayyyyyy" ang simula ng entry na 'to.



Kahapon, papunta ako sa isang lugar malapit sa pinanggalingan kong eskwelahan, pababa ako ng Jeep ng bigla akong mahagip ng rumaragasang Taxi. Ga-buhok lang ang pagitan ng katawan ko sa Taxing humaharurot ng andar. Malamang nagmamadaling makakuwa ng pasahero. Sorry sa Nanay at Tatay ko pati na rin sa driver at magulang ng taxi driver na pinaulanan ko ng "Putanginamo!"




Dala lang kasi ng galit kaya hindi ko napigilang mapa-mura. Paano ba naman, nasa likod ng jeep na sinasakyan ko yung taxi na humarurot ng mabilis. At ang nakaka-asar pa non, alam nya na ngang huminto yung jeep sa unahan nya, nakuwa pang magpatakbo ng mabilis. Hindi ba sya driver? Kapag huminto ang sasakyan sa harapan mo, dalawa lang ang ibig sabihin, kung hindi bababa ang sakay, tumirik ang makina at nangangailangan ng taga-tulak. (pwede ring posporo..) Ganon lang naman diba? At ang isa pang nakaka-asar na talaga namang tinamaan ng magaling, nag-hand signal na nga ako sa kanya para malaman nya na tatawid ako, Langya! humarurot pa rin ng takbo.


Mamatay ako ng wala sa oras. Nang walang kalaban-laban. Maraming dahilan kung bakit namamatay ang isang tao. May namamatay sa malubhang sakit, may namamatay sa sakuna, may namamatay dahil sa galit ng kalikasan, may namamatay sa nag-crash na eroplano, may namamatay sa lumulubog na barko, may namamatay sa bombang itinatanim ng mga walangyang terorista, may namamatay dahil may pumapatay, at may namamatay sa sobrang katandaan. Pero kung mamamatay ako sa sagasa ng taxi, hindi ko yata mapapatawad ang aking sarili. O kung hindi man sa sagasa ng taxi, sa katangahan ng driver ng jeep na nasakyan ko na hindi muna naisip na itabi bago ako pababain. Alam ko hindi naman natin mapipili ang ating kapalaran. Lahat naman tayo ay may hangganan. At kung ano man ang dahilan ng kamatayan ng isang tao, pareho lang naman yon. Patay pa rin sya. Sabi nga ng isang kong kaklase dati nung college pa ko.

"Okey lang kung hindi mo pa oras talaga, pero kung hindi mo pa nga oras, pero lasug-lasug naman ang katawan mo, bulag ka na o di kaya e lumpo ka na, ano pang silbi mo non?"

Buti sana, kung ang magiging dahilan ng pagkamatay ko e nagpaka-bayani ako at may tinulungan akong isang tao na naholdap sa Lawton, o isang matandang ginang na masasagasaan sa kanyang pagtawid sa kakalsadahan at tinulungan ko. Tipong mga ganon. May kabuluhan.



Pero, siguro, kung meron akong taglay na kapangyarihan tulad ng kay Cris Johnson (Nicolas Cage) sa pelikulang "NEXT" Hindi siguro aabot sa puntong muntik na 'kong mahagip ng Taxi. Kung nagkakatotoo lang talaga ang lahat ng kahilingan. Isa yon sa hihilingin ko. =p





Nitong mga nakaraang buwan naman, napansin ko na nakikita at nagpaparamdam uli sa'ken yung mga dati kong naging kaklase. Nung isang araw, habang lulan ako ng pampasaherong sasakyan papuntang Cubao, nakasakay ko yung dati kong kaklase nung Grade 4 na si Jeff. Sya ang unang pumansin sa'ken sa pagtatanong ng "bayad ka na ba Julius?" Nasa bandang likod ko sya. pagitan lang namin ay isang pasahero. Hindi ko pa sya kagad nakilala dahil mukha ng tatay ang itsura nya. Natuwa ako dahil matagal na kong walang balita tungkol sa kanya. Grade 4 ko lang sya naging kaklase dahil ako ay nalagay sa section 2 at sya ay sa section 3. Mga ilang buwan lang nun ang lumipas, nabalitaan ko na ililipat na daw sya ng mga magulang nya sa ibang eskwelahan.



