Entries for March, 2008

March 9th, 2008

Trip To Banaue

"I’ll pick you like an eternal jigsaw puzzle
I could never quite figure out
Even though it take me years to write
A decent song I’ll figure it out
That’s how I love you
That’s how I love you"

-Orange & Lemons, Ode To Love








March 7, 2008







Pagkatapos kong magmeryenda kanina, dumiretso ako sa Autobus Transport System, Inc. Sa may bandang Loyola Street Corner F. Cayco Sampaloc Manila. (halata bang kinopya ko lang yung address sa ticket?) hehe.. At kung baket ako dumiretso doon e para bumili ng ticket papuntang Banaue Rice Terraces.



Tama ang inyong iniisip, magbabakasyon ako doon sa darating na mahal na araw kasama ang kapitbahay naming Photographer na si Mang Tony. Sya ang nagtulak saken para magbakasyon doon. Kundi dahil sa paanyaya nya, malamang, hindi ko maiisipan na magbakasyon doon. At dahil sagot nya naman ang pamasahe ko pabalik, hotel na matutulugan, kinagat ko na rin ang pagsasabi nya ng “Ano sama ka?” Medyo maliit lang ang makakaltas sa pobreng bulsa ko, ba! Tatanggi pa ba ko?! Hehe At isa pa, grade 2 pa lang ako, pangarap ko na talagang makarating doon. Syempre, hindi ko na pinag-isipan yung isasagot ko sa tanong nya, isang mabilis na “Oo ba!” kagad ang sinagot ko. (mahirap na, baka magbago pa isip eh!) hehe..




Narating ko naman ang Autobus Transport System Inc ng mga bandang alas kwatro y medya ng hapon. Pagkarating doon, ngiting pustiso ng gwardya kagad ang sumalubong saken.



“Ano pong kailangan nila sir!” Mapang-urirat nyang tanong saken.




“Saan po ba dito yung bilihan ng ticket?” Sagot ko naman sa tanong nya.




Parang mali ang sagot ko. Dapat kasi ang sinasagot sa mga ganoong tanong e kung ano ang kailangan, dahil kung mapapansin mo, sinagot ko ng tanong ang tanong nya. Pero pwede na yon dahil itinuro nya naman saken kung saan doon ang bilihan ng ticket.



Pagkarating sa bilihan ng ticket, sabi naman ng mama na naka-upo sa harap ng salaming may dalawang butas (parang yung sa mga tayaan ng Lotto.) na humahati sa pagitan naming dalawa ay hintayin ko raw yung babaeng Raquel ang pangalan. Sya daw kasi yung talagang nagbebenta ng mga ticket doon at umalis lang daw sandali para bumili ng meryenda. Gusto ko sanang tanungin yung mama kung ano sya doon, kaso baka iba ang maging dating sa kanya ng pagtatanong kong yon e mainsulto pa, kaya naghintay na lang ako.



Para paikliin ang kwento,





Nangyare naman ang gusto kong mangyare. Nung dumating ang babaeng hinihintay ko na ang pangalan ay Raquel, tinanong nya muna ko kung ako daw yung kapitbahay ni Mang. Tony, nang sabihin ko na ako nga, ngiti ang una nyang sinagot saken at dinugtungan ng



“Itinawag na ‘to saken ni Mang. Tony, swerte mo dahil isang ticket na lang talaga ang natitira na biyaheng Banaue”




Pagka-abot nya saken ng ticket, dagdag nya pang tanong kung tatay ko raw ba si Mang. Tony, sabi ko hindi, kapitbahay lang. Sabay abot sa kanya ng P420. Ibinalik nya naman saken ang sukli kong apat na piso.



Nasabi ko na bang tatlong araw kaming magbabakasyon doon sa Banaue Rice Terraces? Oo, tatlong araw daw sabi saken ni Mang. Tony, para daw sulit at marami silang makuwanan ng mga kasama nya ring Photographer. Sulit talaga!


Ayon sa ticket na binayaran ko, ang biyahe namin ay March 19 ng gabi. 10:45PM ang alis ng Bus pero kailangang alas-diyes pa lang e nandoon na kami. At seat number 43 ako sa Bus. At mali yung spelling ng nakasulat na “Banaue” sa ticket ko dahil ang nakalagay ay “Bahnawe” hehe..




