Entries for November, 2007

November 17th, 2007

Ipis Mas May Isip

"Goodnight, goodnight
You're embarrassing me
You're embarrassing you
So goodnight, goodnight
Walk away from the door
Walk away from my life
So Goodnight"

-Hot Hot Heat, Goodnight Goodnight







Kung hindi mo kursunada ang kanta, kailangan mo ba talagang manghusga?



Kung hindi mo trip ang aking musika, pwede ka namang magtakip ng tenga diba?



Pero bakit mo kailangang burahin pa ang aking folder ng kanta sa desktop ng computer?




Naasar ako, may mabait na katrabaho ko ang nagbura ng mga folder ng kanta ko para lang isulong ang kanyang sariling interest sa harap ng computer at malakas na tunog ng speaker. Ni walang pasabi-sabi, ni walang abiso sa’ken, basta lang binura. Buti sana kung madaling i-download ang mga kanta na yon. HINDI e! Naiisip nya kaya yung mga araw na halos nangungupit ako ng oras sa trabaho para lang isa-isang i-download ang mga kantang yon sa Bearshare? Naiisip nya kaya, na yung ilan doon e niripped ko pa mula sa CD para lang mailagay sa desktop? Arrggghhh..




Kilala ko kung sino sa katrabaho ko ang nang-hudas sa folder ng kanta ko. Kahit kaylan talaga, hindi na kami nagka-sundo. Kahit na sa anong bagay. Kung naiimagine mo nga ang aming relasyon, para kaming magsyota na laging nag-aaway.



Kailangang magkaroon ng hustisya ang pagkawala ng folder ng kanta ko.



Kailangan. Kailangan.. Arrggghhh!!!






Tuwing aalis ako ng bahay para pumasok sa trabaho, lagi kong bitbit ang loyal ko sa’king mp4. (wala akong pambili ng iPod) Dito nakaload ang one fourth ng music library sa utak ko. Makakalimutan ko ang ID ko sa trabaho. Makakalimutan ko ang screwdriver na madalas kong karamay sa paggawa ng computer, at makakaligtaan ko ang baon kong pera pambili ng pagkain para mabuhay ng pansamantala, pero ang loyal kong mp4, Hindi. Para syang matalik kong kaibigan na di ko pwedeng iwan.




Sa totoo lang, masarap ang may dalang music player. Imaginin mo na lang, nakasakay ka ng LRT1 tapos pinakikinggan mo ang kanta ng The Beatles na “Something” O di kaya e naririnig mo yung boses ni John Lenon habang kumakanta ng “Woman”. O kung nasa-FX ka naman tapos pinakikinggan mo yung kanta ng Orange & Lemons na “Its About Time”

Talagang mare-relax ka diba? Imaginin mo, naglalakad ka sa kahabaan ng Taft, tapos pinakikinggan mo yung kanta ng Toploader na “Dancing In The Moonlight” Malamang pagtawid mo sa kalsada e masagasaan ka dahil nagsasayaw ka. Hahaha!! Idagdag mo pa sa pakikinig ang kanta ng mga sikat na banda gaya ng Hot Hot Heat, Jet, Phoenix, Snow Patrol, Aqualung, Razorlight, Coldplay, Maroon 5, at Keane.




Haaaaay. Sarap talaga ng may mp4.







Naranasan mo na ba yung may gagawin ka. Pero nakalimutan mo
kung ano yung gagawin mo? Yung pinagsisigawan ng utak mo na “may gagawin ka!” Pero nakalimutan mo kung ano yon. Ako, ilang beses na nangyayare saken ‘to. Yung bigla-bigla e napapahinto ako at nakakalimutan ko yung gagawin ko. Kung hindi ko pa makikita o maririnig kung ano yung gagawin ko, hindi ko pa maaalala. Kanina nga, kung di pa dumapo yung ipis na lumilipad sa sapatos ko, hindi ko maaalala na maglalaba pala ako ng sapatos. O siguro marami lang akong iniisip kaya ganito. Haaaay







Hindi ko alam kung anong gustong ipahiwatig saken ng mga pagkakataon na ‘to. Nung isang araw kasi, sakay ako ng LRT1 ng may makasakay akong isang pasaherong pilay. Tipong kailangan nya pa talagang gumamit ng saklay para lang makalakad ng matino. Nung una, hindi ko pa sya napansin dahil nagsisiksikan kami lahat sa loob ng LRT1. Sa sobrang sikip nga sa loob, bukod sa nagpapalitan na kami ng amoy, hindi ko pa alam kung may nagbubukas na ng zipper ng bag ko o dinudukutan na ko.


