June 15th, 2008
Suspension
"You've got to get yourself together
You've got stuck in a moment
And now you can't get out of it"
-U2, Stuck In A Moment
Una sa lahat, pasensya na kung may katagalan bago uli ako nakapag-blog, marami lang akong naging problema at inaasikaso. Isama mo na dyan ang pagkakasuspende ko sa trabaho ng mahigit dalawang linggo.
Oo, nasuspende ako sa trabaho ng mahigit dalawang linggo. Yan ang dahilan kaya lagi lang ako dito sa bahay, panood-nood ng Dvd, pakain-kain, at patulog-tulog.
Ang rason ng suspension ko?
Nagpakabayani ako at pinagtakpan ko ang isang katrabaho ko na naglalaro yata ng Dota o nag-iinternet sa oras ng trabaho. (Hindi ako sure kung anong ginagawa nya sa harap ng computer, bigla lang kasi akong lumapit sa kanya at kinalabit sya.)
Ganito kasi yun, mahigpit na ipinagbabawal sa trabaho namin ang mag-internet at mag-games kapag nasa oras ng trabaho. Hapon nun ng biglang dumating ang boss namin. Nagta-trabaho naman talaga ako nung mga oras na yon, pero yung isang kasama ko sa trabaho, e hindi. At bigla kong naisip na lapitan sya para ipaalam sa kanya na nandyan si boss. Mabilis ang pangyayare, hindi ko namalayan na sumunod pala saken si boss at nahuli pala ako na sinasabihan ko yung isang katrabaho ko para hindi nya mahuli.
E di kinasuap ako ni boss, bakit ko raw pinagtatakpan yung katrabaho ko. Bakit pa daw ako nagsisinungaling samantalang nahuli na naman nya ako. Sa kahuli-hulian, umamin rin naman ako na kaya ko lang naman nagawang magsinungaling e para pagtakpan yung katrabaho ko ng sa ganon e hindi maipahiya ng boss ko. Nagsorry ako nun kay boss sa nagawa kong pagsisinungaling. Alam kong mali yung ginawa ko. At kahit saan ko tingnang anggulo, mali talaga ako. Aminado naman ako doon. Mga ilang minuto lang, lumabas na ang memo sa naganap na pangyayare. At ayon nga, nalaman ko na suspended ako sa trabaho ng tatlong araw. Tinanggap ko naman ng buong puso ang suspension ko. Kailangan ko talagang pagbayaran ang nagawa kong yon na kasalanan sa isip-isip ko. Makalipas ang tatlong araw na binuno kong suspension.
Pagpasok ko sa trabaho. Ang akala ko e okey na ang lahat. Hindi na kasi napapag-usapan at yung ibang katrabaho kong babae e panay ang lambing saken. Namiss daw nila ko. May nagsabi pa na tumaba pa raw ako. Gusto ko sanang maniwala pero nung bigla kong maisip na madalas pa rin akong magsuot ng extra small na t-shirt, bigla kong naisip na binobola lang ako ng nagsabi sakeng katrabaho ko na tumaba daw ako.
Ang buong akala ko e tapos na. Pero mga bandang hapon, tumawag yung isang head namin sa trabaho na nagsasabing gumawa daw ako ng letter na patunay na nagsosorry ako sa ginawa kong pagtatakip sa ginawa ng katrabaho ko. Langya! Ako ang naiipit sa sitwasyon, nagsorry na ko lahat-lahat, ano pa ba ang gusto nilang mangyare? Luhod tuhod akong humarap sa kanila? So, gumawa ako ng letter. Hindi para magsorry lang, kundi para ipaalam sa kanila na pinagsisisihan ko yung nagawa ko. Nang mai-fax ang ginawa kong letter sa head office, may lumabas na namang memo na para sa akin na nagsasabing suspended na naman ako ng isang linggo. Langya! (ulit) sa isip-isip ko. Ano ba to lokohan? Hindi pa ba sapat yung tatlong araw na suspension na binuno ko at kailangan ko pang bumuno uli ng isang linggo na suspension? Nagsorry na ko kay boss nung kasalukuyang sinasabon nya ko ng sermon.. Nagsorry na ko sa letter na ginawa ko. Sinuspende na nila ko ng tatlong araw. Hindi pa ba sapat yon?
Hindi ba nila naiisip na ako ang nagdudusa sa ginawang kalokohan ng katrabaho ko na pinagtakpan ko lang naman. Na kung tutuusin, sya ang nagdudusa at hindi ako dahil sya ang may ginawang malaking kasalanan at hindi ako. Okey lang naman saken kung ako talaga ang gumawa ng kalokohan e. Kahit tanggalin nila ko sa trabaho, tatanggapin ko, kasi kasalanan ko. Pero ang hindi ko lang matanggap, bakit kailangang i-extend ang suspension ko ng isang linggo. Anong dahilan? Hindi pa ba sapat ang lahat?
Ang isa pang nakakapanghina ng loob, yung katrabaho ko na pinagtakpan ko, ni suspension hindi man lang nakatikim. sa makatuwid, ako lang talaga ang pinag-initan ng boss namin.
Hindi ako nagda-drama na parang isang anghel na nagpapagpag ng dumi sa pakpak nya. Hindi ko rin kailangan ng awa. Sinasabi ko lang ngayon ang hindi makataong suspension ko. Nakakaasar lang kasi parang hindi nila nakikita yung malasakit ko sa trabaho. Mahal ko ang trabaho ko. Kahit na mahaba ang oras, hindi ko na yon pinapansin dahil nag-eenjoy ako dito sa trabaho ako, dahil masaya ako dito, gusto ko yung ugali at nasasakyan ko yung mga katrabaho ko. Ang nakakapaghina lang talaga ng loob, bakit pa kailangang i-extend yung suspension ko ng isang linggo? Baket naman ganon? Hindi naman makatao. Ganon ba kagrabe ang nagawa kong kasalanan para i-extend yung suspension ko?
Kung siraulo akong empleyado, baka magtatalon pa ko sa tuwa dahil inextend nila ng isang linggo yung suspension ko. Biruin mo, isang linggo akong makakapaglaro ng basketball, isang linggo akong makakapanood ng Dvd sa bahay, isang linggo kong makakasama yung mga pamangkin kong makukulit, At isang linggo akong magpapa-petiks-petiks lang sa loob ng bahay. Baka nga ipa-extend ko pa yung suspension ko eh!
Pero hindi eh! Kung alam lang nila kung gaano ako nainsulto.
Ganun ba kabigat ang naging kasalanan ko para isuspende ako ng mahigit dalawang linggo?
Sana sa pagpasok ko uli sa trabaho, ganoon lang kadali kalimutan ang ginawa nila saken.
Sana, ganon lang kadali.