April 13th, 2008
Trip To Banaue (Part - 4)
"A riot in the heart
Come ruin or rapture
May we never part
A blue mystic light
I carry a torch and a pocket guide
To the markers of beautiful memories"
-The Camerawalls, Markers Of Beautiful Memories
Patay na oras ang hapon. Kung nasa maynila siguro ako ng ganitong oras, kung nasa trabaho ako, tiyak na nakatunganga lang ako sa harap ng monitor ng computer at nagbabasa-basa ng kung ano-ano sa internet. O kung day-off naman ako at nasa bahay lang, kung hindi ako tulog, nanonood ako ng Dvd. Walang pwedeng mapaglibangan. Walang Mall. Walang basketbolan. Wala ring mga computer shop.
Sa mesa na aming kinainan kaninang tanghali kami nakatambay at nagkwekwentuhan nila Mang Tony. Naligpit na lahat ng kinainan namin at napunasan na ang lamesa, pero kami ay naka-upo parin. Kulang na lang ay ipagtabuyan kami ng waitress at sabihan ng “Tsupi!”
Magandang pamatay oras ang kwentuhan. Sa kwentuhang yon ko mas lalong nakilala si Mang Tony. Hindi naman kasi kami masyadong nakakapag-usap doon sa amin dahil madalas e nasa trabaho ako. Kapag biyernes at sabado ko lang sya madalas makita. Nagpapakain ng mga alaga nyang manok. Paminsan-minsan, kumukuwa ng picture. Astigin pala sya nung kabataan nya. Pero hindi ko na ikwekwento kung ano yung mga ibinahagi nya na mga pangyayare sa buhay nya. Baka kasi mapahaba pa ng husto, tamarin ka pang magbasa. Medyo napapa-isip lang ako habang kami e nagkwekwetuhan. Mamayang alas-nuebe, lilisanin ko na pala ang magandang lugar na to na simula nung bata ako e pinangarap kong mapuntahan. Bagama’t babalik kami dito sa susunod na mahal na araw para pasyalan ang Sagada at Tapia, medyo nakakalungkot parin sa isang banda. Lalo na’t nag-enjoy talaga ako ng husto sa pagbabakasyon kong to. Yun ang masakit na parte na tumatakbo sa isip ko habang nagkwekwentuhan kami. At sa kabila ng pag-iisip kong yon na parang isang contestant sa mga game show ay para akong tanga na biglang nagyaya sa kanila na mamili ng souvenir at pasalubong. Buti na lang e sumama sila.
Pero bago kami lumabas ng Hotel, maryoong isang koreanong nakikipag away sa namamahala ng hotel. Lahat yata ng mga tao sa hotel na yon kasama kami ay nakatingin sa kanilang ginagawang eksena. Walang mga nakatutok na camera at director na nagmamasid sa mga kinikilos nila pero makatotohanan ang ginagawa nilang eksena.. Totoo ngang nag-aaway. Umuulan ng mga salitang "bullshit" at "fuckyou" sa bibig ng gigil na gigil na koreano. English ang salita nya. At sa pagkaka-intindi ko, ang pinagtatalunan nila ay ang reservation na hindi ata nabigay ng namamahala. Pero kung sa pagkakataong nagkamali nga ang namamahala, lisensya na ba yon para murahin nya ang kalahi natin? Para hiyain? May mali ata. Dapat, yung mga ganitong klaseng dayuhan ang pinagugulpi kay Manny Pacquiao e.
Humupa rin naman ang sitwasyon sa loob ng hotel na tinutuluyan namin ng may dumating na pulis at binitbit ang walang modong koreano. Sa lakas ng pangunguwelyo ng maskuladong pulis sa koreano, kalokohang hindi sya manahimik. Sumigaw ng malakas ang wang-wang ng mobil na sasakyan ng pulis habang sakay na sa loob nun si koreano. Tumakbo ng matulin. Tapos ang storya ng magagaling na actor. Sayang! Sana nakuwa man lang ako kahit man lang “extra”
Walking distance lang ang bilihan ng souvenir sa hotel na tinutuluyan namin. Kaya pagkatapos makapanood ng isang magandang eksena. Diretso na kagad kami para mamili. Sa unang tindahan ng souvenir na napasukan namin, muntik na kong magback-out pauwi dahil yung tindera na matandang babae ay namumula ang bibig. Parang bampira na kakatapos lang kumagat ng leeg at sumipsip ng dugo ng tao. Nung pagmasdan ko maiigi ang bibig nya. Parang gusto kong mautot sa katatawa. Nagnga-nganga lang pala sya. Yon siguro ang dahilan kaya halos lahat ng nadadaan naming kalsada e may markang pula. Sa pagdura-dura siguro nila. Para paikliin ang kwento, nakabili na rin kami ng mga souvenir at pasalubong. Namakyaw ako ng Peanut Breatle, mga mambo jumbo na pang-display sa bahay. Jacket na ipapasalubong kay special someone. At bumili na rin ako ng walis tambo na matibay para may maipang-hambalos saken ang aking nanay pag-uwi ko ng bahay. Dalawang araw lang kasi ang paalam ko sa kanya, pero mukhang aabutin kami dito sa Banaue ng apat na araw.