March 7 pa lang ngayon pero excited na kong pumunta doon. Ni hindi na nga ako magkanda-ugaga sa kakaisip kung ano-anong dadalhin ko. (Pasensya na, first time lang kasi ni Yhotski mapapadpad sa magandang lugar na yon.) hehe



Gaano kaya kaganda ang Banaue Rice Terraces.



Mas maganda kaya sa personal kaysa sa mga larawan.



Malamig at masarap kaya talaga ang simoy ng hangin doon.



O baka naman parang Maynila lang na laging amoy lansangan.



Ano-ano kaya ang mga makikita ko sa lugar na yon.



Ilang Igorot kaya ang mapi-piktyuran ko doon.



Pero meron isang sigurado akong maraming makikita doon




Pwet. Hahaha..







Sabi ko sa sarili ko habang naglalakad papauwi dala-dala ang ticket na bagong bili papuntang Banaue Rice Terraces, kapag nakarating ako doon, kumbaga sa palabas na The Buckle List, sa tingin ko, pwede ko ng burahin ang isa sa mga pangarap ko sa buhay. Dahil natupad na 'to.







Hi nga pala kay Lovely Rena Golle. *Blush*








Posted by YHOTSKI at 08:32 AM | 1 Ang hindi mapakale

March 23rd, 2008

Trip To Banaue (Part - 2)

"No comic books.
No ugly looks.
No flaming tree.
Oh man, I need some more.
Need some more."

-Eraserheads, Julie Tearjerky












March 19, 2008




Bale, mga alas-onse y media na rin kami ng gabi nakaalis dito sa maynila papuntang Banaue. Hindi rin nasunod yung nakalagay sa ticket na 10:45 dahil hindi maganda ang sistema ng mga namamahala ng Autobus kaya maraming naging aberya bago kami nakalarga. Wala yatang kasing pangit yung may apat na pasahero ang pinatayo ng kundoktor dahil maling bus number ang nasakyan nila.




Siyam na oras ang biyahe papuntang Banaue, talagang tagtag at lamog na lamog yung pwet ko nung tumatakbo yung bus na sinasakyan namin. Sa siyam na oras na yon na byahe namin, sampung minuto na idlip lang ata ang nagawa ko. Hindi kasi ako sanay matulog na hindi nakaunat ang mga paa kaya hirap na hirap ako. Samahan pa ng katabing madaldal na mahilig mag-english pero nung nakatulog na sya, langya! Ang lakas maghilik. Yung dala kong apat na libro naman sa malaking bag ko e hindi ko nagalaw dahil pinapatay pala yung ilaw sa loob ng bus bilang paggalang sa mga gustong matulog. Sa madaling salita, bored ako nung mga oras na yon habang tumatakbo yung bus. Ang tanging sumagip lang sa pagkaburyong ko nung gabing yon e ang aking mapagmahal na mp4, pero saglit lang ang hatid nyang ligaya, kumbaga, panandaliang aliw lang. hindi ko kasi na-charge ng matagal bago kami umalis kaya maagang naubusan ng baterya.






March 20, 2008



Pagka-hinto ng bus na sinasakyan namin, may isang babae na umakyat at biglang nagsalita gamit ang kanyang boses na nakatodo ang level. Isang masarap na sensasyon na pumapasok sa aking mga tenga ang lumabas na mga salita sa bibig nya. Dinig na dinig ko. Parang cottonbuds na dahan-dahang kumikiliti sa aking tutule.




“Good Morning to all of you! Welcome to the 8th Wonder Of The World, Banaue Rice Terraces.”





Mga alas nuebe na rin kami nakarating sa Banaue. Pagkadating namin sa loob ng Hotel na aming tutulugan ng tatlong araw, (wow! Sosyal, pahotel-hotel na lang ako ngayon. Hehe.. ) nagkayayaan kumain ng agahan. Saglit na kain lang ang nangyare. Karamihan kasi e atat ng kumuwa ng larawan at gusto ng masaksihan ang magandang tanawing dala ng binansagang 8th Wonder Of The World, ang Banaue Rice Terraces. Matapos kaming kumain ng agahan, mga ilang minuto lang ang pahinga, diretso na kagad sa sasakyan na inarkila para ihatid kami sa view point ng Banaue Rice Terraces. Nang masaksihan nang personal ng aking mga mata ang ganda at masarap na simoy ng hanging hatid ng Banaue Rice Terraces, ito ang salitang biglang nasabi ko ng pabulong.



