May 8th, 2008
Manunulat Nga Ba Sya?
Gigising sya ng alas-otso ng umaga. Didiretso sa lababo, maglalagay ng tubig sa baso at ipapakalikot sa dumadaloy na tubig ang natitirang panis na laway sa kanyang ngala-ngala. Pupunta ng kubeta, iihi pansamantala. Ang ilang minutong inilagi sa kubeta, mas magtatagal sa paglakad para bumili ng makakain sa umaga. Pagkalabas ng bahay, si Mang Oca ang unang makikita.
“Kuya Oca! paluto nga ng Lucky Me Pancit Canton, Chicken flavor ha!”
Pipiliting ngumiti ng may edad na tindero sa harap nya na mukhang hindi pa nagtatanggal ng tinga sa mata.
“Ang aga-aga mong mang-asar ha!”
Lakad papuntang labasan. Pero bago marating ang pandesalan, hihinto muna sa isang tindahan ng ulam.
“Meron po ba kayong Champoradong may paa ng manok?”
“Meron kung adik ka!” Sabay ngiti ng matandang tindera.
Hindi sya adik, kaya sa tingin nya walang tindang Champoradong may paa ng manok.
Kakaladkarin ang paa papunta sa tindahan ng tinapay. Pipiliting isaksak sa kukote na nagugutom na sya.
Pagkarating sa tinapayan, lilingunin ang ilang tao sa harap ng istante. Hahanapin ang isang taong gusto nyang laging nakakasabay bumili ng tinapay at nagpapaligaya sa kanyang buhay. Si Super Lolo.
Bigla nya tuloy namiss ang mga patutsada ni Super Lolo kapag bumibili ito ng tinapay o sigarilyo.
“Inday, magkano ang isang istik nyo ng Marlboro?”
Sasagot ngayon tong tinderang babae na tinawag nyang inday.
“1.50 isa!” sa mukhang hindi mo alam kung nainsulto o nagtitimpi lang ng galit.
Si Super Lolo naman ang babanat.
“Oh, itong sampung piso, bigyan mo ko ng anim na piraso. Ipili mo ko ng matataba ah?!”
Tawanan na sigurado lahat ng makakarinig sa kanyang mga banat.
"Wala sya." Bulong nya.
“Pandesal nga, sampung piraso, at saka tatlong pisong bilis”
Iaabot ang pera at mabilis namang kukunin ng tindera na may ternong padabog na paa.
“Dati ang gulay di ko tinitikman, palagi na lang iniiwasan..”
Kanta ng commercial sa kaharap nyang telebisyon.
“Walang kwentang commercial…”
Papatayin ang TV sa harapan nyang palaging kasabay sa pagkain sa umaga. Naiirita kasi sya sa kanta. Parang nang-iinsulto. Porke ata hindi sya mahilig kumain ng gulay. Atleast sa pagpatay nya ng TV, makakatipid pa sya ng konti sa makukunsumo na kuryente.
Buti sana kung ang tipo ng commercial e yung isang babaeng dating artista at ngayon ay isa ng politko ang makikita nya sa harap ng TV at nagsasabi ng
“Kung ganon lang kadali ang pag-asenso, marami na sigurong lumunok ng bato.”
O kung yung isang sikat na babaeng artista uli ang maririnig nyang nagsasabi ng
“Oo! Inaamin ko! Nagka-casino ako!!!”
O di kaya e yung isang lalake na mag-uumpisa pa lang kumain ng paborito nyang noodles at biglang naisipang mag-imagine na kunwari e siya yung sumasayaw habang nagsasabi ng “Tom-yum! Tom-yum!” na nung biglang mahimasmasan sa pag-iimagine e nagulat na lang sya ng biglang humaba ang kanyang kuko.
Kahit na wala naman talagang kwenta ang mga ganong klaseng commercial, ganon ang mga gusto nyang napapanood sa harap ng telebisyon. Kung papipiliin nga sya, mas pag-aaksayahan nya pa yon ng oras kaysa sa palabas na Dyesebel.
"MAGANDANG ALON!!"
Sa mga pagpuna nyang yon, doon magsisimula ang malikot na takbo ng isip nya.
Sa ilang beses na pag-angat at pagbaba sa tasa ng kape para lagukin, doon may nabubuo sa isip nya na kung ano-anong kwento. Minsan pagsinisipag sya, isasalin sa papel. Pero kadalasan, hinahayaan nya na lang na mabuo sa utak nya. Yun nga lang, pag may umistorbo sa kanya, o may gumambala na pangyayare. Halimbawa, tinatawag sya ng kaibigan nya para maglaro ng basketball o nagtext ang isang nilalang na importante sa buhay nya. Parang disgrasyang napindot ang “DELETE” button sa utak nya. Damay ang magandang kwentong naisip nya.
Hindi na ‘to kakaiba sa kanya. Sa ilang minuto na pagtunganga, tiyak may bago na naman syang mata-type sa harap ng computer pag-pasok nya. Sa hindi nya malamang dahilan kung baket nya to kayang gawin. Minsan, gusto nyang ipasok sa kakapiraso nyang kukote (kahit na wala naman sya talaga non.) na manunulat nga ata sya. Pero hindi. Kahit kaylan, hindi nya yon pinangarap. At ayaw nya naman maging linya. Siguro masasabi nya na marunong lang sya. Na mahusay syang gumamit ng imahinasyon. Bagay na puhunan ng isang manunulat.
Sana, makakuwa sya ng libreng oras para buuin to sa harap ng MS Word pagpasok nya sa trabaho.
Sana.
Sana.
Exited na tuloy syang pumasok sa trabaho.