December 11th, 2008
Nanay, Cellphone, At Ang Mga KSP Sa Friendster
"You tried so hard to be someone
That you forgot who you are
You tried to fill some emptiness
‘Til all you had spilled over
Now everything’s so far away
That you don’t know where you are, you are"
-Jet, Hold On
Umuwi k muna d2 my ta2nong aq – nanay
May celphone na pala ang nanay ko. Bigay ng panganay naming kapatid. Kamakaylan ko lang nalaman. At nalaman ko na lang nung nagpapaturo na sya saken isang araw kung ano-ano ang mga pipindotin nya sa kanyang bagong celpone (na hindi naman talaga bago dahil pinaglumaan.) Sa totoo lang, sa pagiging simple ng nanay ko, di sya hagip sa mga naglalabasan ngayon na kung ano-anong makabagong teknolohiya. Di sya mahilig sa mga kung ano-anong bagay na magpapagulo sa kanyang buhay. Wala syang hilig sa computer, di sya nag-iinternet. di nya alam gamitin ang flash drive, at kung sa mga bagong kanta na maganda at dapat i-upload sa i-Pod ay sya ang mapili nyong mapagtanungan? Lalayasan nya lang kayo dahil di nya alam ang i-Pod. Ganyan lang kasimple ang aking nanay. Medyo nakakapanibago lang, at di ko maisip kung ano kaya ang pumasok sa utak ng nanay ko at naisipan nyang mag-celpone. kasi di talaga mahilig sa mga materyal na bagay ang nanay ko, di nga rin yon mahilig magsuot ng alahas. At kanina, nung pagbaba ko nakita ko sya pinipindot yung celpone nya, nung makita nya ko, sabay tanong saken kung pwede daw bang magpaload ng isang beses na lang sa buong taon, nakakaasar naman daw kasi yung palabas-labas ng bahay para lang magpaload. Napangisi ako nung sinabi nya yon, sa isip-isip ko, di tatagal sa celpone ang nanay ko. At ayon, kaya nya ko tinext para pauwin ay dahil manghihiram sya ng charger, malapit na raw kasi syang ma-lowbat. Sa ngayon ay medyo magaling na magtext ang aking nanay. Alam nya na gamitin ang mga barok na text para mapaikli ang gustong sabihin. Medyo nangangamba lang ako, kasi kanina, nung kumakain kami ng sabay ng pananghalian, tinatanong nya ko kung ano yung Friendster. Mukhang may balak pang mag-register sa friendster. Sabi ko na lang na mahirap mag-ganon, mas nakakalito sa celpone. Ayon buti na lang at di nya inurirat. Dahil kapag nagkataon, magpapa-add saken ang nanay ko. Baka nga mang-hingi pa ng comments eh!. Haha..
At nabanggit ko na rin lang ang Friendster, may nagforward nga pala saken sa e-mail ng tungkol sa mga ilang halimbawa kung ikaw ay KSP sa Friendster. Kalakip rin ng forward e-mail na yon yung ang "Ayon Kay Bob Ong" (mga quotes mula kay Bob Ong na nabasa ko na naman sa libro nya dati.) Pero sa dalawang inimail sakeng yon, mas naging interesado ako doon sa mga ilang halimbawa kung ikaw ay KSP sa Friendster. Nakakatuwa lang kasi dahil yon talaga ang ilang imahe na mapapansin mo na umiikot sa ilang gumagamit ng friendster. Sayang lang at di isinama nung gumawa ng ilang halimbawang yon yung mga mahilig mag-message ng kesyo may mangyayare daw na masama sa mga mahal mo sa buhay kung di mo raw ipapasa sa iba ang ilang papansin nilang message na medyo nakakatawa talaga kung iisipin mo. Para bang sinasaniban sila ng ispirito ni madam auring at nahuhulaan nila ang mga pwedeng mangyare. At sayang din dahil di nailagay sa mga ilang halimbawang yon yung mga nakikita kong may picture na laging naka-piece sign. Minsan nga, di pa nakukuntento, gamit ang dalawang daliri pang piece-sign, ilalagay pa sa gilid ng kanilang mga mata ang nasabing piece sign. Tipong otomatik na kapag ikaw ay tututukan ng camera, kailangan na ilabas mo ang iyong napakalupit na piece sign. Minsan napagtripan kong gawin din yon. Yung mag piece-sign habang pipiktyuran. Nung makita ko yung itsura ko sa nasabing larawan, para lang akong tanga. At walangya talaga, may binabagayan pa pala siguro ang nasabing piece sign na yon. Haha. Para sayo na nag-forward saken ng dalawang e-mail na yon, maraming salamat! Alam muna kung sino ka. Kung alam mo lang, ikaw ang naging daan para makapag-blog uli ako. Alam ko na matagal na siguro tong kumakalat sa mundo ng world wide web, ngayon ko lang siguro nabasa. At malamang, nabasa mo na rin ‘to. Pero para sa kapakanan ng mga hindi pa nakakabasa, muli ay ipo-post ko dito ang nasabing artikulo.
KSP KA BA SA FRIENDSTER?
Eto ang mga sintomas para malaman mo kung ikaw ba ay nagpapakita ng pagiging KSP sa frinedster:
• Nagpopost ka ng sangkaterbang bulletin na iisa naman ang sinasabi at paulit-ulit lang. Timano hindi mo pinagbibigyan ang iba para naman maka-singit sa limang slot ng bulletin sa profile.