“Putang-ina, ang ganda!”




Iba pala ang itsura ng Banaue Rice Terraces na makikita mo sa larawan lang kumpara sa nakikita mo na talaga ng harapan gamit ang iyong dalawang mata. Kumbaga sa artista, mas maganda sa personal. Akma ang lugar para sa mga artist na mahilig magpinta, mahilig kumuwa ng larawan, mahilig magsulat ng mga libro, kung ano-anong kwento, at sa mga magkakasintahan na ninanamnam maiigi ang pag-iibigan nila. Sana balang araw, madala ko dito yung magiging girlfriend ko. Sulit talaga ang pagpunta ko doon. Napawi ang hang-over ng pagod ko. Bigla akong sumigla kahit na kanina e gusto ko ng matulog pagkatapos naming kumain ng agahan. Kaya ang mga sumunod na nangyare, naghanap-hanap na lang ako ng magandang pwedeng kuwunan gamit ang dala kong digicam na hiniram lang. hehe.




Bago pa talunin ng makakapal na ulap ang nakakapasong sikat ng araw na tumatama sa aming mga balat ay nakauwi na kami ng Hotel na aming tinutuluyan. Tantya ko, mga 5:30 yun ng hapon. Another kainan uli ang nangyare. Konting kwentuhan at nagkayayaan na rin kaming magpahinga sa aming mga kwarto. Sa isang kwarto, apat kaming magkakasama. Ako, Si Mang Tony, Kuya Carlo (kasamahan ni Mang Tony sa club nila ng mga Photographer, at Kuya Raniel (barkada nila Mang Tony At Kuya Carlo na isa ring mahusay na Photographer. Pero sa sobang pagod, maagang nakatulog si Mang. Tony pati na rin si Kuya Carlo, kaya kami na lang ni Kuya Raniel ang naiwang nagkwekwentuhan. Masarap kakwentuhan si Kuya Raniel, ang dami kong napupulot na istilo sa kanya sa mga tamang paggamit ng camera at pagkuwa ng larawan. Hindi naman kasi sya yung tipo ng photographer na maramot sa nalalaman. Kahit na marami na rin syang mga contest na napanalunan.










(Itutuloy...)






P.S.


Kung isa ka sa mga taong hindi ko narereplyan ang message sa Friendster at E-mail, pagpasensyahan nyo na po, busy lang sa pagbakasyon ang inyong lingkod. Pwede naman yon diba? Hehe..


At sa mga nag-aabang ng mga larawang nakuwanan ko doon sa Banaue Rice Terraces, medyo matatagalan pa po, tinatamad pa kong mag-upload ng picture. hehe.. Pero pramis, ilalagay ko sya sa Friendster. =)






Posted by YHOTSKI at 04:45 AM | Ang hindi mapakale

March 30th, 2008

Trip To Banaue (Part - 3.)

"Whoa, amber is the color of your energy
whoa, shades of gold displayed naturally
you ought to know what brings me here
you glide through my head blind to fear
and I know why
whoa, amber is the color of your energy
whoa, shades of gold displayed naturally"

-311, Amber








Ala-singko y medya pa lang ng madaling araw ay nambubulahaw na ng gising si Mang Tony. Nagyayaya ng lumabas para kumuwa ng larawan. Pero ako, nasa kasarapan pa rin ng tulog. Ang sarap kasing matulog sa malambot na kama habang yumayakap sayo ang malamig na simoy ng hangin dala ng Banaue. Medyo nagigising-gising lang ako pag kinakalabit na nya ko. Ang huli kong natatandaan, nakatulugan ko yung mga kwinekwento sa’ken ni Kuya Raniel. Kaya nung magising ako, asar talo ako sa kanya dahil antukin daw pala ko.