Tapos, nung minsang nanonood naman ako ng Eat Bulaga, nakita ko naman na isa sa mga contestant sa larong "Your On The Spot" yung kaklase ko nung Highschool na si Emerson. Tawa ako ng tawa habang pinapanood sya. Sa isip-isip ko, "Mukhang matindi ang pangangaylangan ha!" Dati kasi, sa school, hindi mo yun makikita na magtataas ng kamay para lang sumagot. Mahilig lang yon makinig at magbutas ng bangko. Pero sa TV, kaway ng kaway habang sinasabayan ng 'Pag-Tak-tak!' At sa panonood kong 'yon, nalaman ko na isa na pala syang taxi driver (hindi kaya sya yung muntik ng sumagasa saken?) Pamilyado na syang tao at may dalawa ng anak. Malaki na talaga ang pinagbago nya. Wala yatang kasing pangit yung bago kami naging magkaibigan non e muntik pa kaming magsuntukan dahil nilagyan ko ng pusa yung mga alaga nyang kalapati.



Nung minsang mag-simba naman ako, nakatabi ko yung dati ko ring kaklase sa Elementary na si Irish. Kung hindi pa inutos nung pare na magbatian kami ng "Peace be with you" e hindi ko pa sya makikita dahil nasa unahan ko sya. Nagulat pa ko dahil tumambad saken ang buntis na nyang kalagayan. Kaklase ko naman sya simula Grade 3 hanggang Grade 6 kaya ka-close ko sya. Sya ang inspirasyon ko noon sa eskwelahan. Mahirap papasukin ang paa ko sa loob ng classroom pag hindi ko sya nakikita at nakakasabay sa pila. Pero sayang, hindi nagtagal ang aming loveteam. Ewan ko ba, pero hindi talaga ako nagkalakas ng loob na ligawan sya noon. Sya kasi yung tipo ng babae na kung ituring ko e 'piso tamang barko' Alam mo yon! Yung tipong pag-napasagot mo, para kang tumaya ng piso at tumama ka ng barko. Bukod sa maganda na, mabait pa.


Pagkatapos ng misa na yon, plano ko na talagang magpaalam sa kanya, kaso naunahan nya ko ng pagsasalita.

"Kamusta ka na! Nuxx ang gwapo natin ha! At pumuti ka. Ikaw ba yan Julius?!"


Hindi pa rin sya nagbabago. Taglay nya pa rin ang pagiging bolera. Mangahas ba namang sabihan ako ng 'GWAPO'? Sasabihin ko nga sana sa kanya nung sinabihan nya ko ng 'pumuti' ka


"Talaga! Sabi nga rin ng mga barkado ko, Wow pare! Pumuputi ka a! Ang sabi ko naman e di mag Likas Papaya na rin kayo!"


Kaso lang, baka hindi nya alam yung commercial na yon sa TV dati, hindi pa sya matawa. Kaya tumahimik na lang ako at nginitian sya. Kabisado ko ang karakas nya. Kapag tipo ng pakikipag-usap nya sayo e pinupuri ka, gusto nya lang magpatianod nun ng kwentuhan. Magaling sya sa mga ganong istilo ng pakikipag-usap. At may pagka-exageration pa sya minsan at mahilig magpalawak ng sasabihin. Kung baga sa tigyawat, sa kwento nya e kaya nya itong palakihin na parang pigsa. Pero ang kagandahan lang kaya naging malapit ang loob ko sa kanya, hindi sya plastik na tao. Maboka lang talaga.

"Eto gwapo pa rin!" Lumaki na ulo ko at bigla kong nasakyan ang pagka-bolera nya.


