April 26th, 2008
Birthday Wish
"Nakakaawa ka naman
Pagsapit ng kaarawan
Nakaupo sa may hapag kainan
Tinulugan ka pa ng magulang"
-Itchyworms, Happy Birthday
Pangkaraniwang araw lang sa akin ang April 25 kahit pa iyon ang araw ng aking kapanganakan. Palibhasa’y ugali ko naman ang hindi mag-handa kapag sumasapit ang aking kaarawan ( pero nagpapa-inom ako, pag may pera.) kaya hindi sa ganong paraan ko sinecelebrate ang aking kaarawan.
Kwento ko lang.
Natatandaan ko noong araw, kapag naiimbitahan ako sa mga birthday nung bata pa ako, madalas na ang inereregalo ko lang ay Pretzel Chocolate. Oo, yung pretzel na nasa karton. Bukod kasi sa mura na, madali pa kasing balutin ng gift wrap. (napaghahalata ang pagiging kuripot, hahaha..) Naging bisyo ko na noon ang gawing regalo yon. Kahit sa mga exchange gift sa eskwelahan kapag Christmas Party. Kahit ang napapag-usapan halimbawa ay worth 100 pesos ang regalo, ang gagawin ko, worth 100 pesos na pretzel, pero minsan, hindi worth 100 pesos yon, mga halagang 80 pesos lang. syempre, isasama ko pa sa bilang yung pinambili ko ng gift wrap at saka yung ginamit kong iskatstape. Hehe.. Medyo hindi pa naman ako ganon kakuripot, dahil kung iniisip nyo yon saken, may mas kilala pa kong tao na talagang hukluban ang pagiging kuripot pagdating sa mga ireregalo. Sya ang kaklase ko nung elementary ni si Robert. Wala na yatang tatalo sa kanya sa pakuriputan. Wala naman syang lahing intsik pero matindi talaga. Iba naman ang isitilo nya, sya e puro candy at paper doll lang na ilalagay sa karton ng katol. Tapos babalutin. Yon! May instant regalo na sya sa maliit na halaga. Pero dati ko lang naging ugali yon. Hindi na ngayon.
April 25 kahapon. Birthday ko. Imbis na pumetiks-petiks sa loob ng bahay, mas pinili ko na lang na pumasok sa trabaho dahil wala naman akong pera pangpa-inom at pang-pakain sa mga kaibigan. Naubos ang pera ko sa kakagastos nung pumunta kaming Banaue, Pagsanjan at Baguio. Nakasanayan ko na ang dumiretso sa simbahan sa tuwing sasapit ang aking kaarawan. (bagay na hindi ko naman ginagawa tuwing biyernes o linggo gaya ng ibang tao. O miyerkules kung araw ng baclaran. Habang naglalakad papasok ng simbahan, tahimik akong nananalangin at nagpapasalamat sa Diyos sa pagdugtong nya sa aking buhay. Inaamin ko na hindi ako relihiyosong tao. Sa ilang birthday na dumating sa buhay ko, ngayon lang ako nanalangin sa Diyos ng hindi materyal na bagay ang hinihingi ko. Dati kasi, madalas, materyal na bagay. Wala lang, Tipong birthday wish ba?!. Pero bukod sa mga materyal na bagay, may mga personal din akong mga kahilingan nun. Para naman kasi saken, hindi ka naman dapat manalangin sa Diyos para lang humingi ng kahilingan. Sa parehong dahilan na hindi ko rin naman kailangang pumasok ng simbahan linggo-linggo katulad ng ginagawa ng ibang tao.
Pero naniniwala akong magkakatotoo yung panalangin ko.
Nga pala, maraming salamat sa mga taong nakaalala.