Bago kami umalis, naisipan ko munang maligo. Pero anak ng teteng, sobrang lamig. hindi naman ako makapag-back out dahil kagabi e natulog akong walang ligo. Nung unang buhos ko ng tubig, tangna! Nanginginig ang buo kong katawan. Para akong pusang binuhusan ng malamig na tubig. Pati ata itlog ko nanginginig din. Yung pagligo ko lang doon sa banaue unang naranasan yung hindi ko na halos madampot yung tabo dahil nanginginig yung buo kong katawan. Sobra kasi talagang lamig, para kang naliligo sa loob ng refrigerator. Matapos ang ilang mga tapos, nasundan pa naman ng ilang buhos ang pagligo ko. Pero may kakambal na “Putangina ang lamiggg!!” na salita ang bawat buhos kong yon.




Ala-sais ng umaga, nakapag-almusal at nakaalis na rin naman kami. Ang pag-larga naming yon ay patungong "View Point" ng Banaue Rice Terraces. Nag-trysikel lang kami papunta doon. At napagkasunduan na maglakad na lang pabalik para bawat may madaanan na maganda ay makuwanan. Kung nakita muna yung pinost kong mga picture sa Friendster na mga nakuwanan ko sa banaue, doon halos lahat galing yon. Ang iba lang e sa Bangaan. Sa may bandang paanan ng Rice Terraces kung saan kami bumaba.




Ngayon ko lang nadiskubre na napakahalaga pala sa mga Photographer ang unang putok ng sikat ng araw. Napaka-importante daw pala nun para sa kanila. Iba raw kasi ang hatid na sikat nun pag tumama sa magandang tanawin. May kakaibang kulay na hatid. Nagpapaganda at nagpapatingkad sa ipapadevelop na larawan.




Isa sa pinakamasarap na parte ng malamig na lugar ay hindi nakakapagod maglakad. Dito ko unang naranasan ang anim na oras na lakaran na hindi ako napagod. Ewan, dala lang siguro ng sobrang exitment dahil first time kong makarating dito sa Banaue o talagang parang uminom lang ako nun ng katas ng Energizer. Sa Maynila kasi, 30 minutes ka lang maglakad, magpuputik na ang singit mo sa pagod. Simula view point ng banaue hanggang doon sa tinutuluyan naming hotel kami naglakad. Ang pinaka-pahinga lang namin e yung tumingin sa mga nadadaanan naming nagtitinda ng souvenir. Masarap kasi dahil habang naglalakad kami nung mga bandang umaga e sumasampal sa mga mukha namin ang makapal na fog. Tapos habang nagsasalita kami e may mga lumalabas na usok sa bibig namin kahit na hindi naman kami naninigarilyo.




Mahaba-habang lakaran at matagal-tagal. Anim na oras talaga ang inabot dahil inorasan ko.




Mga bandang ala-una na rin kami nakabalik ng Hotel. Pagkadating e umorder kagad kami ng makakain. Alas dos na nailatag sa lamesa naming kakainan ang masasarap na pagkain. Kung nagbabalak ka ring pumunta dito sa Banaue, sinasabi ko na sayo masarap talaga dito Lalo na kung marami-rami kang pera.




May kamahalan kasi ang mga pagkain dito sa Banaue. Pero hindi pa ko sigurado dyan kasi mukhang dito lang sa Hotel na tinutuluyan namin mahal ang pagkain o pati rin sa ibang kainan. Paano kasi, sa isang kainan, magagalusan ang bulsa mo ng 150 pesos. Kung sa Maynila yon, buong araw ko ng ginastos yon at nakapag rent pa ko sa computer shop nun. Lahat ay di bayad. Sa pag charge ng cellphone, may bayad na 30 pesos. Sa kapeng wala namang pinagkaiba sa mga nabibiling kape sa maynila, 20 pesos. Walang sabaw na libre kapag kakain kayo. (baka may bayad din kapag gusto mo.) Pagkatapos ko ngang kumain, tinanong ko yung babaeng waitres kung may bayad rin yung paghingi ng toothpick at tsaka tissue e. Pero simangot na mukha lang sinagot nya saken sabay turo kung saan nakalagay yung mga toothpick at tissue.














(Itutuloy uli....)






Posted by YHOTSKI at 02:05 AM | Ang hindi mapakale