Kahapon naman, dalawang costumer namin ang may bali sa kamay. Yung may semento? Oo! Ganon na ganon. At pareho silang sa kanang kamay ang tama. Yung isa nga lang medyo hindi ko trip tingnan. Paano kasi, kadiri. May nakalabas na bakal yung sa bali nya. Yung parang antenna na nilalagay sa bubungan ng bahay? Ganon. Eeewww!!


Tapos nung isang-isang-isang-isang araw, (matagal na kasi yon) nanonood ako ng TV ng ibalita sa TV Patrol World na may isang batang dose anyos na nagngangalang Marianete Amper, taga Davao City ang nagpakamatay sa sobrang kahirapan. Langya! Minsanan na nga lang ako ngayon nakakapanoond ng TV, ganitong balita pa ang sasalubong saken.



Pero seryoso, nahabag talaga ako ng husto doon sa napanood kong batang nagpakamatay. Lalo na nung malamang isa sa mga dahilan ng kanyang pagpapakamatay e wala lang maibigay na pera pambaon sa eskwela ang kanyang mga magulang na laging nag-aaway.



Mahirap maging mahirap. At sa tingin ko may mali talaga kapag pera na ang nagdidikta sa buhay ng isang tao. Buhay nga naman.




Minsan na kong nahabag sa isang balita. Medyo mga ilang linggo na rin ang nakakalipas ng mabalitaan ko naman na naaksidente ang isa sa mga hinahangaan kong abugado sa Pilipinas na si Atty Rene Saguisag kasama ang kanyang asawa at driver. Kung hindi mo sya kilala, Dati syang Senador at naging abugado ni Erap. Yung nangyare naman sa kanya e car accident. Ang malungkot lang nun, habang sya ay lantang gulay at kasalukuyang nagpapagaling sa Ospital, hindi nya pa alam (at hindi pa pinapaalam sa kanya ng mga doktor) na ang kanyang asawa ay hindi nakaligtas sa nasabing sakuna.



Ayoko na ngang ituloy yung kwento, nalulungkot lang ako.





Tungkol naman sa seryosong bagay, Sinabi sa’ken ng OIC namin na sa katapusan daw ng buwan na ito ay regular na ko.. Yihaa… Sa wakas, mararanasan ko na rin ang pakiramdam ng isang regular na empleyado. Pero sa isang banda, sayang din dahil hindi na naman ako magtatagal dito sa trabahong pinapasukan ko. May plano na rin kasi akong mag-resign sa Enero. Sa maraming dahilan na hindi ko na kayang ipaalam.






Tingnan mo nga naman, napahaba na tuloy tong pagba-blogs ko. Napaghahalata tuloy na masyado na kong busy sa buhay ko sa labas ng Internet. Kaya ngayon na lang uli ako nakapag-blogs. Hehe..





Tama na muna ‘to. Kanina pa kasi ako tinatanong ng mamang bantay dito sa computer shop kung mag-eextend daw ako. Sabi ko naman, "la-log-out ko lang ‘tong Friendster ko." Pero ang totoo, kanina pa naka-log-out, Tinatapos ko lang tong post ko. : l o l : 












Posted by YHOTSKI at 08:37 AM | 1 Ang hindi mapakale

November 27th, 2007

Yari Ka!

"Cause, She's so high, high above me. She's so lovely
She's so high, like Cleopatra, Joan of Ark or Aphrodite
She's so high, high above me"

-Tal Bachman, She's So High









Kailangan ko talaga tong ma-blog. Kakaiba tong karanasan na ‘to saken.




Yung nangyare saken kagabi sa loob ng jeep habang papauwi na ko ang isa na siguro sa hindi ko makakalimutan.