Ang kamustahan na yon ay tumagal ng ilang oras, na nauwi sa pagkain sa isang Fast food na kung saan "Bida ang Sarap"






Hindi ko na iniisip na makikita ko pa uli ang mga dati kong naging kaklase. Mga abala na rin kasi kami sa sari-sarili naming mga buhay. Pero hindi ko rin maitatanggi na paminsan-minsan, sinasamsam ko pa rin ang aming mga gunita.





Kung maibabalik ko lang talaga ang nakalipas.



Posted by YHOTSKI at 01:13 AM | Ang hindi mapakale

July 27th, 2007

Meron Na

"Its a new day, for you and me
(Its a new day for you and for me)
Its a new day, so come and love me"

-Orange & Lemons A New Day







Ang dating wala kay Yhotski, ngayon ay meron na. Ngayon ay masasabi nya na ang sarap pala ng pakiramdam kapag pinaghirapan ang isang bagay na napunta sa’yo. Yung tipong sa kabila ng paghihirap mo kakahanap sa kung saan-saan e darating na lang bigla ng hindi mo inaasahan.



Ang tinutukoy nya ay trabaho.



Matapos ang mahigit isang taong pagtambay, pagpupuyat ng walang katuturan para lang sumulat ng kung ano-ano, ngayon ay pakiramdam nya, isa na sya uling normal na tao. Gumigising ng maaga para pumasok sa opisina. Wala yatang kasing hirap noon yung mga araw na halos masuka-suka na sya sa ginagawa nyang pagpapasarap buhay at sa job-hunting. Paikot-ikot sa kagubatan ng Ortigas, Makati at Quezon City para sa mga job interview.



Sa kasalukuyan, mag-iisang buwan na si Yhotski sa kanyang bagong trabaho. Kung saan ang full time job nya ay sumakay sa magic carpet ride ng kanyang chinoy na amo. Pero namimiss nya pa rin ang dati nyang mga katrabaho.



Ang pagsakay sa L300 ni Kuya Eddie na ang istasyon ng radio ay laging nasa Tulfo Brothers. Ang makapigil hiningang pagmamaneho ni Jumie na hindi mo alam kung mamamatay ka na o makakasagasa ng tao. “Extremeee..” Ang kakaibang tawa at madalas na pagsasabi ng isa pa dating driver na kasama nya ng “Eto talaga si Yuyot, kahit kalian maharut.” Ang kasama nyang napagalitan ni boss ng minsang nahuli silang natutulog sa L300 kahit na ala-una na nun ng hapon, tumunog na ang sirena sa EEI pero hindi pa rin sila umaakyat sa MIS, si Kuya Rey. Ang makwento at laging may baong pandesal tuwing umaga na si Edmund. “Edmund, penge isa ha!.” Ang suki sa sermon ni boss, si Ate Fely. Ang hindi nya makakalimutang boses ni Sir Henry, “Juliut, tawag mo nga sa loob si Olivel” Si Ate Divine na lagi syang nililibre ng meryenda. Ang una nyang nakasundo sa office na madalas mong makikita na nagbabasa sa site na PACKLAND.COM, si Sire Fred. Ang laging nag-iinstalled ng Bluetooth sa computer, si Rusty. Ang malakas na sigaw ni Ate Lucille. Ang madalas na pagsasabi ng kanyang dating amo ng “Ang galing ko noh?” Isama mo pa ang madalas nya ring pagkamot ng ulo kasabay ang pagkagat ng kuko. Ang nabuong pagkakaibigan ni Sir Joel at Sir Fred dahil sa pagbabasa ng ‘Philstar’ sa Internet tuwing umaga. Ang tunong ng dot-matrix na printer na madalas gawin ni Sir Joel, na madalas namang masira ni Ate Fely. Ang masarap na ulam kina Ate Irene at masarap na laeng kina Ate Beth tuwing tanghalian. Ang masarap na pandesal sa Matimyas tuwing hapon. Ang maiwan sa office (in-house) at hindi bumyahe. (haaay, sarap!!) Ang pagsakay sa FX at pagbaba sa tapat ng UDMC tuwing umaga. Ang pagtawid sa kalsada ng Welcome Rotonda tuwing uuwi na.