• Gusto mo ikaw lang ang mapapansin sa friendster kaya naman kuntodo ang post mo ng bulletin kahit ito pa ay sa araw araw na ginawa ng dyos ikaw na lang ang naglalagay doon.
• Nagrerequest ka to view their “private photos” kahit di naman kayo close.
• Nagiistok ka sa mga friends mo. Tinitingnan mo kung may picture ba ang dati mong BF kasama ang new GF nya, kung lumakad ba ang barkada na di ka naman kasama o may picture ng birthday party na di ka inimbita. Dinaig mo pa ang Stalker ni Paris Hilton. Komunsulta ka sa doctor at paranoid ka.
• Feeling mo blog mo ang bulletin at laging ang haba ng mga mensahe mo dun na pwede mo namang isulat sa private messaging.
• Nagpapapicture ka ng solo o di kaya naman pinipikturan mo ang sarili ng nakatingala, nakatagilid, nakatakip ang buhok, nakabelat, nakatitig ng masama, pinapalobo ang dalawang pisngi para mag-mukhang cute o kung ano mang angulo na inaakala mong kyut ka
• Nagmemessage ka sa bulletin para sa isang tao lamang. Mabuti sana kung Grupo kayo at malawakan ang paguusap. Ngunit kadalasan Ginagamit mo ang bulletin sa pagbati ng happy birthday sa isang tao o di kaya naman ay pagsagot sa kanyang mensahe. Inaakala mo na astig ito pero ang totoo nyan, pinagtatawanan ka ng friends mo. Kaya nga may inbox eh! At kaya nga tinawag ito na bulletin eh hango sa bulletin board!
• Wala ng ibang mukha na nakikita ang tao sa bulletin kung di mukha mo na naka sideview at nakatingala sa camera.
• Kahit alam mong di ka pa mamamatay ngayon eh pinapatulan mo ang kung ano anong sumpa at banta sa bulletin kaya naman ipinapasa mo ito at pinopost uli, tapos babaguhin ang title para lang masabi na “in” ka
• Magre-research ka sa library at sa mga lumang libro tapos magpopost ka sa shoutout ng kung ano-anong quotes na kadalasan hindi mo naman alam ang ibig sabihin. Kalimitan pa nga, mas malalim mas patok kahit nosebleed ka na sa paghahanap at pagintindi dito. Ang nakakalungkot, di naman nakikita sa buhay mo ang mga pinagsasasabi mo sa shoutout mo!
• Magfoforward ka ng mga peke na messages na nagsasabing malapit na magsara ang friendster kahit pa ito’y umuso na limang taon na ang nakakaraan, mapansin ka lang.
• Babaguhin mo ang iyong pangalan na wala namang katuturan para lamang matingnan ng friends mo ang profile mo upang alamin kung sino ka bang talaga.
• Papapicture ka na kung ano ano ang hawak at suot para lamang may mailagay ka sa primary photo at masabing ikaw ay astig. Mas weird, mas takaw pansin haha.
• Wala kang umay sa pagsasagot ng survey sa bulletin kahit alam mo namang walang nagbabasa at walang pakielam ang tao sa mga gusto mo at mga sagot mo
• Ipopost mo lahat ng accounts mo sa internet sa profile mo mula sa myspace, imeem, multiply, xanga, youtube at kung anong anik anik
• Ipinagkakalandakan mo ang iyong numero ng celphone iniisip na kokontakin ka ng ibang tao kahit hindi naman sila interesado sayo.
• Hindi nawawala ang profile mo sa mga updates sa homepage at palagi ka naka login 24 hours
• Hindi mo nilolock ang profile mo at hinahayaang nakabalandra para makita ng iba ang profile mo kahit ang litrato mo ay hindi naman kaaya-aya.
• Silip ka ng silip sa kung kani-kaninong profile at kiniclick mo lang yung magaganda at gwapo
• Add ka ng add ng kung sino sino kahit di mo kakilala masabi lang na madami kang friends
• Nag-iiwan ka ng mga comments na nagki-kintaban, nagi-ilawan ang nagnining-ningan na kadalasay mas malalaki pa ito sa wallpaper pero wala namang ibang mensahe kung di “thanks for the add” and “have a nice day”.
• Ipapa blowup mo sa photoshop ang mukha mo tapos ito ang ilalagay mo sa comments ng iba. haha
• Nagtataka ka kung bakit di nagrereply ang mga friends mo sa mga messages na iniiwan mo sa kanila, yun pala blinock ka na nila kasi ang kulit mo.
• At kahulihan, biglang mababawasan ang bilang ng friends mo, hahanapin mo tuloy kung sino ang nawawala, kasi dinelete ka na sa friendster nila, KSP ka kasi haha.
Nawa’y wag mapikon ang mga may friendster dyan na tinatamaan, bagama’t naglalaman ng katotohanan, ito po ay katuwaan lang. Gaya nga ng sinasabi dati ni Ted Failon, bato-bato sa langit ang tamaan wag magalit, dahil ang pikon ay laging….. PANGET!
Halata bang namiss kong mag-blog? haha
Nagbabalik po, Yhotski