Ganito kasi yon.




Papauwi na ako nun. Nakasakay ako sa isang jeep. Mga bandang ala-una na yata nun ng madaling araw. Apat kaming pasahero sa loob ng jeep. Bale anim kung isasama mo sa bilang yung driver pati na rin yung kasama nung driver. Apat kaming nandoon sa likod. Ako. Yung dalawang mag-asawa (ata) pati na rin yung isang babaeng mukhang may sariling mundo. Dapat sa harap talaga ako sasakay, pero yung katulong ng driver na syang taga-abot at taga-sukli sa mga bayad ng pasahero doon ako itinuro sa likod para sumakay. Syempre sinunod ko. (e kung hindi ako pasakayin?) hehe..


Sa pagsakay ko sa jeep nung madaling araw na yon, yung isang babaeng kaharap ko na mukhang may sariling mundo ang umagaw sa buong atensyon ko. Matandang babae na sya. Kung hindi ako nagkakamali, naglalaro sa 50+ ang edad nya. Madusing at mukhang lukaret. Hindi kasi sya mapakali at kaming mga kasakay nya sa jeep e tinitingnan. Yung driver. Yung kasama nung driver. Yung dalawang mag-asawa (ata)Pati ako, pinandidilatan nya. Kung kumilos pa sya parang bata. Retarded. Magaslaw. Kakaiba.



Habang umaandar yung jeep.



“Bayad po!” Sabi ko sabay abot ng bayad.



Yung babaeng mukhang may sariling mundo. Nagmamadaling abutin yung bayad ko. Nginitian nya pa ko nung iabot ko yung bayad ko sa kanya para ibigay nya naman sa katulong ng driver.


Sampung piso ang pera kong inabot. Nwebe pesos lang ang bayad sa pamasahe simula Vito Cruz hanggang sa bababaan ko.



“Ito yung sa sampung piso” Sabi ng katulong ng driver, sabay usli ng mahaba nyang kamay.



Itong weirdang babae, Sya ang kumuha ng sukli ko. Inunahan nya pa ko sa pagkuwa samantalang kaya ko namang abutin yun dahil pareho lang kaming nasa bandang likod nung driver. At saken naman talagang sukli yon.



Nung hawak na nya yung sukli ko, bigla syang humirit sa harap ko ng malambing na tinig. “Ito na yung sukli mo oh” Shit! Praning talaga tong babaeng to. Sa isip-isip ko. E di inabot ko naman. (ng walang halong pagpapa-cute)



Pasimple ko syang pinagmamasdan habang umaandar yung jeep. Kunwari sa bintana lang ako nakatingin pero nahahagip sya ng paningin ko sa gilid ng aking mata. Sa akin lang sya nakatingin. Pinandidilatan ako. May mga oras na talagang tinitingnan ko sya para kunwari e hindi ako natatakot sa kanya. Pero yun yung mga oras din na alam kong hindi sya nakatingin saken. Minsan, bigla syang magsasalita ng mahina. Pero kung ano-anong sinasabi. Para talaga syang may kausap. (lukaret nga talaga) E di nagsimula ng magtakbuhan yung mga daga sa dibdib ko. Potek! Isipin mo may kasakay kang baliw sa loob ng jeep ng dis-oras ng gabi. Sino bang hindi matatakot non. May mga pagkakataon na hindi talaga sya mapakali. Magsasalita sya. Bubuksan yung bag nyang itim. Kakalikutin na kala mo e may naiwang gamit. Maya-maya, titingin sya sa kawalan. Tapos pasimpleng tatawa. Pandidilatan kaming tatlo sa likod. Tapos sa dalawang nasa harap naman mababaling ang tingnan nya. Maya-maya magsasalita na namang mag-isa.(pero mahina lang) Tapos kalikot na naman sa bag nya. Ganon. Paulit-ulit.


Simula Vito Cruz hanggang United Nations (UN) ganon ang nakikita kong ginagawa nya. Nagtitinginan na nga kami ng kasakay kong mukhang mag-asawa (ata) sa kakaibang kilos ng isang kasakay naming babae. Pero ito ang pinaka-matinding nangyare nung gabing yon sa loob ng jeep na sinasakyan naming apat.