Kung ano man ang nalalaman ni Yhotksi sa larangan ng computer, utang na loob nya yon lahat sa matalik nyang kaibigan na si Oliver Saclay at sa isa pang kaibigan na Benedict Benegay ang pangalan.



Muli, nagpapasalamat sya sa mga taong kanyang binanggit.










Posted by YHOTSKI at 05:04 AM | Ang hindi mapakale

July 29th, 2007

Daga!

"Kabilang ako sa paraiso mo:
magarang mansion, may sandosenang tsikot
malusog at masayang pamilya,
at kusinang namumuwalan sa tsibog.
Makikiamot lang naman
sa biyayang tinatamasa mo.
(Sa masama o sa mabuti man galing
hindi kita huhusgahan.
Hindi ba’t para mo na rin
akong amigo?)
Maanong hayaang simutin ko
ang mga mumo at simi
sa lababo, o kahit na ang pagpag
ng maselan mong pusa at aso.
Huwag marimarim kung makita
akong naglulunoy sa kristal
mong swimingpul; hindi sinasadya,
nadulas nang minsang manalamin
at nabighani sa ngusong balahibuin.
Bakit magdedeklara ng digma?
Ituring na salot ang kaliitan?
Ipahuli sa pulis na pusa,
ipalasog sa de-kesong bitag,
patikimin ng makapunit-bitukang lason,
o pasinghutin ng nakaduduwal na gas?
Kay-lupit mo, hari ng mundo.
Pero hindi bale, sa lungga ko,
may sandosenang mamula-mula
nakapikit pang mga bubuwit
na laging handang makihati
sa malawak mong paraiso."

-Romulo P. Baquiran






Sa pagkakataong ito, hinihiram ko muna ang magandang tula na nabasa mo sa itaas para sa blog entry kong ‘to. Malaki kasi ang kinalaman nya sa susunod kong ikwekwento.


Sa dinami-nami yata ng opisina sa buong mundo, sa opisinang pinapasukan ko lang ata ang kakaiba. Paano ba naman, may dagang pagala-gala ngayon dito. Itsurang dagang matanda na, parang babawian na ng buhay. Nakakalbo na ang balahibo at uugod-ugod ng maglakad. Hindi namin alam kung saan nanggaling. Malamang naka-pasok ng hindi namin nalalaman. Ang nakakatawa pa, doon napunta sa ilalim ng lamesa ng isang sekretarya namin. Haha.. E nung bago pa mapunta sa ilalim ng lamesa nya, hindi nya pa alam talaga, nung masipa nya lang tsaka nya nalamang daga. Haha.. Nagtitili sa takot, tawa kami ng tawa.


Sabi nung isa kong bagong katrabaho, weird daw ako. Paano ba naman daw kasi, hindi daw ako natutulog pag breaktime. Yung pagkatapos magtanghalian. Lahat kasi sila tulog kapag ganong oras, ako lang ang hindi. Weird na ba ang isang tao kapag hindi natutulog ng tanghali? E sa hindi ko naka-ugalian yung ganon e. Anong magagawa nila. At ayaw ko rin naman talagang matulog ng ganong oras. Mapuputol din kasi. Ayaw ko nung nabibitin ng tulog.


Nga pala, may katrabaho akong pinagduduhan ko ang kasarian. Sabihin nyo nang masama ako. Paano ba naman kasi, kung maglakad, straight body. Tapos, nung nakita ko yung screen saver ng cellphone nya, Picture ni Batista. At hindi lang yon, sa tuwing nagpapatugtog ako dito sa opisina, lagi nya kong kinokontra. Pinapatay nya yung mga trip kong kanta at pinapalitan nya ng mga kanta ni Mariah Carey at Whitner Houston. My God! Bading kaya sya tlga? Sana mali ako ng hinala. Kinakabahan kasi ako talaga sa kanya e..


Meron nga pa lang isang kliyente namin ang natuwa saken kahapon. Binigyan ako ng pabango na Eternity. Kasing laki ng mga binebenta sa Prescripto. Pero mukhang mamahalin, at wala pa talagang bawas. Sabi ko nga sa kanya nung binigyan nya ko, “Mabaho ba ko mam?” Pero biglang tumawa at humirit ng “Hindi, natutuwa lang ako sa’yo.” Nakkzz.. Sarap naman nito matuwa. Sinosoli ko nga dahil nakakahiya naman. Malayo pa naman ang Pasko. At isa pa, hindi naman ako nagpapabango. Pero dahil sa pinagpipilitan nya sa’ken yung pabango, tinanggap ko na rin. Ang hirap nito, mapipilitan tuloy akong magpabango. Samantalang wala naman akong ibang ginawa sa computer nya kundi pinalitan ko lang ng Floopy Drive. Haaayyy.. Kapag sinuswerte ka nga naman oh..


Naasar ako ngayon sa sarili ko. Hindi ko kasi makuwanan ng oras ang sarili ko para makapag-sulat ng matinong artikle. (Kung may matino nga ‘kong artikle. Hehehe) Nahihirapan talaga ako ngayong humanap ng oras. Madalas kasi, pagkadating ko dito sa bahay galing trabaho e pagod na ko at mas gusto ko na lang matulog. Masyado na talagang kinakain ang oras ko ng trabaho. At may mga tao ng nasasagasaan. Yung mga kaibigan ko nga, madaling araw ko na lang nakikita. Yung mga pamangkin ko naman, hindi ko na naabutang gising. Paano, pag-aalis ako, mga tulog pa sila, ganon din kapag darating ako. Nakakaasar dahil yun ang paborito kong ginagawa bukod sa pagkain ng pandesal. Ang magsulat ng artikle. Kahit nga makapag-blogs lang, hindi ko nagawa nitong mga nakaraang linggo. Sayang! Hindi ko naisulat yung naki-gimik ako sa ilang Tristanian sa Metrowalk nung nakaraang-nakaraang linggo. Busy kasi e. Pero seryoso, sumayaw ako nun.. hehehe.. May mga nasimulan na kong artikle. Yung isa pinagpa-planuhan kong lagyan ng pamagat na “Time Card” Medyo mahaba na rin yon. Pero plano ko pang pagandahin. Tapos meron pang isa, ito naman natambak na talaga sa drawer ko.. Tungkol naman 'to sa mga librong binabasa ko. Kapag matino na talaga ang schedule ko, tatapusin ko na sila, Promise. Pero bago ko tapusin yon, uunahin ko muna ngayon yung pinapagawang tag ni Monica. Sabi ko sa kanya, sa isang linggo, maipapasa ko na, pero ngayon linggo na, wala pa kong naipapasa.. Sorry Monica. gagawa talaga kita. (wag ka ng magalit sa’ken..)


Meron nga pala akong gustong kamustahing babae sa Friendster ko. Namimiss ko na kasi sya e.. Hindi ko lang pinapahalata. Pero, hindi na kasi ako pinapansin nung taong yon. Hindi ko naman alam ang dahilan. Galit kaya sya o busy lang.. sana yung pangalawa ang sagot. Kapag nagse-send naman ako ng message, hindi nya nirereplyan. Kung mababasa nya ‘to, alam nya, sya ang tinutukoy ko. Pipigilan ko na nga lang ang nangangating kamay ko para hindi mapindot ang ‘send message’ sa profile nya.









Ang bilis ng araw, lunes na naman bukas. Pero okey lang, malapit na sahod.. Yahuuu!! : l o l : 
Posted by YHOTSKI at 09:23 AM | Ang hindi mapakale