Yung babaeng may kililing nga sa utak, tumitig ng matagal saken. E napatingin din ako sa kanya.(pero may halong kaba) Nagbanggaan yung mga tinginan namin. Tapos nakita ko na parang nag-blush sya. Maya-maya, may bigla na naman syang kinalikot sa bag nya. Mga ilang minuto, biglang nagsalita tong babaeng may kakaibang kilos.



“Kalbo!” “Kalbo!” Pero hindi ko sya pinapansin. Sanay na ko ng tinutukso ng kalbo.



“Ikaw ba si bamboo?”



Hindi ako nakatingin pero sa tingin ko, ako ang kinakausap nya.


Nung tumingin ako sa kanya, tumpak! Ako nga yung tinatanong nya.



“Ikaw ba si bamboo?” Ulit nya.



Ako naman nung mga sandaling yon, hindi alam ang gagawin. Sasagutin ko ba yung tanong nya? Magkukunwaring ba 'kong walang narinig? O sasabihn ko na hindi ako si Bamboo. Ako si Baby Ama. Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Napapraning na kasi ako sa takot nun e, hindi ko lang pinapahalata. Sobrang hinihiling ko na nung mga sandaling yon na sana makarating na ko sa aking bababaan. Mahirap na! Kapag ang baliw kasi, may ginawang masama sayo. Halimbawa, bigla kang sinaksak. O bigla kang kinagat sa tenga, wala kang palag pagdating sa himpilan ng pulisya. Kasi nga, may problema sya sa pag-iisip. Hindi katulad ng normal na tao na kapag may ginawang masama sayo, kahit makipag-palitan ka ng mukha sa pakikipag-suntukan, may magiging dahilan ka.


Langya! Bamboo? Ako? Kailan pa? Dahil siguro sa kalbo ako kaya nya naisip na ako si Bamboo.


Kung meron mang isang salita na gustong lumabas sa bibig ko ng mga oras na yon ay walang iba kundi “Para!”



Kumanta sya na parang nang-aasar.



“Habang may tatsulok, At sila ang nasa tuktok..”




Nakatingin saken. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa utak ng babaeng lukaret nasa harap ko. Maya-maya pabulong syang nagsalita. Kung ano-anong sinasabi. Tapos nagtanong saken. (pramis! Totoo tong kwento na ‘to..)



“Si bamboo din ba kumanta ng Pinoy Ako?”



Hindi ko sya pinapansin. Pinapanalangin ko na kasi nung mga sandaling yon na makarating na yung jeep na sinasakyan namin sa bababaan ko. At isa pa, pasimple ko na rin kasing hinahanap yung hidden camera ng BFV nung mga oras na yon. Pinagmamasdan isa-isa yung mukha ng mga kasakay ko kung may kahawig si Michael V. At hinihintay ko na lang kung sino sa kanila ang magsasabi saken ng




“YARI KA!!”



Pero wala. Walang ibang nagsasalita. Patuloy lang sa pagtakbo yung jeep. Walang pakielam yung driver sa nangyayare sa'ken sa likod. Bigo ang mapaglaro kung utak. Nag-iilusyon lang pala akong makita sa TV ang aking mukha at mabiktma sa 'Bitoy’s Funniest Video'



“Pa-kiss naman?!” Sabi saken ng babaeng may tililing sa utak.



Doon talaga tuluyang bumilis ang tibok ng puso ko. Di na kinaya ng powers ko ang kapraningan nya. Hindi na lang ako basta kinakabahan nun at natatakot. Feeling ko, nagdi-driball na si Allen Iverson sa ibabaw ng dibdib ko.



Sa sobrang takot. Ang nasagot ko sa kanya.



“Hindi pwede, magagalit girlfrend ko!” (kahit na wala naman talaga akong girlfriend.)




Nasa tapat palang ng Manila City Hall yung jeep na sinasakyan namin, kinatok ko na kagad yung kisame ng jeep. Sabay sabi ng malakas.








“PARAA!!!!”










Posted by YHOTSKI at 10:55 AM | Ang hindi mapakale